Pumunta sa nilalaman

Ano ang Espirituwalidad? Puwede Ba Akong Maging Taong Espirituwal Kahit Walang Relihiyon?

Ano ang Espirituwalidad? Puwede Ba Akong Maging Taong Espirituwal Kahit Walang Relihiyon?

Ang sagot ng Bibliya

 Sa Bibliya, ang espirituwalidad ay tumutukoy sa kagustuhan ng isang tao na mapasaya ang Diyos at matularan ang pag-iisip niya. Sinisikap ng isang taong espirituwal na masunod ang mga pamantayan ng Diyos sa kaniyang buhay at magpagabay sa Kaniyang banal na espiritu. aRoma 8:5; Efeso 5:1.

 Kapag ipinapaliwanag ng Bibliya ang espirituwalidad, kadalasang sinasabi nito ang mga bagay na ginagawa ng taong hindi espirituwal. Halimbawa, kabaligtaran ng taong espirituwal, “hindi tinatanggap ng taong pisikal ang mga bagay na mula sa espiritu ng Diyos,” o ang mga turo ng Diyos. (1 Corinto 2:14-16) Isa pa, ang isang taong makalaman ay madalas ‘mainggit at makipag-away’ imbes na maging mapagbigay at mapagpayapa. (1 Corinto 3:1-3) At ang mga maninirang-puri na pinaglalayo ang malalapít na magkakaibigan ay tinatawag na “mga taong makahayop, na walang espirituwalidad.”—Judas 19; Kawikaan 16:28. b

Sa artikulong ito

 Bakit may kakayahan tayong magkaroon ng espirituwalidad?

 May kakayahan tayong magkaroon ng espirituwalidad dahil nilalang tayo ayon sa larawan ng Diyos. (Genesis 1:27) Kaya hindi nakakapagtakang maraming tao ang gustong matuto tungkol sa mga bagay na hindi nila nakikita o nahahawakan.

 Ipinanganak tayong may kakayahang magpakita ng mga katangian ng Diyos na Jehova c, gaya ng pagiging mapagpayapa, maawain, at hindi nagtatangi. (Santiago 3:17) At kapag sinisikap nating sundin ang mga utos niya, tutulungan niya tayong maging malakas sa espirituwal.—Gawa 5:32.

 Bakit mahalaga ang espirituwalidad?

 Puwedeng magkaroon ng “buhay at kapayapaan” ang mga taong espirituwal. (Roma 8:6) Napakahalagang regalo ng mga ito mula sa Diyos.

  •   Buhay: Nangangako ang Diyos na magkakaroon ng buhay na walang hanggan ang mga taong espirituwal.—Juan 17:3; Galacia 6:8.

  •   Kapayapaan: Tumutukoy ito sa mapayapang kaugnayan sa Diyos. Ang mga nakapokus lang sa pisikal na pangangailangan nila ay mga kaaway ng Diyos. (Roma 8:7) Bukod diyan, ang mga nagsisikap na maging espirituwal ay binibigyan ng Diyos ng “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.” (Filipos 4:6, 7) Dahil sa kapayapaang ito, nagiging masaya ang buhay nila.—Mateo 5:3.

 Paano ako magiging taong espirituwal?

  •   Alamin at sundin ang mga utos ng Diyos. Magagawa mo ito kung babasahin mo ang Bibliya. Naglalaman ito ng mga kaisipan ng Diyos na isinulat ng mga tao “habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.” (2 Pedro 1:21) Matutulungan ka ng mga natututuhan mo na sambahin ang Diyos “sa espiritu at katotohanan.” Tumutukoy ito sa pagsambang may gabay ng banal na espiritu at kaayon ng kalooban ng Diyos.—Juan 4:24.

  •   Humingi ng tulong sa Diyos. (Lucas 11:13) Tutulungan ka ng Diyos na magkaroon ng mga katangiang dapat makita sa isang taong espirituwal. (Galacia 5:22, 23) Magkakaroon ka rin ng karunungan para makayanan ang mga problema sa buhay.—Santiago 1:5.

  •   Makipagsamahan sa mga taong espirituwal. Matutulungan ka nilang patibayin ang espirituwalidad mo. (Roma 1:11, 12) Pero kung makikisama ka sa mga taong hindi sumusunod sa Diyos, hihina ang espirituwalidad mo.—Santiago 4:4.

 Kailangan bang may relihiyon ako para maging taong espirituwal?

