Tagalog
Sinusuwelduhan Ba ang mga Saksi ni Jehova sa mga Gawain Nila?
https://cms-imgp.jw-cdn.org/img/p/502012476/univ/art/502012476_univ_sqr_xl.jpg
ijwfq artikulo 13

Sinusuwelduhan Ba ang mga Saksi ni Jehova sa mga Gawain Nila?

Sinusuwelduhan Ba ang mga Saksi ni Jehova sa mga Gawain Nila?

 Hindi. Wala kaming suweldo sa mga gawain namin. Tinutularan namin ang halimbawa ni apostol Pablo. Hindi niya ginamit ang ministeryo niya para magkapera.​—2 Corinto 2:17.

Sa artikulong ito

 Binabayaran ba ang mga Saksi sa pagbabahay-bahay nila?

 Hindi. Walang suweldo ang lahat ng ginagawa naming pangangaral, kasama na ang pagbabahay-bahay. (Mateo 24:14) Nangangaral kami at nagtuturo ng Bibliya sa iba gamit ang sarili naming pera, panahon, at pag-aari. Sinusunod namin ang sinabi ni Jesus sa mga apostol niya nang utusan niya silang mangaral: “Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.”​—Mateo 10:7, 8.

 May suweldo ba ang mga elder nila?

 Wala. Ang lahat ng ginagawang paglilingkod ng mga elder a ay walang bayad, kasama na ang bautismo, kasal, at libing. May sekular na trabaho ang karamihan sa kanila para mapaglaanan ang sarili at ang kani-kaniyang pamilya. Retired na ang iba, at may ilan na nasa pantanging buong-panahong paglilingkod pero walang suweldo.

 May suweldo ba ang mga nasa pantanging buong-panahong paglilingkod?

 Wala, pero pinaglalaanan sila ng pagkain, tirahan, at maliit na allowance para sa personal na pangangailangan nila. Nakakatanggap din sila ng medikal na tulong. Dahil sa mga ito, nakakapagpokus sila sa ministeryo nila, gaya ng ginawa ni apostol Pablo at ng iba pang Kristiyano noon.​—2 Corinto 11:9; Filipos 4:16, 17.

 Mga nasa pantanging buong-panahong paglilingkod:

  •   Mga misyonero

  •   Mga naglalakbay na elder at asawa nila, na dumadalaw at nagpapatibay sa mga kongregasyon

  •   Mga special pioneer, na inatasang maglingkod sa mga lugar na may malaking pangangailangan

  •   Mga naglilingkod nang buong panahon sa isang tanggapang pansangay

  •   Mga nagtatayo ng gusali para sa pagsamba o tumutulong sa disaster relief

Iba’t iba ang atas ng mga Saksi ni Jehova na nasa pantanging buong-panahong paglilingkod

 Paano namin ginagamit ang mga donasyon?

 Ginagamit namin ang mga donasyon para sa mga relihiyosong gawain namin at pagkakawanggawa. Ipinapaliwanag ang iba’t ibang gawain namin sa artikulong “Paano Ginagamit ng mga Saksi ni Jehova ang mga Donasyon?” Makikita naman sa serye ng artikulo na “Saan Napupunta ang Donasyon Mo” kung saan ginagamit ang mga donasyon at kung paano nakakatulong sa mga tao sa buong mundo ang gawain namin.

a Walang pastor, ministro, o pari na nangunguna sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Isang grupo ng mga elder ang inatasang manguna sa bawat kongregasyon. (Gawa 14:23) Pero hindi sila nakakataas kaysa sa ibang miyembro ng kongregasyon. Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya: “Lahat kayo ay magkakapatid.” (Mateo 23:8) Kaya hindi iniisip ng mga elder na mas mahalaga sila kaysa sa iba. Ganito ang sinabi ng Encyclopædia Britannica: “Ang pagkakaiba ng klero sa ibang mga miyembro ng simbahan ay nagsimula noong ikalawang siglo”—matagal nang patay noon si Jesus at ang mga apostol.