Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Ika-134 na Graduation ng Gilead—“Tularan Ninyo ang Kanilang Pananampalataya”

Noong Marso 9, 2013, Sabado, ginanap ang graduation ng ika-134 na klase ng Watchtower Bible School of Gilead sa educational center ng Mga Saksi ni Jehova sa Patterson, New York. Sa paaralang ito sinasanay ang mga makaranasang ministro ng Mga Saksi ni Jehova para lalo pa silang maging mabunga sa ministeryo. Ang bilang ng dumalo sa programa ay 9,912 na binubuo ng mga nagsipagtapos at ng kanilang mga kaibigan, kapamilya, at iba pang mga bisita.

Si Mark Sanderson, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng Mga Saksi ni Jehova, ang chairman ng programa. Ipinaalaala niya sa mga tagapakinig ang inagurasyon ng Gilead School na ginanap 70 taon na ang nakalilipas, noong Pebrero 1, 1943. Sinabi roon ni Nathan Knorr, presidente ng paaralan, ang layunin ng Gilead: “Marahil ay may daan-daan at libu-libo pa na maaari sanang maabot [ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos] kung marami pa ang mga manggagawa sa bukirin. Sa biyaya ng Panginoon, magkakaroon pa nang marami.” Nagkamali ba si Brother Knorr?

Tingnan natin ang isang halimbawa. Hindi pa natatagalan matapos itatag ang paaralan, pumunta si Brother Knorr sa Mexico para maghanap ng mga lugar kung saan puwedeng ipadala ang mga misyonerong sinanay sa Gilead. Ang lahat ng kongregasyon na hindi lalampas nang 240 kilometro ang layo sa Mexico City ay inanyayahan sa isang miting, at 400 ang dumalo. Ngayong halos pitong dekada na ang lumipas mula nang dumating sa Mexico ang unang mga nagsipagtapos sa Gilead, malamang na mahigit 200,000 ang dadalo kung magpapatawag uli ng gayong miting!

“Ano ang Nasa Kamay Mo?” Tinalakay ni Anthony Griffin, miyembro ng Komite ng Sangay ng United States, ang temang iyan batay sa Exodo 4:2. Sa ulat na iyon, tinanong ng Diyos si Moises: “Ano iyang nasa kamay mo?” Ang sagot ni Moises: “Isang tungkod.” Ginamit ni Jehova ang tungkod na iyon bilang simbolo ng awtoridad at atas na ibinigay niya kay Moises. (Exodo 4:5) Naging matagumpay sa pangunguna si Moises nang gamitin niya ang kaniyang awtoridad sa ikaluluwalhati ng Diyos, pero hindi niya napaluguran ang Diyos nang gamitin niya iyon para luwalhatiin ang kaniyang sarili at pagalitan ang mga kapatid niya, gaya ng ginawa niya sa “Meriba.”—Bilang 20:9-13.

Ikinumpara ni Brother Griffin ang tungkod ni Moises sa pagsasanay na tinanggap ng mga estudyante sa Gilead at hinimok niya sila na huwag itong gamitin para mamanginoon sa iba. Sa halip, pinayuhan niya sila: “Gamitin ninyo ang ibinigay sa inyo sa ikapupuri at ikararangal ni Jehova, at patuloy kayong magiging pagpapala sa mga pinaglilingkuran ninyo.”

“Alalahanin ang Manna.” Itinampok ni Stephen Lett, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang apat na aral na matututuhan natin tungkol sa manna na makahimalang ibinigay ng Diyos sa mga Israelita sa ilang.

  • Patuloy na magsikap. (Bilang 11:8) Para makinabang sa manna, kailangan ng mga Israelita na kumilos nang mabilis sa pagkuha nito at pagkatapos ay ihanda ito bago kainin.—Exodo 16:21.

  • Huwag magreklamo tungkol sa mga paglalaan ni Jehova. (Bilang 11:5, 6) Nagbulung-bulungan ang mga Israelita tungkol sa manna, at sa pangmalas ng Diyos, iyon ay pagrereklamo laban sa Kaniya at hindi kay Moises. Gaya ng manna, ang espirituwal na pagkaing tinatanggap natin ay hindi laging kapana-panabik, pero lagi itong kapaki-pakinabang. Dapat na maging mapagpasalamat tayo sa bawat paglalaan ni Jehova.

  • Lubusang magtiwala na maglalaan si Jehova para sa iyo. Hindi pumalya ang Diyos sa paglalaan ng manna araw-araw, pati na ng dobleng dami nito sa araw bago ang Sabbath. (Exodo 16:22-26) Makapagtitiwala rin tayo na ilalaan ng Diyos ang ating mga pangangailangan.—Mateo 6:11.

