TANONG NG MGA KABATAAN
Pakikipag-date—Bahagi 1: Handa Na Ba Akong Makipag-date?
Sa artikulong ito
Ano ang pakikipag-date?
Iniisip ng ilan na ang pakikipag-date ay ginagawa para lang mag-enjoy. Pero sa artikulong ito, ang “pakikipag-date” ay ang panahong ginagamit ng magkasintahan para malaman nila kung magkakasundo sila bilang mag-asawa. Kaya may goal ang pakikipag-date. Hindi ito panahon para makasama lang nila ang isa’t isa.
Ang pakikipag-date ay dapat tumulong sa isa na makapagdesisyon—magpakasal o makipaghiwalay. Kaya kapag nakipag-date ka, dapat na handa kang tanggapin anuman ang mangyari.
Tandaan: Kung sa tingin mo handa ka nang makipag-date, dapat handa ka na ring magpakasal.
Kung nakikipag-date ka nang wala kang planong mag-asawa, para kang pumunta sa isang job interview na wala ka namang planong magtrabaho
Handa ka na bang makipag-date?
Puwedeng mapunta sa pagpapakasal ang pakikipag-date, kaya magandang pag-isipan mo ang mga katangian mo na makakaapekto sa pagsasama ninyo. Halimbawa, pag-isipan ang sumusunod:
Kaugnayan sa pamilya. Kung paano mo tratuhin ang mga magulang at kapatid mo—lalo na kapag nai-stress ka—kadalasan nang ganoon din ang magiging pagtrato mo sa asawa mo.
Prinsipyo sa Bibliya: “Alisin ninyo sa inyong sarili ang lahat ng matinding hinanakit, galit, poot, pagbulyaw, at mapang-abusong pananalita, at anumang puwedeng makapinsala.”—Efeso 4:31.
Tanungin ang sarili: ‘Sasabihin ba ng mga magulang at kapatid ko na nirerespeto ko sila? Kapag mayroon kaming hindi pagkakasundo, kalmado pa rin ba ako, o nagagalit at nakikipagtalo?’
Kung hindi maganda ang reaksiyon mo kapag hindi kayo magkasundo ng magulang mo, paano na sa magiging asawa mo?
Pagsasakripisyo. Hindi lang sarili mo ang iisipin mo kapag may asawa ka na. Kadalasan nang kailangan mong magparaya at sundin kung ano ang gusto niya.
Prinsipyo sa Bibliya: “Patuloy na unahin ng bawat isa ang kapakanan ng ibang tao, hindi ang sarili niya.”—1 Corinto 10:24.
Tanungin ang sarili: ‘Lagi ko bang ipinipilit ang gusto ko? Kung tatanungin ang iba, sasabihin ba nilang makatuwiran akong makitungo sa kanila? Paano ko naipakita na inuuna ko ang kapakanan ng iba?’
Kapakumbabaan. Ang isang mabuting asawa ay umaamin sa mga pagkakamali niya at seryoso siya kapag nagsasabi ng sorry.
Prinsipyo sa Bibliya: “Lahat tayo ay nagkakamali nang maraming ulit.”—Santiago 3:2.
Tanungin ang sarili: ‘Agad ko bang inaamin na nagkamali ako, o nagdadahilan pa ako? Masyado ba akong sensitive at nagtatampo kapag pinapayuhan ako?’
Pera. Kung mahusay humawak ng pera ang isa, maiiwasan niya ang isa sa pinakamadalas pag-awayan ng mag-asawa.
Prinsipyo sa Bibliya: “Sino sa inyo na gustong magtayo ng bahay ang hindi muna uupo at kukuwentahin ang gastusin para malaman kung sapat ang pera niya para matapos iyon?”—Lucas 14:28.
Tanungin ang sarili: ‘Kaya ko bang kontrolin ang paggastos ko, o lagi akong may utang? Naipakita ko na ba na mahusay akong humawak ng pera?’
Mahusay na espirituwal na rutin. Kung isa kang Saksi ni Jehova, dapat na regular kang nag-aaral ng Bibliya at dumadalo sa mga pulong.
Prinsipyo sa Bibliya: “Maligaya ang mga nakauunawa na kailangan nila ang Diyos.”—Mateo 5:3.
Tanungin ang sarili: ‘Nagsisikap ba ako para manatiling matibay ang pananampalataya ko? Inuuna ko ba ang espirituwal na rutin ko, o inuuna ko ang ibang mga bagay?’
Tandaan: Deserve ng mapapangasawa mo ang isang mabuting asawa. Kung nagsisikap ka na maging mabuting asawa, malamang na mabuting tao rin ang magkakagusto sa iyo.