TANONG NG MGA KABATAAN
Handa Na Ba Akong Makipag-date?
Ano ba ang pakikipag-date?
Palagi kang lumalabas kasama ang isang di-kasekso. Pakikipag-date ba iyon?
Ikaw at ang isang di-kasekso ay may gusto sa isa’t isa. Ilang ulit sa maghapon kayo kung mag-text at magtawagan sa telepono. Pakikipag-date ba iyon?
Tuwing nagsasama-sama kayong magkakaibigan, iyon at iyon ding di-kasekso ang lagi mong kapareha. Pakikipag-date ba iyon?
Malamang na madali mong nasagot ang unang tanong. Pero baka nag-isip ka muna bago mo nasagot ang ikalawa at ikatlong tanong. Ano ba talaga ang pakikipag-date?
Ang totoo, kapag ang dalawang taong nagkakagustuhan ay gumugugol ng panahon sa isa’t isa, matatawag itong pakikipag-date.
Kaya ang sagot sa tatlong tanong ay oo. Magkausap man kayo nang harapan o sa telepono, nang hayag o patago, kung ikaw at ang iyong kaibigan na di-kasekso ay may unawaan sa isa’t isa at laging may komunikasyon, pakikipag-date ito.
Ano ang layunin ng pakikipag-date?
Dapat na maging malinis ang intensiyon sa pagde-date—para matulungan ang isang binata at isang dalaga na malaman kung gusto nilang pakasalan ang isa’t isa.
Totoo, maaaring hindi seryosohin ng ilan sa mga kaedad mo ang pakikipag-date. Baka nasisiyahan lang silang makasama ang isang di-kasekso na natitipuhan nila kahit na wala naman silang intensiyong pakasalan ito. Baka nakikipag-date pa nga ang ilan para may maidispley lang sa ibang tao at lumakas ang kumpiyansa nila sa sarili.
Ngunit kadalasan nang hindi nagtatagal ang gayong mababaw na relasyon. “Maraming kabataang nagde-date ang nagkakahiwalay makalipas lang ang isa o dalawang linggo,” ang sabi ng dalagang si Heather. “Sa tingin nila, pansamantala lang ang mga relasyon, kaya parang inihahanda sila nito sa pagdidiborsiyo sa halip na sa pag-aasawa.”
Maliwanag, kapag nakikipag-date ka sa isang tao, may epekto iyon sa damdamin niya. Kaya tiyakin mong malinis ang iyong intensiyon.—Lucas 6:31.
Kung nakikipag-date ka nang wala namang intensiyong mag-asawa, para kang isang bata na matapos paglaruan ang isang bagay ay basta na lang ito iiwanan
Pag-isipan: Papayag ka bang paglaruan ng iba ang iyong damdamin—gaya ng isang bata na matapos paglaruan ang isang bagay ay basta na lang ito iiwanan? Kaya huwag mong gawin iyon sa iba! Sinasabi ng Bibliya na ang pag-ibig ay “hindi gumagawi nang hindi disente.”—1 Corinto 13:4, 5.
Isang kabataan na nagngangalang Chelsea ang nagsabi: “Kung minsan ay naiisip ko na laro lang ang pakikipag-date, pero hindi na ito laro kapag sineseryoso ito ng isa pero ’yung isa naman ay hindi.”
Tip: Kung may balak ka nang makipag-date at naiisip mo nang mag-asawa, basahin ang 2 Pedro 1:5-7 at pumili ng isang katangian na kailangan mong pasulungin. Makalipas ang isang buwan, tingnan mo kung gaano karami na ang natutuhan mo—at napasulong mo—hinggil sa katangiang iyan.
Nasa edad na ba ako para makipag-date?
Sa palagay mo, anong edad angkop nang makipag-date ang isang kabataan?
Ngayon, itanong mo rin ito sa isa sa mga magulang mo.
Malamang na iba ang sagot mo sa sagot ng magulang mo. O puwede ring hindi! Baka isa ka sa maraming kabataan na hindi muna nakikipag-date hanggang sa nasa tamang edad na sila para makilala nila nang higit ang kanilang sarili.
