Bangungot ng Digmaan
Isa sa pinakamasaklap na puwedeng maranasan ng isang tao ang masangkot o madamay sa digmaan. Alam na alam iyan ng mga sundalo at sibilyan na nakaranas nito sa buong mundo.
MGA SUNDALO
“Napakarami mong nakikitang taong namamatay o nasusugatan nang malubha. Pakiramdam mo, lagi kang nasa panganib.”—Gary, Britain.
“Tinamaan ako ng bala sa likod at mukha. Ang dami kong nakitang pinatay—mga bata at matanda. Magiging manhid ang puso mo dahil sa digmaan.”—Wilmar, Colombia.
“Kapag may binaril sa harapan mo, hindi iyon mawawala sa isip mo. Hinding-hindi mo makakalimutan ang mga nakita at narinig mong paghihirap ng taong iyon.”—Zafirah, United States.
MGA SIBILYAN
“Pakiramdam ko, hindi na ’ko magiging masaya uli. Takót akong mamatay, pero mas takót akong mamatay ang mga kaibigan ko at ang mga mahal ko sa buhay.”—Oleksandra, Ukraine.
“Nakakatakot ang pumila para sa pagkain mula 2:00 a.m. hanggang 11:00 p.m. Hindi mo kasi alam kung tatamaan ka ng ligaw na bala.”—Daler, Tajikistan.
“Namatay sa digmaan ang mga magulang ko. Kaya nag-iisa na lang ako at wala nang mag-aalaga sa akin.”—Marie, Rwanda.
Sa kabila ng naranasan ng mga indibidwal na ito, nahanap nila ang kapayapaan. Kumbinsido rin sila na malapit nang magwakas ang lahat ng digmaan at kaguluhan. Ipapaliwanag sa isyung ito ng Bantayan kung paano mangyayari iyan.