TANONG NG MGA KABATAAN
Paano Kung Naiiba Ako sa Kanila?
“Kailangan mong maging ‘in,’ kung hindi, magiging malungkot ang buhay mo, at wala kang magiging kaibigan at kinabukasan. Walang makakaalala sa ’yo at mag-isa ka na lang.”—Carl.
Sobra ba ang sinabi niya? Siguro. Pero gagawin ng iba ang lahat para lang maiwasan ang mga sinabi ni Carl. Ikaw rin ba? Matutulungan ka ng artikulong ito na malaman kung ano ang puwede mong gawin.
Bakit gusto ng mga tao na tanggapin sila ng iba?
Dahil ayaw nilang mapag-iwanan. “Sa social media, nakikita ko ang mga picture ng lakad ng barkada at may mga ginawa sila pero hindi nila ako isinama. Iniisip ko tuloy kung ano’ng mali sa akin. Pakiramdam ko, ayaw nila sa akin.”—Natalie.
PAG-ISIPAN: Minsan ba, pakiramdam mo ay napag-iiwanan ka? Ano ang ginawa mo para magustuhan ka nila?
Dahil ayaw nilang mapaiba. “Hindi pa ako pinapayagan ng mga magulang ko na magkaroon ng cellphone. Kapag hinihingi ng iba ang number ko at sinasabi ko na wala akong cellphone, sasabihin nila: ‘Talaga? Ilang taon ka na ba?’ Kapag sinasabi ko na 13 na ako, naaawa sila sa akin.”—Mary.
PAG-ISIPAN: Anong restriksiyon ng magulang mo ang maaaring dahilan kaya pakiramdam mo ay naiiba ka? Paano mo hinaharap ang gayong restriksiyon?
Dahil ayaw nilang ma-bully. “Sa school, ayaw nila sa mga iba kung kumilos, magsalita, o iba ang relihiyon. Kung naiiba ka, ikaw ang laging mabu-bully.”—Olivia.
PAG-ISIPAN: Na-bully ka na ba dahil naiiba ka? Ano ang ginawa mo?
Dahil ayaw nilang mawalan ng kaibigan. “Nakikibagay ako kahit kanino. Magsasalita ako na parang hindi ako. Tatawa, kahit ’di naman nakakatawa. Sumasama pa nga ako sa pang-aasar sa iba, kahit na alam kong makakasakit ako.”—Rachel.
PAG-ISIPAN: Gaano kahalaga sa iyo na magustuhan ka ng mga kasama mo? May binago ka ba sa sarili mo para lang matanggap ka nila?
Ang dapat mong malaman
Baka lalo kang hindi magustuhan ng iba kung gagayahin mo sila. Bakit? Dahil nahahalata ng iba kapag nagpapanggap ka lang. “Mas nararamdaman kong naiiba ako sa mga kaklase ko kapag nagpapanggap ako,” ang sabi ng 20-anyos na si Brian. “Natutuhan kong mas mabuting magpakatotoo kasi alam ng iba kapag nagpapanggap ka lang.”
ANG PUWEDE MONG GAWIN: Pag-isipan kung ano talaga ang mahalaga sa iyo. Sinasabi ng Bibliya: ‘Tiyakin ninyo kung ano ang mas mahahalagang bagay.’ (Filipos 1:10, tlb.) Kaya tanungin ang sarili: ‘Alin ang mas mahalaga—ang tanggapin ako ng mga taong iba ang pamantayan sa akin, o ang maging totoo sa sarili ko?’
“Bale-wala kung gagayahin mo ang iba. Hindi iyon ang paraan para mas magustuhan ka nila, at hindi ka rin magiging mas mabuting tao.”—James.
Baka maging sunod-sunuran ka na lang sa iba. Baka lagi mo nang gawin ang gusto ng iba para lang magustuhan ka nila. “Ginagawa ko ang lahat para lang magustuhan ako ng iba, kahit masira pa ang reputasyon ko,” ang naalala ng kabataang si Jeremy. “Kaya hindi na ako ang may kontrol sa buhay ko. Para nila akong puppet.”
ANG PUWEDE MONG GAWIN: Tandaan ang pamantayan mo at mamuhay ayon dito. Huwag itong basta baguhin para lang magustuhan ka ng iba. May mabuting dahilan ang Bibliya kaya sinabi nito: “Huwag kang susunod sa karamihan sa paggawa ng masama.”—Exodo 23:2.
“Sinubukan kong magustuhan ang lahat ng gusto nila—musika, laro, pananamit, palabas, at makeup . . . sinubukan ko silang gayahin. Tingin ko, napansin nilang nagpapanggap lang ako. Nahalata nila iyon, kahit nga ako e. Nalungkot ako, at parang hindi ko na kilala ang sarili ko. Hindi ko na alam kung ano talaga ang gusto ko. Natutuhan ko na hindi mo kayang makibagay sa lahat at na hindi lahat ay magugustuhan ka. Pero hindi ibig sabihin no’n na hindi ka na makikipagkaibigan; kailangan mo lang bigyan ang sarili mo ng panahon para mag-mature.”—Melinda.
Baka maapektuhan ang ugali mo. Nakita ng kabataang si Chris na ganiyan ang nangyari sa pinsan niya. “Ginagawa na niya ang mga bagay na ’di naman niya ginagawa dati—gaya ng pagda-drugs—para lang tanggapin siya,” ang sabi ni Chris. “Naging adik siya at muntik nang masira ang buhay niya.”
ANG PUWEDE MONG GAWIN: Iwasan ang mga taong kumikilos at nagsasalita nang hindi maganda. Sinasabi ng Bibliya: “Ang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, pero ang sumasama sa mga mangmang ay mapapahamak.”—Kawikaan 13:20.
“Minsan, okey na magsikap para makipagkaibigan at makibagay. Pero hindi mo dapat gawin iyan kapag alam mong mali na ito. Kung mabuti talaga silang kaibigan, tatanggapin ka nila maging sino ka man.”—Melanie.
Tip: Kapag nakikipagkaibigan ka, hindi sapat na kapareho mo lang sila ng gusto. Dapat na kapareho mo rin sila ng pamantayan—sa espirituwal, moral, at prinsipyo sa buhay—at naninindigan sila sa mga ito.