Pumunta sa nilalaman

BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY

“Sa Martial Arts Umikot ang Buhay Ko”

  • Isinilang: 1962

  • Bansang Pinagmulan: United States

  • Dating mahilig sa martial arts

ANG AKING NAKARAAN

Aksidente kong nasipa ang sparring partner ko sa ilong. Hindi ko akalaing matindi ang magiging injury niya. Sa sobrang pagkakonsensiya ko, naisip ko kung dapat ko pang ipagpatuloy ang martial arts. Bakit ko naisip iyan kahit naging buhay ko na ang martial arts? Bago ko sagutin iyan, ikukuwento ko muna kung paano ako napasok sa sports na ito.

Lumaki ako malapit sa Buffalo, New York, U.S.A. Masaya ang pamilya namin. Sarado Katoliko kami kaya nag-aral ako sa mga paaralang Katoliko at naging sakristan din ako. Gusto ng mga magulang ko na maging maayos ang buhay namin ni Ate. Pinayagan nila akong maglaro ng sports pagkatapos ng klase o magtrabaho nang part-time, basta mataas ang grades ko sa school. Kaya bata pa lang ako, disiplinado na ako.

Noong 17 ako, nag-aral ako ng martial arts. Sa loob ng maraming taon, tatlong oras akong nagpapraktis sa isang araw, anim na araw sa isang linggo. Bukod diyan, maraming oras ko ring pinag-iisipan ang mga technique at kilos na gagawin ko. Nanonood din ako ng mga video kung paano pa ako mas gagaling. Mahilig akong magpraktis nang nakapiring, kahit na may gamit akong espada. Kaya kong bumasag ng mga brick sa isang hampas lang ng kamay. Naging magaling ako sa martial arts at marami akong napanalunang trophy. Wala nang mas importante sa akin kundi ang martial arts.

Akala ko, matagumpay na ako. Honor student ako nang magtapos ako sa unibersidad. Nagtatrabaho ako sa isang malaking kompanya bilang computer systems engineer. Maraming benepisyo sa kompanya ko, may sarili din akong bahay, at may girlfriend ako. Para sa iba, maganda na ang buhay ko. Pero hindi ako masaya. Ang daming tanong sa isip ko.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO

Dahil gusto kong malaman ang sagot sa mga tanong ko, nagsimula akong magsimba nang dalawang beses sa isang linggo para humingi ng tulong sa Diyos. Isang araw, nagbago ang buhay ko nang makausap ko ang kaibigan ko. Tinanong ko siya, “Naisip mo na ba kung bakit tayo nandito?” Sabi ko pa: “Ang dami kasing problema at kawalang-katarungan!” Sinabi niya na naitanong na rin niya iyon at nakita niya ang mga sagot sa Bibliya. Binigyan niya ako ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. * Nakikipag-aral pala siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Noong una, ayaw ko pang tanggapin iyon, kasi naisip ko na hindi ako dapat magbasa ng publikasyon ng ibang relihiyon. Pero sa kagustuhan kong malaman ang sagot sa mga tanong ko, nagpasiya akong alamin kung ano ang itinuturo ng mga Saksi.

Namangha ako sa itinuturo ng Bibliya. Nalaman ko na layunin pala ng Diyos na mabuhay ang mga tao magpakailanman sa isang paraisong lupa at na hindi nagbago ang layuning iyan. (Genesis 1:28) Nagulat ako na sa ginagamit ko palang Bibliya na King James, nandoon ang pangalang Jehova. Nalaman ko na ito pala ang pangalan ng Diyos na tinutukoy ko kapag dinarasal ko ang Panalangin ng Panginoon. (Awit 83:18; Mateo 6:9) Naintindihan ko na rin kung bakit hinahayaan ng Diyos na magdusa ang tao ngayon. Nasagot na ang mga tanong ko. Ang saya-saya ko!

Hindi ko makakalimutan ang naramdaman ko nang dumalo ako sa pulong ng mga Saksi ni Jehova. Napakabait ng mga nandoon at gusto nila akong makilala. Sa unang dalo ko, may espesyal na pahayag tungkol sa mga panalanging dinirinig ng Diyos. Nagustuhan ko iyon, kasi matagal na akong nananalangin sa Diyos na tulungan ako. Pagkatapos, dumalo ako sa Memoryal ng kamatayan ni Jesus. Nagulat ako kasi kahit mga bata, sumusubaybay sa pagbabasa ng mga teksto sa Bibliya. Noong una, hindi ako marunong maghanap ng teksto, pero tinuruan ako ng mga Saksi kung paano gagawin iyon.

