Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Paano Ko Madadaig ang Lungkot?

Paano Ko Madadaig ang Lungkot?

“Kapag may mabigat na problema ang mga kaibigan ko, naroon ako para tulungan sila. Pero ang hindi nila alam, pag-uwi ko sa bahay, umiiyak akong mag-isa sa kuwarto.”—Kellie.

“Kapag malungkot ako, gusto kong mapag-isa. Kaya kahit may magyaya sa akin, nagdadahilan ako. Kayang-kaya kong itago sa pamilya ko na malungkot ako. Akala nila okey lang ako.”—Rick.

Katulad ka rin ba ni Kellie o ni Rick? Kung oo, huwag mo agad isiping may problema sa iyo. Ang totoo, lahat tayo ay nalulungkot paminsan-minsan, kahit nga ang mga tapat na lalaki at babae sa Bibliya.—1 Samuel 1:6-8; Awit 35:14.

Minsan, alam mo kung bakit ka malungkot, pero minsan, hindi. “Puwedeng bigla ka na lang malungkot, kahit wala kang problema. Ewan ko ba, pero gano’n!” ang sabi ni Anna, 19.

Anuman ang dahilan—o kahit wala naman talagang dahilan—ano ang puwede mong gawin kapag nadadaig ka ng lungkot? Subukan ang sumusunod:

  1. Ipakipag-usap ito. Nang magkapatung-patong ang trahedya, sinabi ni Job: “Ako ay magsasalita sa kapaitan ng aking kaluluwa!”—Job 10:1.

    Kellie: Kapag nasasabi ko sa iba ang nararamdaman ko, gumagaan ang loob ko, kasi may nakakaalam na ng pinagdadaanan ko. May maghahagis na sa akin ng lubid para iahon ako sa bangin!

  2. Isulat ito. Kapag nadadaig ka ng lungkot, subukang daanin sa sulat ang nadarama mo. Sa ilan sa mga awit ni David, ipinahayag niya ang kaniyang matinding kalungkutan. (Awit 6:6) Kung gagawin mo ito, ‘maiingatan mo ang praktikal na karunungan at ang kakayahang mag-isip.’—Kawikaan 3:21.

    Heather: Kapag malungkot ako, ang gulo ng isip ko, kaya idinadaan ko ito sa sulat. Nakakabawas ng lungkot y’ong mailabas mo ang damdamin mo at maintindihan ito.

  3. Ipanalangin ito. Sinasabi ng Bibliya na kung ipapanalangin mo ang mga bagay na gumugulo sa isip mo, ‘ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa iyong puso at sa iyong kakayahang pangkaisipan.’—Filipos 4:6, 7.

    Esther: Hindi ko talaga maisip kung bakit ako nalulungkot. Nahihirapan na ’ko, kaya humingi ako ng tulong kay Jehova. Ngayon, hindi na ako malungkot. Malaking tulong talaga ang panalangin!

    Sa pagsisikap mo at sa tulong ng iba, makakaahon ka rin sa matinding kalungkutan

    Mungkahi: Tularan ang nasa Awit 139:23, 24 kapag nananalangin. Ibuhos kay Jehova ang iyong niloloob, at hilingin mong tulungan kang malaman kung bakit ka nalulungkot.

Malaking tulong din ang Salita ng Diyos, ang Bibliya. Kung lagi mong iisipin ang mga pampatibay mula sa mga ulat ng Bibliya, mas magiging positibo ka.—Awit 1:1-3.

Kapag hindi pa rin mawala ang iyong kalungkutan

Sinabi ni Ryan, “May mga araw na ayaw ko nang bumangon sa higaan para harapin ang isa na namang walang-kuwentang araw.” May clinical depression si Ryan, at hindi siya nag-iisa. Lumilitaw sa mga pag-aaral na mga 25 porsiyento ang dumaranas ng malubha o pasumpung-sumpong na depresyon sa panahon ng kabataan.

Ano ba ang ilang sintomas ng depresyon? Kasama rito ang kapansin-pansing pagbabago sa mood at paggawi pati na sa kaugalian sa pagkain at pagtulog, pagbubukod ng sarili, kawalan ng interes sa halos lahat ng gawain, pagkadama ng kawalang-halaga, at sobrang paninisi sa sarili.

Siyempre, halos lahat naman ay dumaranas ng isa o higit pa sa mga sintomas na ito paminsan-minsan. Pero kung mga ilang linggo mo na itong nararanasan, puwede kang magpasama sa magulang mo para magpa-checkup. Masusuri ng mga doktor kung may clinical depression ka.

Kung may clinical depression ka, hindi mo ito dapat ikahiya. Marami ang nagtiis nang mahabang panahon sa kanilang kondisyon, pero bumuti ang pakiramdam nila matapos magpagamot—at napakalaking ginhawa ang nadama nila. Pero depresyon man o hindi ang dahilan ng iyong kalungkutan, tandaan ang nakaaaliw na mga salita sa Awit 34:18: “Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.”