Bakit Hindi Sumasali sa Digmaan ang mga Saksi ni Jehova?
Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi sumasali sa digmaan dahil sa:
Pagsunod sa Diyos. Sinasabi ng Bibliya na “pupukpukin [ng mga lingkod ng Diyos] ang kanilang mga espada para gawin itong araro” at hindi na sila “mag-aaral ng pakikipagdigma.”—Isaias 2:4.
Pagsunod kay Jesus. Sinabi ni Jesus kay apostol Pedro: “Ibalik mo ang espada mo sa lalagyan nito, dahil ang lahat ng gumagamit ng espada ay mamamatay sa espada.” (Mateo 26:52) Ipinakikita ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay hindi gagamit ng mga sandatang pandigma.
Sinusunod ng mga alagad ni Jesus ang kaniyang utos na ‘hindi maging bahagi ng sanlibutan’ sa pamamagitan ng pananatiling lubusang neutral sa politika. (Juan 17:16) Hindi sila nagpoprotesta sa mga gawaing militar o humahadlang sa mga gustong magsundalo.
Pag-ibig sa iba. Inutusan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na “ibigin . . . ang isa’t isa.” (Juan 13:34, 35) Magiging bahagi sila ng isang internasyonal na kapatiran kung saan walang isa man ang makikipagdigma laban sa kaniyang kapatid.—1 Juan 3:10-12.
Halimbawa ng unang mga Kristiyano. Sinasabi ng Encyclopedia of Religion and War: “Ang mga unang tagasunod ni Jesus ay tumangging maglingkod sa militar at sumali sa digmaan.” Alam nilang ang mga gawaing ito ay “hindi kaayon ng turo ni Jesus na mag-ibigan at ng utos na ibigin ang mga kaaway.” Ganito naman ang sinabi ng teologong Aleman na si Peter Meinhold tungkol sa unang mga alagad na iyon ni Jesus: “Hindi puwedeng magsundalo noon ang isang Kristiyano.”
Tulong sa komunidad
Ang mga Saksi ni Jehova ay kapaki-pakinabang na mga miyembro ng lipunan at hindi sila banta sa seguridad ng mga bansa kung saan sila nakatira. Iginagalang namin ang awtoridad ng gobyerno, kaayon ng mga simulaing ito sa Bibliya:
“Magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad.”—Roma 13:1.
“Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, pero sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”—Mateo 22:21.
Kaya sinusunod namin ang batas, nagbabayad ng buwis, at nakikipagtulungan sa pagsisikap ng gobyerno na maglaan para sa kapakanan ng mga mamamayan.