MAY NAGDISENYO BA NITO?
Ang Kakayahan ng mga Hormone na Kontrolin ang mga Proseso sa Katawan Natin
Kailangan sa dugo natin ang napakaespesipikong dami ng electrolyte, gaya ng calcium, para gumana nang maayos ang katawan natin. Pero araw-araw, iba-iba ang dami ng electrolyte na nakukuha sa mga kinakain natin. Ano ang ginagawa ng katawan natin para magkaroon ito ng tamang dami ng electrolyte sa lahat ng panahon?
Kapag malusog ang isang katawan, nakokontrol nito ang dami ng electrolyte sa pamamagitan ng pagpo-produce, pag-iimbak, at paglalabas ng mga hormone sa dugo. Ang mga hormone ay mga chemical na tumutulong sa katawan natin na gumana nang maayos. May malaking epekto sa katawan natin kahit ang napakaliit na bilang ng hormone. Ayon sa paliwanag ng Encyclopedia Britannica, ang paglalabas ng mga hormone ay may eksaktong proseso at napakakomplikado.
Halimbawa, tingnan ang nagagawa ng mga parathyroid gland na nasa leeg natin. Kaya nitong ma-detect kahit maliit lang na pagbabago sa dami ng calcium sa dugo natin. Kadalasan nang apat ang mga gland na ito, at ang bawat isa ay sinlaki ng isang butil ng bigas.
Kapag na-detect ng mga gland na ito na mas mababa kaysa sa tamang dami ang bilang ng calcium, kaagad itong naglalabas ng isang klase ng hormone. Napakabilis nitong maglabas, kung minsan, mga ilang segundo lang. Ang hormone na ito ang nagbibigay ng senyales sa mga buto na maglabas ng mga nakaimbak na calcium nito sa dugo. Ito rin ang nagbibigay ng senyales sa mga kidney na ihinto ang pag-aalis ng calcium sa dugo pati na sa small intestine para damihan nito ang bilang ng calcium na ia-absorb mula sa mga kinakain natin.
Pero kapag mas maraming calcium ang nasa dugo, naglalabas naman ng ibang hormone ang thyroid. Ibang gland ulit ito. Ang hormone na inilalabas ng gland na ito ay nagbibigay ng senyales sa mga buto na mag-imbak ng mas maraming calcium. Nagbibigay din ito ng senyales sa mga kidney na salain at alisin ang sobrang calcium sa dugo.
Dalawa lang ito sa mahigit isang daang hormone na ginagamit ng katawan natin para gumana ito nang maayos.
Ano sa palagay mo? Ang kakayahan ba ng mga hormone na kontrolin ang mga proseso sa katawan natin ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?