“Positibo Ka Pa Rin”
“Positibo Ka Pa Rin”
● Si Camila ay may anemia. Hindi normal ang kaniyang paglaki at may depekto ang kaniyang nervous system. Kaya kahit walong taóng gulang na siya, 30 pulgada (75 sentimetro) pa lang ang taas niya. Dinala siya ng kaniyang mga magulang, na mga Saksi ni Jehova, sa isang komperensiya tungkol sa medisina na idinaos sa isang teatro sa kanilang bayan sa Argentina. Umupo sila sa ikalawang hanay, at 500 katao ang naroroon.
Habang naglelektyur ang isang doktor, itinuro niya si Camila bilang halimbawa ng isa na kung titingnan ay malusog naman. Yamang wala siyang ideya na may sakit ang bata at hindi niya alam ang edad nito, nagtanong siya: “Ilang taon na ang anak mo?”
“Walong taon po,” ang sagot ng nanay ni Camila na si Marisa.
“Ano? Walong buwan?” ang sabi ng doktor.
“Hindi po, walong taon,” ang sagot ni Marisa.
Nagtaka ang doktor kaya pinapunta niya sa stage ang mag-ina para sagutin ang ilang katanungan. Matapos ikuwento ni Marisa ang mga pagsusuri ng mga doktor kay Camila at ang mga paggamot na sinubukan na sa kaniya, nagtanong ang doktor: “May mga nanay na umiiyak na kapag nagkatrangkaso ang mga anak nila. Pero kahit na si Camila ay pitong taon nang ginagamot at ginawa na sa kaniya ang lahat ng puwedeng gawin ng mga doktor, positibo ka pa rin. Bakit?”
Bilang tugon, sinabi ni Marisa sa mga tagapakinig ang tungkol sa kaniyang salig sa Bibliyang pag-asa. Sinabi niya na umaasa siyang mabuhay sa isang matuwid na bagong sanlibutan, kung saan mawawala na ang lahat ng uri ng sakit at pagdurusa, pati na ang kamatayan. (Isaias 33:24; Apocalipsis 21:3, 4) Pagkatapos, ikinuwento ni Marisa ang tungkol sa pandaigdig na kapatiran sa gitna ng mga Saksi ni Jehova. Ipinaliwanag niya kung paano nakatulong sa mga Saksi ang pag-ibig sa isa’t isa para makayanan ang mga pagsubok sa buhay.—Juan 13:35.
Nang matapos ang programa, lumapit ang isang babae kay Marisa para sa higit pang paliwanag. Sabik siyang matuto kaya tinanggap niya ang isang libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Ito ay iniaalok ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig sa mga gustong maunawaan ang Bibliya at ang kamangha-manghang layunin ng Diyos sa sangkatauhan.
[Larawan sa pahina 25]
Si Camila na walong taóng gulang, karga ng kaniyang nanay na si Marisa