Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Mga Video na Nagpapasaya sa Puso

Mga Video na Nagpapasaya sa Puso

“Parang naririnig ni Jehova kung ano ang nasa puso ng mga magulang.” Iyan ang nasabi ng isang ama sa Malaysia tungkol sa mga animated video ng Maging Kaibigan ni Jehova.

Mula nang ilabas ang unang mga video, nakagawa na ang mga Saksi ni Jehova ng isang serye ng mga animated video tungkol kay Caleb at sa pamilya niya. Ang mga video, na nasa jw.org, ay nagtuturo sa mga bata ng mahahalagang aral sa moral at espirituwal, gaya ng kung bakit hindi sila dapat magnakaw at kung paano sila mananalangin sa Diyos.

Naisalin na sa 131 wika ang kauna-unahang video ng serye, at nakatulong ito sa mga bata sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.

Tuwang-tuwa Sila

Ganito ang isinulat ng isang ina na may limang anak: “Mula nang matanggap namin noong isang linggo ang DVD na Makinig at Sumunod Upang Pagpalain Ka, 50 beses na namin itong napanood.”

Si Millie, 12 anyos mula sa England, ay may 15-anyos na kuya na may Down syndrome, si Thomas. Isinulat ni Millie: “May mga video ni Caleb si Thomas sa iPad niya para maipakita niya ’yon sa mga kaibigan niya sa school. Gustong-gusto niya ang mga kanta at ang galing-galing niya kapag kinakanta niya ’yon, naiyak nga ang isang sister nang marinig siya. Nakakatuwang makita ’yon.”

Si Ava, na nagsabing ang edad niya ay 8 taon, 9 na buwan, at 25 araw, ay sumulat: “Ang galing magturo sa mga bata ni Caleb at ng ate niya.”

Isinulat naman ni Mikaylah: “Six years old ako. Salamat sa DVD na Makinig at Sumunod Upang Pagpalain Ka. Tinuruan ako nito na makinig sa mga magulang ko kasi matutuwa si Jehova ’pag ginawa ko ’yon.”

Makabuluhan ang Mensahe

Isang kabataang animator, na hindi Saksi ni Jehova, ang nakapanood ng video na Masamang Magnakaw. Hangang-hanga siya lalo na nang malaman niyang isang maliit na grupo lang ng mga animator ang gumawa nito. Sinabi niya: “May kilala akong mga nagtatrabaho sa malalaki at maliliit na animation studio, at kung minsan iniisip ko kung ano kaya ang pakiramdam ng nagtatrabaho roon. Pero kahit anong pagsisikap ang ginagawa nila, napapasaya lang nila nang sandali ang mga tao at ’tapos wala na. Pero binabago ng mga animation n’yo ang buhay ng mga bata, itinuturo nito sa kanila kung ano ang tama at mali, at tinutulungan sila na magdesisyon nang tama. May saysay ang ginagawa n’yo, nakakatulong ito sa mga tao.”

Ganiyan din ang nadarama ng mga magulang sa iba’t ibang panig ng daigdig. Isinulat ng isang ina: “Pinapanood noon ng tatlong-taóng-gulang na anak kong lalaki, si Quinn, ang video na Ang Pakikipagkaibigan kay Jehova. Sa kalagitnaan ng kanta, tumingin siya sa ’kin, inilagay sa dibdib niya ang kamay niya, at sinabi: ‘Mommy, ang saya-saya ko habang pinapanood ko ’to.’”