 Hindi porke may relihiyon ang isang tao, taong espirituwal na siya. Sinasabi ng Bibliya: “Kung iniisip ng isang tao na relihiyoso siya pero hindi niya kinokontrol ang dila niya, dinaraya niya ang sarili niyang puso, at walang saysay ang pagsamba niya.”—Santiago 1:26, talababa.

 Pero sinasabi rin ng Bibliya na sinasamba ng mga taong espirituwal ang Diyos sa paraang gusto niya. Naniniwala silang may “iisang espiritu”—ang banal na espiritu ng Diyos. Dahil sa espiritung iyan, sinasamba nila ang Diyos bilang “iisang katawan,” isang organisadong grupo na nagsisikap “mapanatili ang kapayapaan para maingatan ang pagkakaisang dulot ng espiritu.”—Efeso 4:1-4.

 Mga maling akala tungkol sa espirituwalidad

 Maling akala: Masasabi ring espirituwal ang isang tao kung masaya siya dahil sa sarili niyang pagsisikap o naabot na niya ang buong potensiyal niya.

 Ang totoo: Sa Bibliya, ang espirituwalidad ay ang paraan ng pamumuhay na ginagabayan ng kaisipan ng Diyos. Hindi ito tumutukoy sa pagsisikap na maging isang mabuting tao nang walang tulong ng Diyos. Nagiging masaya ang mga taong espirituwal dahil naniniwala silang si Jehova ang kanilang Maylalang at namumuhay sila ayon sa kalooban niya.—Awit 100:3.

 Maling akala: Masasabing espirituwal ang isang tao kung pinagkakaitan niya o sinasaktan ang sarili niya.

 Ang totoo: Ang mga nananakit sa katawan nila ay “sumasamba ayon sa sarili nilang paraan,” at iyan ay makalamang pag-iisip. (Colosas 2:18, 23) Ipinapakita sa Bibliya na ang buhay ng isang taong espirituwal ay punô ng saya, hindi ng kirot.—Kawikaan 10:22.

 Maling akala: Makakatulong sa espirituwalidad ng isang tao ang pakikipag-ugnayan sa mundo ng mga espiritu, gaya ng espiritismo o espirituwalismo.

 Ang totoo: Ang isang anyo ng espiritismo, na tinatawag na espirituwalismo, ay ang paniniwalang kaya ng espiritu ng mga patay na makipag-usap sa mga buháy. Pero itinuturo ng Bibliya na wala nang magagawa ang mga patay. (Eclesiastes 9:5) Ang totoo, ang espiritismo ay pakikipag-usap sa mga espiritung kumakalaban sa Diyos. Galít ang Diyos sa espiritismo at nagiging hadlang ito na maging taong espirituwal ang isa.—Levitico 20:6; Deuteronomio 18:11, 12.

 Maling akala: Lahat ng nilalang ay may espirituwalidad.

 Ang totoo: Ang lahat ng nilalang ng Diyos ay nagpaparangal sa kaniya. (Awit 145:10; Roma 1:20) Pero mga tao lang ang puwedeng magkaroon ng espirituwalidad. Ang mga hayop ay kumikilos ayon lang sa instinct nila, at wala silang kakayahang makipagkaibigan sa Diyos. Ang lahat ng ginagawa nila ay para lang masapatan ang pangangailangan nila. (2 Pedro 2:12) Kaya mababasa sa Bibliya na ang espirituwalidad ay kabaligtaran ng makahayop na pag-iisip at paggawi.—Santiago 3:15; Judas 19.

a Sa orihinal na wika, ang salita sa Bibliya na isinaling “espiritu” ay nangangahulugang “hininga.” Puwede rin itong tumukoy sa isang bagay na hindi nakikita, pero nakikita ang epekto nito. Sinasabi ng Bibliya na ang Diyos ang Pinakamataas na Espiritung Persona. Ang isang taong espirituwal ay nagpapagabay sa kalooban ng Diyos at sa Kaniyang banal na espiritu.

b Sa Bibliya, kapag ginagamit sa mga tao ang mga salitang “makalaman” at “pisikal,” tumutukoy ito sa mga taong nag-iisip at kumikilos batay lang sa kanilang makalaman o pisikal na pangangailangan. Hindi gaanong mahalaga sa kanila ang mga pamantayan ng Diyos, o binabale-wala pa nga nila ang mga ito.

c Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.—Awit 83:18.