Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

TANONG NG MGA KABATAAN

Bakit Hindi Dapat Gayahin ang Image na Ipinakikita sa Media?—Bahagi 1: Para sa mga Babae

Bakit Hindi Dapat Gayahin ang Image na Ipinakikita sa Media?—Bahagi 1: Para sa mga Babae

Ano bang image ng mga tin-edyer ang ipinakikita sa media?

Tingnan ang mga salitang ito, at saka sagutin ang kasunod na mga tanong.

Kolum 1

Kolum 2

Isip-bata

Responsable

Rebelde

Masunurin sa batas

Imoral

Maprinsipyo

Mababaw

Matalino

Tsismosa

Maingat

Madaya

Tapat

  1. Alin sa mga iyan ang madalas na ipinakikitang image ng mga tin-edyer na babae sa pelikula, TV, o magasin?

  2. Alin sa mga iyan ang gusto mong maging reputasyon mo?

Malamang na ang sagot mo sa unang tanong ay mula sa kolum 1 at mula naman sa kolum 2 ang sagot mo sa ikalawang tanong. Kung gayon, hindi mo gustong makatulad ng “tipikal” na tin-edyer na ipinakikita sa media—at hindi ka nag-iisa! Tingnan kung bakit.

“Ipinakikita sa mga pelikula na ang tipikal na tin-edyer na babae ay rebelde at masama ang ugali. Para bang lahat kami ay di-mapagkakatiwalaan, at maarte.”—Erin.

“Ang mga tin-edyer na babae sa pelikula at TV ay mga kulang sa pansin at sobrang conscious sa kanilang hitsura, pananamit, popularidad, at sa mga lalaki.”—Natalie.

“Bihirang makita ang isang pasosyal na babae na hindi umiinom ng alak, hindi nakikipag-sex, at hindi nagrerebelde sa mga magulang. Kapag hindi ’yan ginagawa ng isang babae, ang tingin sa kaniya ay panatiko o konserbatibo.”—Maria.

Tanungin ang sarili: ‘Nakikita ba sa aking pananamit, pagkilos, at pagsasalita kung sino talaga ako, o ginagaya ko lang ang nakikita ko sa media?’

Ang dapat mong malaman

  •   Inaakala ng marami na may sarili silang identity pero ang totoo, ginagaya lang nila iyon sa nakikita nila sa media. “Napatunayan ko ’yan sa nakababata kong kapatid,” ang sabi ni Karen. “Ipinakikita niyang wala siyang ibang nasa isip kundi damit at lalaki. Alam kong hindi siya gano’n dahil matalino siya. Pero nagtatanga-tangahan siya dahil akala niya, ’yon lang ang paraan para hindi siya mapaiba sa ‘lahat ng ibang babae.’ At 12 anyos lang siya!”

    Sabi ng Bibliya: “Huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay.”Roma 12:2.

  • Hindi lahat ng tin-edyer na babae ay gustong gumaya sa nakikita nila sa media. “Sa media, ang mga kabataang babae ay ipinakikitang sobrang conscious sa sarili, inosente, at iresponsable, pero karamihan sa ’min ay hindi naman gano’n,” ang sabi ng 15-anyos na si Alexis. “Meron din naman kaming ibang pinagkakaabalahan bukod sa pagpapantasya sa mga guwapong lalaki.”

    Sabi ng Bibliya: ‘Ang mga taong may-gulang ay nasanay sa paggamit ng kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.’Hebreo 5:14.

  • Ang image na ipinakikita sa media ay pabor sa mga negosyante, hindi sa mga tin-edyer. Dahil alam nilang kikita sila nang malaki, tinatarget ng malalaking industriya—kabilang na ang paglalathala, fashion, teknolohiya, at entertainment—ang mga bata bago pa man maging tin-edyer ang mga ito. “Ipinahihiwatig ng mga advertiser na ang mga tween na walang pinakausong damit, alahas, makeup, at gadyet ay hindi magiging popular,” ang sabi ng aklat na 12 Going on 29. “Laging nakakakita ang mga tween ng kaakit-akit na mga advertisement kahit hindi pa naman nila talaga naiintindihan ang tungkol sa sex.”

    Sabi ng Bibliya: “Ang lahat ng bagay na nasa sanlibutan—ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa—ay hindi nagmumula sa Ama, kundi nagmumula sa sanlibutan.”1 Juan 2:16.

Pag-isipan: Sino ang nakikinabang kung sobra kang nagpapahalaga sa mga pinakausong brand? Sino ang talagang kumikita kung iniisip mong dapat kang magkaroon ng pinakabagong cellphone para lang maging popular sa mga kabarkada mo? Kanino nga ba nagmamalasakit ang mga negosyante—sa iyo o sa sarili nila?

Ang puwede mong gawin

  •   Huwag maging sunud-sunuran sa media. Habang nagkakaedad ka, lumalawak ang iyong pananaw. Gamitin ang iyong unawa na makita ang posibleng maging epekto sa iyo ng image na ipinakikita sa media. “Ang isang tipikal na babaeng tin-edyer na ipinakikita sa media ay sobrang mag-makeup pero kulang sa tela ang suot na damit,” ang sabi ng 14-anyos na si Alana, “at hindi naiisip ng maraming tin-edyer na hindi naman talaga sila nagmumukhang maganda—nagmumukha pa nga silang desperado.”

  • Pag-isipan kung ano ang gusto mong maging reputasyon mo. Halimbawa, tingnan ulit ang mga katangiang pinili mo sa pasimula ng artikulong ito—mga katangiang gusto mong maging reputasyon mo. Puwede mo nang simulang ipakita o pasulungin ang mga ito. Sinasabi ng Bibliya: “Damtan ninyo ang inyong sarili ng bagong personalidad, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay ginagawang bago ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito”—hindi ayon sa larawan, o image, na pinauuso sa mga advertisement.Colosas 3:10.

  • Humanap ng magagandang huwaran. Baka mayroon nito sa inyong pamilya, gaya ng iyong nanay o auntie. Puwede ring mga may-gulang na babaeng kaibigan o kakilala mo. Nakikinabang ang mga Saksi ni Jehova sa maraming kapuri-puring babae sa kongregasyong Kristiyano.Tito 2:3-5.

Mungkahi: Gamitin ang aklat na Tularan ang Kanilang Pananampalataya at alamin ang tungkol sa mga halimbawa sa Bibliya ng huwarang mga babae, kasama na sina Ruth, Hana, Abigail, Esther, Maria, at Marta. Ang aklat na ito ay inilalathala ng mga Saksi ni Jehova at available sa www.jw.org/tl.

Higit Pang Impormasyon

Sobrang Conscious ba Ako sa Hitsura Ko?

Kung may problema ka sa figure mo, ano ang makakatulong sa iyo para maging balanse ang pananaw mo sa sarili?