Pumunta sa nilalaman

Paano Kung Maghihiwalay Na ang mga Magulang Ko?

Paano Kung Maghihiwalay Na ang mga Magulang Ko?

Ang puwede mong gawin

Sabihin ang ikinatatakot mo. Ipaalam sa iyong mga magulang na lungkot na lungkot ka at gulong-gulo. Baka maipaliwanag nila sa iyo kung ano talaga ang nangyayari, at mabawasan ang pagkabalisa mo.

Kung hindi pa nila kayang ibigay ang tulong na kailangan mo, sabihin sa isang may-gulang na kaibigan ang niloloob mo.—Kawikaan 17:17.

Higit sa lahat, lumapit sa iyong Ama sa langit, ang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Ibuhos mo ang laman ng iyong puso sa kaniya ‘sapagkat siya ay nagmamalasakit sa iyo.’—1 Pedro 5:7.

Ang hindi dapat gawin

Kapag naghiwalay ang mga magulang mo, para kang nabalian ng buto—masakit sa una, pero unti-unti ka ring makaka-recover

Huwag magkimkim ng galit. “Walang inisip ang mga magulang ko kundi sarili nila,” ang sabi ni Daniel, na pitong taóng gulang nang maghiwalay ang mga magulang niya. “Hindi man lang nila inisip ang epekto sa amin ng ginawa nila.”

Ano kaya ang magiging epekto kay Daniel ng pagkikimkim ng galit at hinanakit?—Clue: Basahin ang Kawikaan 29:22.

Bakit makabubuti kay Daniel na patawarin ang mga magulang niya?—Clue: Basahin ang Efeso 4:31, 32.

Huwag pahirapan ang sarili. “Nalungkot ako at na-depress nang magdiborsiyo ang mga magulang ko,” ang sabi ni Denny. “Nagkaproblema ako sa pag-aaral at bumagsak ako nang isang taon. Pagkatapos, . . . naging numero uno ako sa kalokohan at madalas akong mapaaway.”

Sa tingin mo, bakit sinasadya ni Denny na maging ‘numero uno sa kalokohan’ at makipag-away?

Paano makakatulong sa mga gaya ni Denny ang Galacia 6:7 para huwag pahirapan ang sarili nila?

Kailangan ang panahon para maghilom ang sugat. Habang bumabalik ang normal mong rutin, unti-unti ring babalik sa normal ang buhay mo.