Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Paglipat ng Punong-Tanggapan ng mga Saksi

Paglipat ng Punong-Tanggapan ng mga Saksi

Noong Hulyo 2009, bumili ng lote ang mga Saksi ni Jehova sa hilagang bahagi ng New York para sa planong paglipat ng punong-tanggapan. Ang biniling 102-ektaryang lupa ay mga 80 kilometro sa hilagang-kanluran ng pasilidad ngayon, na nasa Brooklyn, New York, mula pa noong 1909.

Mga 800 Saksi ang maninirahan at magtatrabaho sa bagong pasilidad. Tatayuan ito ng isang gusali para sa opisina, isa para sa mga serbisyong kailangan sa Bethel, at apat na gusaling tirahan. Kasama rin sa plano ang isang museo tungkol sa makabagong-panahong kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova.

Labing-walong ektarya lang ang magagamit sa pasilidad at walang malalawak na damuhan. Sa halip, mananatiling kakahuyan at latian ang natitirang bahagi ng lote.

Ang mga gusali ay dinisenyo ng mga arkitekto na maging matipid sa enerhiya kaya hindi ito magiging magastos patakbuhin at mantinihin at hindi rin makakasira sa kalikasan. Halimbawa, ang bubungan ng mga gusali ay tatamnan ng matibay at madaling alagaang mga halaman para makontrol ang pag-agos ng tubig-ulan at ang temperatura sa loob ng mga gusali. Ang disenyo ng opisina ay tamang-tama rin para makapasok ang liwanag. Priyoridad din ang pagtitipid sa tubig.

Bakit naisip ang planong paglipat? Dati, sa Brooklyn lang ginagawa ang pag-iimprenta ng mga Bibliya at mga salig-Bibliyang publikasyon. Pero ngayon, ginagawa na rin ito sa ibang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Noong 2004, inilipat ang pag-iimprenta at pagpapadala ng mga literatura sa Wallkill, New York, mga 145 kilometro mula sa hilagang-kanluran ng Brooklyn.

Isinaalang-alang din ang gastusin. Magastos patakbuhin at mantinihin ang mga pasilidad sa Brooklyn. Sa paglipat sa isang lugar kung saan magkakalapit ang mga gusali, mas magagamit ng mga Saksi ang kanilang mga pondo para suportahan ang pagtuturo ng Bibliya.

Kailangang pumasa ang proyektong ito sa mga pamantayang pangkapaligiran ng estado bago mabigyan ng mga permit. Kung walang magiging problema, magsisimula ang pagtatayo sa 2013 at matatapos sa loob ng apat na taon.

Bukod sa imprentahan sa Wallkill, New York, ang mga Saksi ni Jehova ay mayroon ding educational center sa Patterson, New York. Ang organisasyon ay nangangasiwa rin sa mga tanggapang pansangay sa maraming bansa. Ang mga Saksi ay mahigit nang pito’t kalahating milyon sa buong daigdig.