Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Paano Tataas ang Grades Ko?

Ang puwede mong gawin

Maging positibo! Kung iisipin mong hindi mo kayang pagbutihin ang iyong pag-aaral, mabibigo ka nga. Kaya kapag nasisiraan ka ng loob, magtuon ng pansin sa iyong mga kakayahan. Halimbawa, noong pinipintasan ng mga tao ang paraan ng pagsasalita ni apostol Pablo sa madla (kahit malamang na wala naman silang sapat na basehan), sinabi niya: “Kung ako man ay di-bihasa sa pananalita, tiyak namang hindi ako gayon sa kaalaman.” (2 Corinto 10:10; 11:6) Alam ni Pablo ang mga kahinaan niya. Pero alam din niya kung ano ang kaya niyang gawin. Kumusta ka naman? Ano-ano ang kaya mong gawin? Kung wala kang maisip, bakit hindi magtanong sa isang adulto na nagmamalasakit sa iyo? Matutulungan ka niya na makita ang iyong mga kakayahan at nang sa gayon ay malinang mo ito.

Magkaroon ng mabuting kaugalian sa pag-aaral. Hindi ka puwedeng mag-shortcut. Kailangan mo talagang mag-aral. Totoo namang parang hindi nakakatuwang pakinggan ang salitang iyan. Pero kung mag-aaral ka, ikaw rin ang makikinabang. Ang totoo, sa kaunting tiyaga lang, maaari pa ngang maging kasiya-siya ito. Para magkaroon ka ng mabuting kaugalian sa pag-aaral, kailangan mong gumawa ng iskedyul. Tandaan—dahil estudyante ka, pag-aaral ang dapat mong unahin. Totoo, sinasabi ng Bibliya na may “panahon ng pagtawa” at “panahon ng pagluksu-lukso.” (Eclesiastes 3:1, 4; 11:9) Kaya katulad ng karamihan sa mga kabataan, malamang na gusto mo ring maglibang. Pero nagbababala ang Eclesiastes 11:4: “Siyang nagbabantay sa hangin ay hindi maghahasik ng binhi; at siyang tumitingin sa mga ulap ay hindi gagapas.” Ang leksiyon? Aral muna, bago laro. Dahil kung hindi, baka hindi mo magawa ang mas mahahalagang bagay. Huwag kang mag-alala—hindi ka mauubusan ng panahon para sa paglilibang!

Kung paanong ang pagbubuhat ng barbel ay nakapagpapalaki ng muscle, ang mabuting kaugalian sa pag-aaral ay makatutulong para gumanda ang performance mo sa eskuwela.

 

Higit Pang Impormasyon

Kakambal Ko ba ang Kabiguan?

Pakiramdam mo ba’y kulang ka sa kakayahan o takót kang mabigo?