Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

TANONG NG MGA KABATAAN

Paano Kung May Nagtsitsismis Tungkol sa Akin?

 Kung bakit ito masakit

Ang ilang nagkakalat ng tsismis ay may masamang motibo—halimbawa, nagsisinungaling sila para sirain ang iyong reputasyon. Pero kahit hindi iyan ang motibo ng nagtsitsismis, masakit pa rin iyon, lalo na kung ang nagkakalat ay itinuturing mong malapít sa iyo!—Awit 55:12-14.

“Nalaman kong sinisiraan ako ng kaibigan ko. Wala raw akong malasakit sa iba. Ang sakit-sakit! Paano niya nagawa sa akin ’yon?”—Ashley.

Ang totoo: Kaibigan mo man o hindi ang nagtsitsismis, masakit malaman na may nagsasabi ng masama tungkol sa iyo.

 Ang bad news—hindi mo ito laging maiiwasan

Narito ang ilang dahilan kung bakit pinag-uusapan ng mga tao ang iba:

Likas na interes. Mahilig makihalubilo ang mga tao. Kaya natural lang na kausapin natin (at pag-usapan) ang iba. Sa katunayan, pinasisigla tayo ng Bibliya na magtuon ng pansin sa “personal na kapakanan” ng iba.—Filipos 2:4.

“Talagang masarap pag-usapan ang ibang tao!”—Bianca.

“Aminado ako na gusto kong malaman ang nangyayari sa buhay ng mga tao at ikuwento ’yon sa iba. Ewan ko ba kung bakit—basta nag-e-enjoy ako.”—Katie.

Walang magawa. Noong panahon ng Bibliya, may mga taong “walang ibang pinaggugugulan ng kanilang libreng panahon maliban sa pagsasabi ng anumang bagay o sa pakikinig sa anumang bagay na bago.” (Gawa 17:21) Ganiyan din sa ngayon!

“Kung minsan, kapag walang nangyayaring exciting na bagay, nag-iimbento ng mapag-uusapan ang mga tao.”—Joanna.

Insecure. Nagbababala ang Bibliya laban sa tendensiyang ihambing ang sarili sa iba. (Galacia 6:4) Nakalulungkot, nagtsitsismis ang iba para mabawasan ang mga insecurity nila.

“Ang pagtsitsismis ay karaniwan nang may ipinahihiwatig tungkol sa nagtsitsismis. Ang totoo, baka naiinggit lang sila sa taong itsinitsismis nila. Nagkakalat sila ng tsismis para tumaas ang tingin nila sa kanilang sarili at para patunayang mas magaling sila sa taong iyon.”—Phil.

Ang totoo: Gustuhin man natin o hindi, talagang pag-uusapan ng mga tao ang iba—kasama ka na.

 Ang good news—hindi mo kailangang magpaapekto rito

Baka hindi mo mapigilang kumalat ang lahat ng tsismis tungkol sa iyo, pero puwede mong piliin ang magiging reaksiyon mo. Kapag nalaman mong itsinitsismis ka, mayroon kang dalawang mapagpipilian.

OPSYON 1: Huwag itong pansinin. Karaniwan nang iyan ang pinakamagandang solusyon—lalo na kung wala namang basehan ang tsismis. Ikapit ang payo ng Bibliya: “Huwag kang magmadaling maghinanakit sa iyong espiritu.”—Eclesiastes 7:9.

“May kumalat na tsismis na nakikipag-date daw ako sa isang lalaking hindi ko man lang kilala! Napakaimposible no’n, kaya tinawanan ko na lang.”—Elise.

“Ang magandang reputasyon ang pinakamahusay na panlaban sa tsismis. Kung maganda ang reputasyon mo, kahit itsismis ka pa, walang gaanong maniniwala. Mananaig pa rin kung ano ang totoo.”—Allison.

Tip: Isulat (1) kung ano ang sinabi tungkol sa iyo at (2) kung ano ang naramdaman mo. Kapag ‘nagsalita ka na sa iyong puso,’ baka mas madali mo nang mapalampas iyon.—Awit 4:4.

OPSYON 2: Kausapin ang taong pinagmulan ng tsismis. Baka may mga tsismis na para sa iyo ay talagang maselan kung kaya dapat mong kausapin ang taong pinagmulan nito.

“Kung kakausapin mo ang mga nagtsitsismis tungkol sa iyo, malalaman nilang nakakarating sa iyo ang mga sinasabi nila. Bukod diyan, baka magkaliwanagan kayo at malutas ang problema.”—Elise.

Bago kausapin ang nagtsismis tungkol sa iyo, pag-isipan ang sumusunod na mga simulain sa Bibliya at mga tanong.

  • “Kapag ang isa ay sumasagot sa isang bagay bago niya marinig iyon, kamangmangan ito.” (Kawikaan 18:13) ‘Talaga bang alam ko ang buong kuwento? Hindi kaya nagkamali lang ng intindi ang taong nagsabi sa akin?’

  • “Maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” (Santiago 1:19) ‘Ngayon ba ang tamang panahon para kausapin siya? Sigurado ba akong hindi lang ako nadadala ng emosyon? O baka mas mabuting magpalipas pa ako ng ilang panahon para magpalamig muna?’

  • “Tratuhin ninyo ang iba kung paano ninyo gustong tratuhin nila kayo.” (Mateo 7:12, NET Bible) ‘Kung ako ang nasa sitwasyon niya, anong paraan ng paglapit ang gusto ko? Saan at kailan ko gustong pag-usapan ang problema? Anong mga salita at pagkilos ang pinakaepektibo?’

Tip: Bago kausapin ang nagtsismis tungkol sa iyo, isulat muna ang plano mong sabihin. Pagkatapos, magpalipas ng isa o dalawang linggo, basahin ulit ang isinulat mo, at tingnan kung mayroon kang gustong baguhin. Puwede mo ring ipakipag-usap sa iyong nanay o tatay, o sa isang may-gulang na kaibigan ang plano mo, at hingin ang payo niya.

Ang totoo: Sa buhay, maraming bagay ang hindi mo laging makokontrol, kasama na rito ang tsismis. Pero hindi ka dapat magpakontrol dito!