Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Panlulumo ng Tin-edyer Tuwang-tuwa ako nang matanggap ko ang Gumising! Na may seryeng itinampok sa pabalat na “Tulong Para sa Nanlulumong mga Tin-edyer”! (Setyembre 8, 2001) Ilang taon ko nang pinaglalabanan ang sakit na ito. Salamat sa nakatutulong na materyal na ito sa napakahirap na panahon.
L. D., Pransiya
Ako’y isang pediatric nurse. Minamaliit ng marami ang mga bagay na nasasangkot sa panlulumo subalit hindi ninyo ginawa ang gayon. Humiling ako ng sandaang kopya ng magasing ito. Balak kong ibigay ang mga ito sa lahat ng mga pediatrician at mga manggagawa para sa kalusugang mental sa lugar na ito.
B. P., Estados Unidos
Marami akong kamag-anak na nasuri na may panlulumo o bipolar disorder. Malaking bagay ang magagawa na makilala ito bilang mga sakit sa halip na mga kahinaan para maibalik ang paggalang na naiwala ng maraming nakararanas nito. Ang mga mungkahi na inyong ibinigay ay makatutulong sa aming lahat upang maging madamayin at matulungin.
C. M., Canada
Pagkahawak na pagkahawak ko ng magasing ito, sinimulan kong basahin ito. Napaiyak ako sa kagalakan dahil sa bagay na may pitak sa inyong puso ang mga kabataan at itinalaga ninyo ang 12 pahina para sa paksang ito. Maraming-maraming salamat!
M. M., Austria
Talagang nakatulong sa akin ang artikulong ito upang kumalma at pumanatag ang aking puso. Ipinabatid din nito sa akin na hindi lamang ako ang nag-iisang may sakit na tulad nito. Idinadalangin ko kay Jehova na aliwin at tulungan ang lahat ng tao na nakararanas ng panlulumo.
Y. T., Hapon
Palagi akong maghahanda ng suplay ng labas ng magasing ito. Talagang ito ang kailangan ng ating mga tin-edyer, at naniniwala ako na makatutulong ito sa marami sa kanila at sa mga magulang nila upang makayanan ang wastong inilarawan ninyo bilang sakit. Baka pa nga makapagligtas ito ng buhay.
R. F., Estados Unidos
Naaliw akong malaman na ang kirot ng damdaming ito ay hindi nagmumula sa kahinaan sa espirituwalidad. Gumaan ang aking pakiramdam, at napaiyak ako nang mabasa ko na “si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso.”—Awit 34:18.
A. I., Hapon
Ako’y 16 anyos, at paulit-ulit kong nararanasan ang panlulumo sa loob ng maraming taon. Ang magasing ito mismo ang kailangang-kailangan ko! Nagbigay ang mga artikulong ito ng payo na kailangan ko.
L. B., Australia
Ako’y isang nanlulumong tin-edyer, at hindi ko kailanman sinabi sa aking mga magulang o kaninuman na gusto kong magpakamatay. Ito’y isang malaking pagkakamali. Napakahalaga na humingi ng tulong kapag nanlulumo ka. Salamat sa inyong pagpapakita ng pagmamahal at pagmamalasakit sa mga kabataan.
S.G.C., Estados Unidos
Asero Nagtatrabaho ako sa pabrika ng asero, at ipinakita ko sa aking technical director ang artikulong “Matigas, Subalit Malambot Din” (Setyembre 8, 2001). Sinabi niya na bagaman mahirap na paksa ang tinalakay sa artikulo, ito’y maliwanag at tumpak, nang hindi gumagamit ng pagkarami-raming teknikal na mga salita. Pinangyayari ng gayong mga artikulo na tayo’y makatulong sa iba na maging pamilyar sa Gumising!
G. B., Italya
Yamang katatapos ko pa lamang na magsanay para sa trabaho bilang isang tagasuri ng mga materyales na asero, hindi ko masyadong gustong magbasa ng artikulo tungkol sa paggawa ng asero. Subalit ang paraan ng pagkakasulat ninyo sa malawak at labis na masalimuot na paksa ay talagang nakasiya sa akin.
M. F., Alemanya