Pumunta sa nilalaman

Dapat ba Tayong Sumamba sa mga Imahen?

Dapat ba Tayong Sumamba sa mga Imahen?

Ang sagot ng Bibliya

 Hindi dapat. Para ilarawan ang kautusang ibinigay ng Diyos sa bansang Israel, sinasabi ng New Catholic Encyclopedia: “Malinaw na makikita sa iba’t ibang ulat ng Bibliya na hindi ginagamit ang mga imahen sa tunay na pagsamba sa Diyos.” Pag-isipan ang mga tekstong ito sa Bibliya:

  •   “Huwag kang gagawa para sa iyo ng inukit na imahen o ng anyo na tulad ng anumang nasa langit sa itaas o nasa lupa sa ibaba o nasa tubig sa ilalim ng lupa. Huwag mong yuyukuran ang mga iyon ni maganyak ka man na paglingkuran ang mga iyon, sapagkat akong si Jehova na iyong Diyos ay Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon.” (Exodo 20:4, 5) Yamang humihiling ang Diyos ng “bukod-tanging debosyon,” hindi siya nalulugod kapag sinasamba natin ang mga imahen, larawan, idolo, estatuwa, o simbolo.

  •   “Hindi ako papayag na mapunta sa mga estatuwa ang kapurihang dapat ay sa akin.” (Isaias 42:8, Easy-to-Read Version) Hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang pagsamba sa kaniya sa pamamagitan ng mga imahen. Nang subukan ng mga Israelita na sambahin siya gamit ang estatuwa ng isang guya, sinabi ng Diyos na sila ay gumawa ng “isang malubhang kasalanan.”—Exodo 32:7-9, Easy-to-Read Version.

  •   “Hindi natin dapat akalain na ang Isa na Diyos ay tulad ng ginto o ng pilak o ng bato, tulad ng isang bagay na nililok ng sining at katha ng tao.” (Gawa 17:29) Kabaligtaran ng paganong pagsamba na karaniwang gumagamit ng mga imahen na “nililok ng sining at katha ng tao,” ang mga Kristiyano ay dapat na ‘lumakad sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin,’ gaya ng sinasabi ng Bibliya.—2 Corinto 5:7.

  •   “Bantayan ninyo ang inyong sarili mula sa mga idolo.” (1 Juan 5:21) Sa mga utos na ibinigay kapuwa sa bansang Israel at sa mga Kristiyano, palaging isinisiwalat ng Bibliya na hindi totoo ang turong sinasang-ayunan daw ng Diyos ang paggamit ng imahen.