Ano ang Babilonyang Dakila?
Ang sagot ng Bibliya
Inilalarawan ng aklat ng Apocalipsis ang “isang babae.” Isa siyang “maimpluwensiyang babaeng bayaran” na ang pangalan ay “isang misteryo: ‘Babilonyang Dakila.’” (Apocalipsis 17:1, 3, 5) Lumalarawan ang babae sa lahat ng huwad na relihiyon sa daigdig, na ‘pinili ang kasinungalingan sa halip na ang katotohanan tungkol sa Diyos.’ a (Roma 1:25) Bagaman maraming pagkakaiba sa mga relihiyong ito, inilalayo nilang lahat ang mga tao sa pagsamba sa tunay na Diyos, si Jehova.—Deuteronomio 4:35.
Pagkakakilanlan ng Babilonyang Dakila
Ang Babilonyang Dakila ay isa lamang simbolo. Ang aklat ng Apocalipsis ay inihaharap sa pamamagitan ng “mga tanda,” kaya makatuwiran lang sabihin na ang Babilonyang Dakila ay isa lamang simbolo, at hindi literal na babae. (Apocalipsis 1:1) Bukod diyan, siya ay “nakaupo sa maraming tubig,” na kumakatawan sa “mga bayan at mga pulutong at mga bansa at mga wika.” (Apocalipsis 17:1, 15) Hindi iyan magagawa ng isang literal na babae.
Ang Babilonyang Dakila ay kumakatawan sa isang internasyonal na organisasyon. Siya ay tinatawag na “dakilang lunsod na naghahari sa mga hari sa lupa.” (Apocalipsis 17:18) Kaya saklaw niya at may impluwensiya siya sa buong daigdig.
Ang Babilonyang Dakila ay isang relihiyosong organisasyon, at hindi politikal o komersiyal na organisasyon. Ang sinaunang Babilonya ay isang napakarelihiyosong lunsod na kilalá sa paggamit ng espiritistikong “mga mahika” at “pangkukulam.” (Isaias 47:1, 12, 13; Jeremias 50:1, 2, 38) Sa katunayan, isinasagawa ng mga tao doon ang huwad na relihiyong salansang sa tunay na Diyos, si Jehova. (Genesis 10:8, 9; 11:2-4, 8) May-paghahambog na itinaas ng mga tagapamahala ng Babilonya ang kanilang sarili nang higit kaysa kay Jehova at sa kaniyang pagsamba. (Isaias 14:4, 13, 14; Daniel 5:2-4, 23) Ang Babilonyang Dakila ay kilalá rin sa kaniyang ‘espiritistikong mga gawain.’ Pinatutunayan nitong siya ay isang relihiyosong organisasyon.—Apocalipsis 18:23.
Ang Babilonyang Dakila ay hindi maaaring maging politikal na organisasyon, yamang ang “mga hari sa lupa” ay magdadalamhati sa kaniyang pagkapuksa. (Apocalipsis 17:1, 2; 18:9) Hindi rin naman siya puwedeng tumukoy sa komersiyal na organisasyon, dahil ipinakikita ng Bibliya na naiiba siya sa “mga negosyante sa lupa.”—Apocalipsis 18:11, 15.
Photograph taken by courtesy of the British Museum
Stela ng hari ng Babilonya na si Nabonido na may simbolo ng tatluhang diyos, sina Sin, Ishtar, at Shamash
Ang Babilonyang Dakila ay angkop na lumalarawan sa huwad na relihiyon. Sa halip na turuan ang mga tao kung paano magiging malapít sa tunay na Diyos, si Jehova, inaakay sila ng huwad na relihiyon na sumamba sa ibang mga diyos. Tinatawag ito ng Bibliya na “espirituwal na prostitusyon.” (Levitico 20:6, tlb.; Exodo 34:15, 16) Patuloy na itinuturo ng maraming huwad na relihiyon sa ngayon ang mga paniniwala na nagsimula sa sinaunang Babilonya, gaya ng trinidad, imortalidad ng kaluluwa, at ang paggamit ng mga imahen sa pagsamba. Inihalo rin ng mga relihiyong ito sa kanilang pagsamba ang pag-ibig sa sanlibutan. Ang ganitong pagtataksil, ayon sa Bibliya, ay isang espirituwal na pangangalunya.—Santiago 4:4.
Ang kayamanan ng huwad na relihiyon at ang pagpaparangya nito ay tamang-tama sa paglalarawan ng Bibliya sa Babilonyang Dakila, na “nakasuot ng damit na purpura at iskarlata, at may mga alahas [na] ginto at mamahaling mga bato at mga perlas.” (Apocalipsis 17:4) Ang Babilonyang Dakila ang pinagmumulan ng “kasuklam-suklam na mga bagay sa lupa,” o mga turo at gawaing lumalapastangan sa Diyos. (Apocalipsis 17:5) Ang mga miyembro ng huwad na relihiyon ay “mga bayan at mga pulutong at mga bansa at mga wika” na sumusuporta sa Babilonyang Dakila.—Apocalipsis 17:15.
Ang Babilonyang Dakila ang nasa likod ng kamatayan ng “lahat niyaong mga pinatay sa lupa.” (Apocalipsis 18:24) Sa buong kasaysayan ng tao, ang huwad na relihiyon ay hindi lang nagsulsol ng mga digmaan at terorismo kundi nabigo rin itong magturo sa mga tao ng katotohanan tungkol kay Jehova, ang Diyos ng pag-ibig. (1 Juan 4:8) Ito ang dahilan ng maraming pagdanak ng dugo.
Ano ang tingin ng Diyos sa Babilonyang Dakila?
Para sa Diyos, ang mga kasalanan ng Babilonyang Dakila ay “nagkapatong-patong at umabot na sa langit.” (Apocalipsis 18:4, 5) Galit ang Diyos sa huwad na mga relihiyon kasi mali ang itinuturo nila tungkol sa kaniya at masama ang pakikitungo nila sa mga sumusunod sa kaniya.
Ano ang mangyayari sa Babilonyang Dakila?
Sinasabi ng Bibliya na “ang Diyos ay naghayag na ng hatol” laban sa Babilonyang Dakila. (Apocalipsis 18:20) Sa makasagisag na paraan, inihula ng Bibliya na aalisin ng Diyos ang lahat ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 18:8) Uudyukan niya ang kulay-iskarlatang hayop—na lumalarawan sa isang makapangyarihang politikal na organisasyon—na kumilos laban sa huwad na relihiyon at lubusang wakasan ito. (Apocalipsis 17:16, 17) ‘Mabilis na ihahagis ang Babilonya na dakilang lunsod, at hindi na siya makikita pang muli.’ (Apocalipsis 18:21) Kaya kung talagang gusto ng isa na mapasaya ang Diyos, dapat siyang umalis sa huwad na relihiyon at ilayo ang sarili niya dito.—2 Corinto 6:14-17.
a Tingnan ang artikulong “Paano Ko Makikilala ang Tunay na Relihiyon?”

