Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Regalong 19,000 Biyahe

Regalong 19,000 Biyahe

Noong Hulyo 2013, isang liham ang ipinadala ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova sa mga misyonero at iba pang nasa pantanging buong-panahong paglilingkod sa ibang bansa na tiyak na ikinatuwa ng mga ito. Ang liham ay tungkol sa kaayusan na tulungan ang mga naglilingkod sa ibang bansa na makauwi at makadalo ng panrehiyon at internasyonal na mga kombensiyon na gaganapin sa 2014 at mga unang buwan ng 2015.

Layunin nito na hindi lang basta tulungan ang mga naglilingkod sa ibang bansa na dumalo ng kombensiyon kundi makasama rin ang kanilang mga kapamilya o mga kaibigan. Sinasabi ng liham na sasagutin ng organisasyon ang balikang tiket nila sa eroplano.

Nagkaroon na rin ng ganitong kaayusan noon, pero iba sa taóng ito. Sa pangangasiwa ng Teaching Committee ng Lupong Tagapamahala, isang bagong departamento, ang World Headquarters (WHQ) Travel, ang binuo para mag-book ng mga tiket.

Nang maipadala ang mga liham, isa-isa nang nagdatingan sa WHQ Travel ang mga request para sa mga tiket sa eroplano. Pagdating ng Enero 2014, dumagsa na ang mga request. Ang grupong naatasang mag-asikaso sa mga biyaheng ito ay naghanap at nag-ayos ng mga itineraryo para sa mga nasa pantanging buong-panahong paglilingkod sa buong daigdig.

Hindi naging madali ang pag-aayos sa ilang itineraryo. May mga galing ng Reykjavík, Iceland, na pupunta sa Cochabamba, Bolivia. Ang iba naman na galing ng Nouméa, New Caledonia, ay pupunta sa Antananarivo, Madagascar. Ang ilan ay magbibiyahe mula sa Port Moresby, Papua New Guinea, patungong Seattle, Washington, U.S.A., at ang ibang galing ng Ouagadougou, Burkina Faso, ay pupunta naman sa Winnipeg, Canada.

Ang WHQ Travel team, na binubuo ng limang tao, ang nag-book ng mga 19,000 biyahe. Gamit ang donasyong ibinigay ng mga kongregasyon na para lang sa layuning ito, bumili sila ng mga tiket at ipinadala sa mga 4,300 magbibiyahe mula sa 176 na bansa.

Lubos na pinahalagahan ang kaayusang ito. Isang mag-asawang misyonero ang sumulat: “Pabalik na kami ngayon sa aming atas sa Southeast Asia. Talagang nagpapasalamat kami sa pagtulong n’yo sa amin na makauwi sa aming sariling bansa, ang England, at muling makasama ang aming pamilya makalipas ang limang taon. Kung wala ang paglalaang iyon, hindi namin ito magagawa. Kaya maraming, maraming salamat sa lahat ng tumulong para maging posible ito.”

Isang misyonerong naglilingkod sa Paraguay ang sumulat: “Kami ng misis ko ay buong-pusong nagpapasalamat sa pribilehiyong makadalo sa internasyonal na kombensiyon sa New Jersey, U.S.A. Noong mga unang buwan ng 2011, nagplano kaming magbakasyon sa United States para mapasyalan ang pandaigdig na punong-tanggapan. Nakaipon na kami ng pera para dito. Kaya lang, noong Hunyo ng taóng iyon, inanyayahan kaming dumalaw sa mga kongregasyon ng sign language sa Paraguay. Nangangailangan ito ng maraming pagbibiyahe. Pinag-isipan namin itong mabuti, at nagpasiyang hindi na namin itutuloy ang aming biyahe sa United States. Sa halip, bumili kami ng kotse na magagamit sa bago naming atas. Pagkatapos, nakatanggap kami ng imbitasyon na dumalo sa internasyonal na kombensiyon. Natupad din ang pangarap namin! Talagang ang laki ng pasasalamat namin kay Jehova dahil sa kabutihan niyang ito at pagmamahal sa amin.”

“Gusto lang naming magpadala ng maikling e-mail para sabihin ang aming malaking pasasalamat!” ang isinulat ng mag-asawa mula sa Malawi. “Nakikini-kinita namin kung gaano kalaki ang trabaho, panahon, at gastos para asikasuhin ang maraming itineraryo sa pagbibiyahe. Pinahahalagahan namin ang lahat ng inyong ginawa at, higit sa lahat, ang pagkabukas-palad ng organisasyon ni Jehova para maging posible na makauwi kami at makadalo sa internasyonal na kombensiyon at makasama ang aming pamilya at mga kaibigan.”

Gustong-gusto ng mga nasa WHQ Travel ang trabaho nila. “Kakaibang pribilehiyo ang tulungan ang mga misyonero na makauwi para makasama ang kanilang pamilya at mga kaibigan,” ang sabi ni Mileivi. “Nakita ko kung gaano kalalim ang pag-ibig ng organisasyon sa mga naatasang maglingkod sa ibang bansa,” ang sabi naman ni Dorise. At ganito ang sinabi ni Rodney, ang tagapangasiwa ng departamento, “Isang kagalakan na makasama sa proyektong ito.”

Tuwang-tuwa ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig na magkaroon ng bahagi sa maibiging regalong ito para sa kanilang mapagsakripisyo at masisipag na kapatid.

Higit Pang Impormasyon

Bakit Nagdaraos ng Malalaking Asamblea ang Mga Saksi ni Jehova?

Taun-taon, nagtitipon kami para sa tatlong pantanging okasyon. Paano ka makikinabang sa mga pagtitipong ito?