TANONG NG MGA KABATAAN
Handa Na Ba Akong Mag-asawa?
Para masagot iyan, kailangan mo munang kilalaning mabuti ang iyong sarili. Halimbawa, pag-isipan ang sumusunod:
Kaugnayan sa iba
Paano mo pinakikitunguhan ang iyong mga magulang at mga kapatid? Madalas ka bang mawalan ng pasensiya sa kanila, marahil nakapagsasalita ka nang magaspang o nakasasakit para lamang masabi mo ang opinyon mo? Ano kaya ang masasabi nila tungkol sa iyo sa bagay na ito? Tandaan, kung paano mo pinakikitunguhan ang iyong mga kapamilya, malamang na gayundin ang maging pakikitungo mo sa iyong magiging asawa.—Efeso 4:31.
Disposisyon
Positibo ba ang iyong pananaw sa buhay o negatibo? Makatuwiran ka ba o lagi mong iginigiit ang gusto mo? Kalmado ka pa rin ba kahit sa harap ng maiigting na situwasyon? Pasensiyoso ka ba? Ang paglinang ngayon sa mga bunga ng espiritu ng Diyos ay makatutulong sa iyo na maghanda upang maging mabuti kang asawa sa hinaharap.—Galacia 5:22, 23.
Pananalapi
Gaano ka kahusay humawak ng pera? Lagi ka bang may utang? Tumatagal ka ba sa isang trabaho? Kung hindi, bakit? Dahil ba sa trabaho? Sa amo? O dahil may kinagawian o ugali kang dapat mong baguhin? Kung hindi ka marunong humawak ng sarili mong pera, paano pa kaya kung may pamilya ka na?—1 Timoteo 5:8.
Espirituwalidad
Kung isa kang Saksi ni Jehova, ano ang ginagawa mo para maingatan mo ang iyong mabuting kaugnayan sa Diyos? Nagkukusa ka bang magbasa ng Bibliya at makibahagi sa ministeryo gayundin sa Kristiyanong pagpupulong? Dapat na may matibay kang espirituwalidad para maging karapat-dapat ka sa mapapangasawa mo.—Eclesiastes 4:9, 10.
Miyentras mas kilala mo ang iyong sarili, mas madali kang makahahanap ng makakatulong sa iyo upang maging mas mabuti kang tao.