Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Pagtatrabaho Kasama ng mga Saksi ni Jehova sa Warwick

Pagtatrabaho Kasama ng mga Saksi ni Jehova sa Warwick

Marami ang humahanga sa espiritung ipinakikita ng mga boluntaryong nagtatrabaho sa proyekto ng pagtatayo sa Warwick. Isang tagapangasiwa ng kompanyang nag-install ng mga elevator ang nagsabi sa isang nagtatrabaho roon: “Hangang-hanga ako sa ginagawa ng grupo ninyo. Bibihira lang ngayon ang handang magboluntaryo at ibigay ang panahon nila.”

Nang marinig niya at ng iba pa na mga boluntaryo pala ang karamihan sa nagtatrabaho sa itinatayong punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Warwick, New York, inisip nila na mga Saksing tagaroon ang nagtatrabaho at tuwing weekend lang. Nagulat silang malaman na iniwan ng marami sa mga ito ang kanilang trabaho at nanggaling pa sa iba’t ibang lugar sa bansa para makapagtrabaho sa proyekto nang ilang buwan, o ilang taon pa nga.

Sa pagtatapos ng 2015, mga 23,000 Saksi na ang nakapagboluntaryo sa Warwick kasama ng mga miyembro ng pamilyang Bethel sa United States. Bukod diyan, mga 750 construction worker na hindi Saksi ni Jehova ang tumulong para masunod ang iskedyul ng proyekto, at ang pagtatrabaho nila kasama ng mga Saksi ni Jehova ay nag-iwan ng magandang impresyon sa isip nila.

Nakarerepreskong Lugar ng Trabaho

Isang manedyer ng isang kompanyang gumagawa ng mga bintana at dingding ang sumulat: “Lahat ng galing sa kompanya namin na nagtatrabaho sa proyekto ay hangang-hanga dahil mababait ang mga nakakasama nila sa trabaho. Marami sa amin ang gustong magtrabaho sa proyektong ito dahil diyan.”

Isa namang kompanya ang kinontratang magpadala ng mga tauhang tutulong sa pagtatayo ng mga residence building. Nang matapos ang kontrata ng kompanya, tatlo sa mga empleado nito ang pursigidong magtrabaho pa sa Warwick. Nag-resign sila sa kompanyang iyon at sumama sa ibang kompanya na nagtatrabaho pa rin sa proyekto.

Ang Kristiyanong mga katangiang ipinakita ng mga Saksi ay nagkaroon ng magandang epekto sa ilan sa mga construction worker. Isang lalaki ang empleado ng isang kompanya na naglatag ng pundasyon ng mga gusali. Matapos siyang magtrabaho nang ilang buwan sa Warwick, napansin ng misis niya na malaki ang ipinagbago ng ugali niya at pananalita kapag nasa bahay. Natutuwa ang misis at sinabi tungkol sa mister niya, “Ibang-iba na siya!”

“Ang mga Babaeng Saksi ay Magtatrabaho”

Marami sa mga Saksing nagtrabaho sa proyekto ay babae. Bukod sa pagmamaneho ng bus, paglilinis ng mga kuwarto, at paggawa ng mga trabaho ng sekretarya, nagdirekta rin sila ng trapiko, humawak ng mabibigat na makinarya, nagdugtong ng fiber-optic cable, naglagay ng insulasyon sa mga tubo, nagkabit at nagpakinis ng drywall, nag-install ng plumbing, at nagbuhos ng semento. Napakasisipag nila.

Napansin ng isang di-Saksing gumawa sa bubong ang mga mag-asawa pagbaba ng mga ito sa bus, at naantig ang puso niya na makitang magkahawak-kamay ang ilang mag-asawa papunta sa lugar ng trabaho. Napansin din niya na talagang napakasisipag ng mga babaeng nagtatrabaho sa proyekto. “Sa unang tingin, iisipin mong sumama lang ang mga misis,” ang sabi niya. “Pero kung trabaho ang pag-uusapan, mahuhusay sila! Nakapagtrabaho na ako sa maraming construction sa buong New York City, pero ngayon lang ako nakakita ng ganito.”

Napakatindi ng ginaw noong taglamig ng 2014/2015, at parang ang sarap na manatili na lang sa bahay sa halip na magtrabaho nang maghapon sa labas sa matinding lamig. Ikinuwento ni Jeremy, isang Saksi na nagtrabaho kasama ng mga nangangasiwa sa pagtatayo: “Sa mga araw na sobrang ginaw, tinatanong ako ng isang foreman ng isa sa mga kompanyang naglatag ng pundasyon, ‘Magtatrabaho ba bukas ang mga kasama ninyong babae?’

“‘Oo.’

“‘Kahit y’ong mga nasa labas na nagtatrapik?’

“‘Oo naman.’

“No’ng bandang huli, sinabi niya na sinabihan niya ang mga tauhan niya na magtrabaho kasi kahit ang mga babaeng Saksi ay magtatrabaho!”

Gustong-gusto ng mga Drayber ang Trabaho Nila

Mahigit 35 drayber ng bus ang inupahang maghatid ng mga boluntaryo papunta at pauwi ng kanilang tuluyan.

Minsan bago bumiyahe, isang drayber ang tumayo at humarap sa mga pasahero niya. “Gustong-gusto kong ipagmaneho kayong mga Saksi,” ang sabi niya. “Paki-e-mail ang boss ko at pakisabi na huwag akong alisin sa rutang ito. Napakarami kong natutuhan sa inyo tungkol sa Bibliya. Bago ko kayo nakilala, hindi ko alam na may pangalan ng Diyos at may darating na paraiso sa lupa. Ngayon hindi na ako takot sa kamatayan. Napakagandang karanasan nito para sa akin. Makikita ninyo ako sa Kingdom Hall sa susunod kong day off.”

Sinabi ni Damiana, isang Saksi na nagtrabaho sa Warwick: “Isang araw pagkasakay namin sa bus, sinabi ng drayber namin na may gusto siyang sabihin sa amin. Sinabi ng drayber na 4,000 Saksi na ang naipagmaneho niya sa iba’t ibang lugar sa New York. ‘Lahat ng tao ay may kakaibang ugali,’ ang sabi niya, ‘pero hindi problema iyon sa inyo, at nakapagtatrabaho kayong magkakasama. Napakagandang tingnan n’on.’ Sinabi rin niya na masarap kaming kausap.

“Pagkatapos niyang magsalita, tinanong siya ng isa sa mga Saksi, ‘Gusto mo ba kapag kumakanta kami?’

“Tumawa siya nang malakas at ang sabi niya, ‘Oo! Simulan na ba natin sa awit 134?’” *

^ par. 22 Ang awit 134, mula sa Umawit kay Jehova, ay may pamagat na “Kapag Naging Bago ang Lahat ng Bagay.” Inilalarawan dito ang maligayang buhay sa bagong sanlibutan ng Diyos.

Higit Pang Impormasyon

Ano ang Bethel?

Ang Bethel ay isang natatanging lugar para sa isang napakahalagang layunin. Kilalanin ang mga naglilingkod doon.

Anong Uri ng mga Tao ang mga Saksi ni Jehova?

Ilan ang kakilala mong mga Saksi ni Jehova? Ano ang alam mo tungkol sa amin?