Iyan ang ipinasiyang gawin ni Danielle, 17 anyos. Sinabi niya: “Ang hinahanap ko ngayong katangian sa isang mapapangasawa ay ibang-iba kung ihahambing sa hinahanap ko dalawang taon na ang nakalilipas. Ang totoo, nagdududa pa rin ako hanggang ngayon kung kaya ko na bang gumawa ng gayong desisyon. Kapag nakita kong hindi na pabagu-bago ang isip ko sa susunod na ilang taon, maaari ko na sigurong pag-isipan ang pakikipag-date.”
May isa pang dahilan kung bakit isang katalinuhang maghintay. Ginamit ng Bibliya ang pananalitang “kasibulan ng kabataan” para ilarawan ang yugto sa buhay ng isang tao kung kailan tumitindi ang pagkagusto ng isang kabataan sa kaniyang di-kasekso. (1 Corinto 7:36) Kung bata ka pa pero masyado ka nang malapít sa isang di-kasekso, maaaring mag-alab ang iyong pagnanasa at humantong ito sa maling paggawi.
Totoo, baka bale-wala lang ito sa mga kaedad mo. Marami sa kanila ang gustung-gustong mag-eksperimento sa pakikipag-sex. Pero kaya mo at dapat mong daigin ang ganiyang kaisipan! (Roma 12:2) Sa katunayan, hinihimok ka ng Bibliya na “tumakas sa seksuwal na imoralidad.” (1 Corinto 6:18, New International Version) Kung palilipasin mo muna ang kasibulan ng iyong kabataan, ‘malalayo ka sa kapahamakan.’—Eclesiastes 11:10.
Bakit mabuting maghintay muna bago makipag-date?
Kapag nakikipag-date ka na kahit hindi ka pa handa, para kang kumukuha ng final exam sa isang kurso na halos wala ka pang alam. Hindi nga makatuwiran iyan! Kailangan mo ng panahon para mag-aral na mabuti upang maging pamilyar ka sa mga tanong o problema na mapapaharap sa iyo sa exam.
Ganiyan din sa pakikipag-date.
Seryosong bagay ang pakikipag-date. Kaya bago mo itutok ang iyong pansin sa isang tao, kailangan mo ng panahon para pag-aralan ang isang napakahalagang bagay—kung paano makipagkaibigan.
Sa dakong huli, kapag natagpuan mo na ang isa na magiging mabuting asawa, mas alam mo na kung paano patitibayin ang inyong relasyon. Tutal, ang matagumpay na pag-aasawa ay pagsasama ng dalawang mabuting magkaibigan.
Ang paghihintay hanggang sa maging handa ka na at nasa tamang edad na para makipag-date ay hindi naman makahahadlang sa iyong kalayaan. Sa katunayan, magbibigay ito sa iyo ng higit na kalayaan na ‘magsaya sa iyong kabataan.’ (Eclesiastes 11:9) At may panahon ka rin para ihanda ang iyong sarili sa pamamagitan ng pagpapasulong sa iyong personalidad at, higit sa lahat, sa iyong kaugnayan sa Diyos.—Panaghoy 3:27.
Samantala, puwede ka namang masiyahan sa pakikisama sa mga di-kasekso. Ano ang pinakamabuting paraan para magawa mo ito? Maganda kung gagawin mo ito kasama ng isang grupo na binubuo ng mga lalaki’t babae at responsableng mga adulto. Isang dalagita na nagngangalang Tammy ang nagsabi: “Sa palagay ko mas masaya kapag ganoon. Mas maraming kaibigan, mas maganda.” Sang-ayon diyan si Monica. “Magandang ideya ang magsama-sama sa isang grupo,” ang sabi niya, “dahil nakakasalamuha mo ang mga tao na may iba’t ibang personalidad.”
Pero kung itutuon mo naman ang iyong pansin sa isang tao nang wala ka pa sa tamang edad, mas malamang na masaktan ka lang. Kaya huwag kang magmadali. Gamitin ang yugtong ito ng iyong buhay upang magkaroon ng mabubuting kaibigan. Sa kalaunan, kapag gusto mo nang makipag-date, mas kilala mo na ang iyong sarili, at mas alam mo na kung ano ang hahanapin mo sa isang makakapareha sa buhay.