Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

May Nagdisenyo ba Nito?

Ang Shell ng Scaly-Foot Snail

Ang Shell ng Scaly-Foot Snail

● Ang scaly-foot snail, isang uri ng susô na matatagpuan sa pinakasahig ng Karagatang Indian, ang isa sa may pinakamatibay na shell na natuklasan sa kalikasan. Kaya nitong tagalan ang presyon ng tubig sa lalim na mga 2,400 metro. Karagdagan pa, ang maliit na muluskong ito ay hindi naaapektuhan ng mataas na antas ng asido at ng pabagu-bagong temperatura ng tubig​—pati na ng mainit na tubig na lumalabas sa mga bitak sa sahig ng dagat. Nagsisilbing proteksiyon din ang shell nito mula sa mga gustong kumain dito.

Pag-isipan ito: May tatlong layer ang shell ng scaly-foot snail. Ang unang layer ay binubuo ng mga iron sulfide; ang ikalawa naman ay katulad ng protinang nasa shell ng ibang uri ng susô; at ang ikatlong layer ay binubuo ng aragonite, isang mineral na may kalsyum. Dahil sa tripleng layer na ito, napakatibay ng shell ng scaly-foot snail anupat hindi ito kayang durugin ng malalakas na sipit ng alimango. Maaaring ilang araw na sipit-sipit ng alimango ang susô, pero hindi nababasag ang shell nito.

Gamit ang indenter, isang instrumentong may diamante sa dulo, natuklasan ng mga mananaliksik na “ang unang layer ng shell ay dinisenyong mag-absorb ng enerhiya kapag nagkakabitak ito,” ang ulat ng magasing Discover. “Sa palibot lang ng mga partikula ng iron sulphide nagkakaroon ng mga bitak. Hindi lang nag-a-absorb ng enerhiya ang maliliit na bitak kundi nahahadlangan din nito ang pagkakaroon ng malalaking bitak.” Samantala, ina-absorb ng ikalawang layer ang mekanikal na enerhiyang nalilikha ng mga umaatake.

Gustong kopyahin ng mga mananaliksik ang kayarian ng shell ng scaly-foot snail para makagawa sila ng mas matitibay na helmet at mga bulletproof vest, pati na rin ng mga kaha ng barko at eroplano. “Makikinabang din dito ang mga pipeline ng langis sa Artiko na laging tinatamaan ng mga iceberg,” ang sabi ng Discover.

Ano sa palagay mo? Nagkataon lang ba ang shell ng scaly-foot snail? O may nagdisenyo nito?

[Dayagram sa pahina 23]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Indenter

Unang layer

Ikalawang layer

Ikatlong layer

[Picture Credit Line sa pahina 23]

Courtesy Anders Warén