Paano Kung Pakiramdam Ko’y Nag-iisa Ako?
Ang puwede mong gawin
1. Tingnan ang mabubuti mong katangian. (2 Corinto 11:6) Totoo namang may kapintasan ka at maganda rin na alam mo ang mga ito. Pero marami ka rin namang mabubuting katangian. Ang pagkaalam sa mga ito ay tutulong sa iyo na magkaroon ng kumpiyansa sa sarili. Tanungin ang sarili, ‘Ano-ano ang mabubuti kong katangian?’ Isipin ang mga talento o magaganda mong katangian.
2. Ipakita mong interesado ka sa iba. Subukang lumapit at makipagkuwentuhan kahit sa ilang tao muna. “Ang simpleng pangungumusta sa iba ay tutulong sa iyo na lalo silang makilala,” ang sabi ng kabataang si Jorge.
May magagawa kang solusyon para mapalapit sa iba
Tip: Makipagkaibigan hindi lang sa mga kaedaran mo. Sa Bibliya, may matatalik na magkaibigan na malayo ang agwat ng edad sa isa’t isa, gaya nina Ruth at Noemi, David at Jonatan, at Timoteo at Pablo. (Ruth 1:16, 17; 1 Samuel 18:1; 1 Corinto 4:17) Tandaan din na sa pag-uusap, hindi lang isa ang nagsasalita. Gusto ng mga tao ang isa na marunong makinig. Kaya huwag kang mag-alala kung mahiyain ka, hindi lang naman ikaw ang kailangang magsalita!
3. ‘Makipagkapuwa-tao.’ (1 Pedro 3:8) Kahit na hindi ka sang-ayon sa opinyon ng kausap mo, hayaan mo lang siyang magsalita. Magtuon ng pansin sa mga bagay na pinagkakasunduan ninyo. Kung kailangan mong sabihin ang iyong pananaw, magsalita sa mahinahon at mataktikang paraan.
Tip: Kung paano mo gustong kausapin ka ng iba, sa gayon ding paraan mo sila kausapin. Ang taong mahilig makipagtalo kahit sa maliliit na bagay, o kaya’y walang pakundangan sa pangangantiyaw, maging ang isa na mapang-insulto o mapamuna, ay nilalayuan ng iba. Mas magugustuhan ka nila kung ‘ang iyong pananalita ay laging may kagandahang-loob.’—Colosas 4:6.