Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Pinagmulan ng Halloween—Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol Dito?

Pinagmulan ng Halloween—Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol Dito?

Ang sagot ng Bibliya

Walang binabanggit sa Bibliya na Halloween. Pero ang pinagmulan ng Halloween at ang makabagong mga kostumbre nito ay nagpapakita na ang pagdiriwang na ito ay salig sa maling paniniwala tungkol sa mga patay at di-nakikitang mga espiritu, o mga demonyo.—Tingnan ang “Kasaysayan at mga kostumbre ng Halloween.”

Nagbababala ang Bibliya: “Huwag makasusumpong sa inyo ng sinumang . . . sumasangguni sa multo o espiritu, o sa mga patay.” (Deuteronomio 18:10-12, The Jerusalem Bible) Itinuturing ng ilan na katuwaan lang ang Halloween at wala namang masama sa mga kaugaliang nauugnay rito, pero kabaligtaran nito ang ipinakikita ng Bibliya. Sa 1 Corinto 10:20, 21, sinasabi ng Bibliya: “Hindi ko nais na kayo’y nakikilahok sa mga demonyo. Hindi ninyo maaaring inuman ang kopa ng Panginoon at ang kopa ng mga demonyo.”—New International Version.

Kasaysayan at mga kostumbre ng Halloween

  1. Samhain: Ang Halloween ay nagmula sa “sinaunang kapistahan ng mga pagano na ipinagdiriwang ng mga Celt mahigit 2,000 taon na ang nakalilipas,” ang sabi ng The World Book Encyclopedia. “Naniniwala ang mga Celt na sa panahong ito, maaaring makahalubilo ng mga patay ang mga buháy. Sa panahon ng Samhain, maaaring dalawin ng mga buháy ang mga patay.” Pero maliwanag na itinuturo ng Bibliya na ang mga patay ay “walang anumang kabatiran.” (Eclesiastes 9:5) Kaya hindi nila makakausap ang mga buháy.

  2. Kostiyum, kendi, at trick or treat: Ayon sa aklat na Halloween—An American Holiday, An American History, ang ilang Celt ay nagsusuot ng nakatatakot na mga kostiyum para isipin ng gumagala-galang espiritu na sila ay mga espiritu rin at hindi na sila gambalain. Ang iba naman ay naghahandog ng matatamis na pagkain sa mga espiritu para payapain ang mga ito. Sa Europa noong Edad Medya, ginaya ng klerong Katoliko ang lokal na mga paganong kostumbre at pinagbahay-bahay ang kanilang mga miyembro nang nakakostiyum para manghingi ng maliliit na regalo. Pero hindi sinasang-ayunan ng Bibliya na isama sa pagsamba sa Diyos ang huwad na relihiyosong mga kaugalian.—2 Corinto 6:17.

  3. Multo, bampira, werewolf, mangkukulam, at zombie: Matagal nang iniuugnay ang mga ito sa daigdig ng masasamang espiritu. (Halloween Trivia) Maliwanag na sinasabi ng Bibliya na dapat nating labanan ang masasamang espiritu sa halip na makipagdiwang sa kanila.—Efeso 6:12.

  4. Kalabasa: Sa Britanya noong Edad Medya, “ang mga nagsusumamo ay nagbabahay-bahay para manghingi ng pagkain kapalit ng dasal para sa mga patay,” at nagdadala sila ng “mga lampara na gawa sa inukit na singkamas, na sa loob nito ay may kandila na sumasagisag sa kaluluwang nakakulong sa purgatoryo.” (Halloween—From Pagan Ritual to Party Night) Sinasabi naman ng iba na ang mga lampara ay ginamit para itaboy ang masasamang espiritu. Noong ika-19 na siglo sa Hilagang Amerika, ang mga singkamas ay pinalitan ng kalabasa dahil mas marami ang mga ito at mas madaling ukitin. Ang mga paniniwala na pinag-ugatan ng kostumbreng ito—ang imortalidad ng kaluluwa, purgatoryo, at panalangin para sa mga patay—ay hindi nagmula sa Bibliya.—Ezekiel 18:4.

 

Higit Pang Impormasyon

Ang Katotohanan Tungkol sa Halloween

Alamin ang madilim na pinagmulan ng Halloween at mga katulad na selebrasyon.

Dapat ba Tayong Magdiwang ng mga Kapistahan?

Saan nagmula ang popular na mga kapistahan sa inyong lugar? Baka magulat ka kapag nalaman mo.