Sa pagdalo ko sa mga pulong, napahalagahan ko ang mataas na kalidad ng pagtuturo ng mga Saksi. Marami akong natututuhan sa bawat pulong, at lagi akong napapatibay. Pagkatapos, inalok nila akong mag-Bible study.

Ibang-iba ang mga Saksi ni Jehova sa relihiyon ko. Nagkakaisa sila at talagang nagsisikap na paluguran ang Diyos. Kitang-kita na mahal nila ang isa’t isa, kaya nakumbinsi ako na sila ang mga tunay na Kristiyano.—Juan 13:35.

Habang nag-aaral ako ng Bibliya, gumawa ako ng maraming pagbabago para masunod ang mga pamantayan nito. Pero parang hindi ko kayang ihinto ang martial arts. Gustong-gusto kong magpraktis at sumali sa mga kompetisyon. Nang sabihin ko ito sa nagba-Bible study sa akin, sinabi niya, “Ituloy mo lang ang pag-aaral, at makakagawa ka ng tamang desisyon.” Nakatulong sa akin ang payong iyan. Habang patuloy akong nag-aaral, lalo kong gustong paluguran ang Diyos na Jehova.

Nagbago ang buhay ko dahil sa pangyayaring nabanggit ko sa simula, nang aksidente kong masipa sa ilong ang sparring partner ko. Pinag-isip ako nito. Talaga bang magiging mapayapa akong tagasunod ni Kristo kung ipagpapatuloy ko ang martial arts? Natutuhan ko na inihula sa Isaias 2:3, 4 na ang sumusunod sa mga utos ni Jehova ay hindi na “mag-aaral ng pakikipagdigma.” Itinuro din ni Jesus sa mga tao na huwag maging marahas kahit gawan sila ng iba ng masama. (Mateo 26:52) Kaya kahit gustong-gusto ko ang martial arts, inihinto ko ito.

Pagkatapos niyan, sinunod ko ang payo ng Bibliya na ‘sanayin ang sarili at gawing tunguhin na magpakita ng makadiyos na debosyon.’ (1 Timoteo 4:7) Dati, nauubos ang panahon at lakas ko sa martial arts, pero ngayon, ginagamit ko na ito sa paglilingkod sa Diyos. Hindi gusto ng girlfriend ko ang mga natututuhan ko sa Bibliya, kaya nag-break kami. Nabautismuhan ako bilang Saksi ni Jehova noong Enero 24, 1987. Di-nagtagal, naglingkod ako nang buong panahon para turuan ang iba tungkol sa Bibliya. Hanggang ngayon, nasa buong-panahong paglilingkod pa rin ako. Nakapaglingkod pa nga ako sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa New York, U.S.A.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG

Ngayong alam ko na ang katotohanan tungkol sa Diyos, nakita ko na ang hinahanap ko. May direksiyon na ang buhay ko. Nagkaroon din ako ng tunay na pag-asa sa hinaharap, at masayang-masaya ako ngayon. Nag-e-exercise pa rin naman ako, pero hindi na iyan ang pinakaimportante sa akin. Priyoridad ko na ngayon ang maglingkod sa Diyos na Jehova.

Noong nagma-martial arts pa ako, lagi akong alisto sa mga tao sa paligid ko. Iniisip ko kasi kung paano ko ipagtatanggol ang sarili ko kapag may gustong manakit sa akin. Ngayon, alisto pa rin naman ako sa mga tao, pero iba na ang dahilan—para tulungan sila. Natulungan ako ng Bibliya na maging mapagbigay at maging mabuting asawa sa aking magandang misis, si Brenda.

Sa martial arts umikot ang buhay ko. Pero pinalitan ko na iyon ng isang bagay na mas mabuti. Sabi nga ng Bibliya: “May kaunting pakinabang sa pisikal na pagsasanay, pero ang makadiyos na debosyon ay kapaki-pakinabang sa lahat ng bagay, dahil may kasama itong pangako na buhay sa ngayon at sa hinaharap.”—1 Timoteo 4:8.

^ par. 5 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova pero hindi na iniimprenta.