  • Hindi kailanman pinagpapala ang masuwayin. (Exodo 16:19, 20, 25-28) Ang mga Israelita na sumubok mamulot ng manna sa Sabbath ay walang nakuha; nagalit pa nga sa kanila si Jehova. Ang mga nanguha naman ng ekstrang manna para sa susunod na araw ay wala ring napakinabangan dahil inuod ito at bumaho, maliban sa manna na inireserba para sa Sabbath.

Pagkatapos, pinayuhan ni Brother Lett ang mga estudyante na tandaan ang mga aral tungkol sa manna, sa gayon ay “bubuksan sa inyo [ni Jehova] ang mga pintuan ng tubig sa langit at ibubuhos sa inyo ang isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.”—Malakias 3:10.

“Maging Handa Para sa Buhay sa Bagong Sanlibutan.” Ipinaliwanag ni William Samuelson, nangangasiwa sa Theocratic Schools Department, na bagaman sabik tayo sa buhay sa bagong sanlibutan, mas mahalaga ang pagiging handa. Kailangan nating “maging matino sa pag-iisip.”—1 Pedro 4:7.

May katinuan ang ating pag-iisip kung wasto ang pangmalas natin sa ating di-kasakdalan. Hindi natin dapat isisi kay Satanas o sa sanlibutang kontrolado niya ang lahat ng pagkakamali natin, marahil iniisip na maitutuwid natin ang ating mga kahinaan sa bagong sanlibutan matapos alisin ng Diyos ang masasamang impluwensiyang iyon. Ngayon pa lang ay malalabanan na natin ang mga negatibong katangian, gaya ng pagiging makasarili, kung ‘magbibihis tayo ng bagong personalidad.’—Efeso 4:24.

“Ibaba ang Inyong Panulat.” Ginamit ni Mark Noumair, isang instruktor sa Gilead, ang ilustrasyon ng panulat para tumukoy sa “tendensiya ng isang tao na magsulat ng sariling iskrip ng kaniyang buhay.” ‘Ibinababa natin ang ating panulat’ kapag hinahayaan natin na si Jehova ang sumulat ng ating iskrip.

Si Haring Saul ay isang babalang halimbawa sa bagay na ito. Mapagpakumbaba at simpleng tao lang siya nang magsimulang maghari. (1 Samuel 10:22, 27; 11:13) Pero di-nagtagal, “sumulat na siya ng sarili niyang iskrip”—ginawa niya ang sa tingin niya’y tama at niluwalhati ang sarili. Itinakwil siya ng Diyos dahil sa pagiging masuwayin.—1 Samuel 14:24; 15:10, 11.

Bagaman ang mga estudyante ay tapat hanggang ngayon, sinabi ni Brother Noumair na kailangang patuloy nilang gawin ang gawain ng Diyos ayon sa Kaniyang paraan. Pinaalalahanan niya ang mga estudyante: “Huwag nating iisipin na dahil ginagamit tayo ng Diyos ay nalulugod na siya sa atin.” Halimbawa, hindi nasunod ni Moises ang tagubilin ng Diyos nang makahimala siyang maglabas ng tubig mula sa bato. Nakagawa siya ng himala, pero hindi niya natamo ang pagpapala ni Jehova.—Bilang 20:7-12.

“Inihahayag ang Mensahe ng Anghel na Lumilipad sa Kalagitnaan ng Langit.” Ang pahayag na ito ng instruktor sa Gilead na si Sam Roberson ay batay sa Apocalipsis 14:6, 7. Sa bahaging ito, hinilingan niya ang mga estudyante na isadula ang karanasan nila kamakailan sa pangangaral. Halimbawa, habang nagpapagaling ang isang estudyante matapos operahan, nagpatotoo siya sa isang nars sa ospital. Taga-Peru ang nars, kaya ipinakita niya rito ang larawan ng mga Saksi na nangangaral sa Chachapoyas, Peru, na nasa Web site na jw.org. Dahil dito, nag-aral ng Bibliya ang nars at ang mister niya.

“Nilinlang Mo Ako ... Anupat Ako ay Nalinlang.” (Jeremias 20:7) Ininterbyu ni Allen Shuster, miyembro ng Komite ng Sangay sa United States, ang dalawang mag-asawa mula sa klase. Nadama nila na “nilinlang” sila ni Jehova. Bakit kaya? Noong una, iniisip nilang hindi nila kakayanin ang kurso. Pero nang magsimula na ang klase, abut-abot ang suportang tinanggap nila kaya nagtagumpay sila. Ganito ang sinabi ni Sister Marianne Aronsson bilang pasasalamat sa pagsasanay sa Gilead: “Hindi na ako mahihirapang mag-isip kung ano ang pag-aaralan ko—nakita kong ang bawat talata ng Bibliya ay gaya ng isang kayamanan.”

“Tularan Ninyo ang Kanilang Pananampalataya.” Si David Splane ng Lupong Tagapamahala ang bumigkas ng pangunahing pahayag sa programa na ang tema ay batay sa Hebreo 13:7: “Alalahanin ninyo yaong mga nangunguna sa inyo, na siyang nagsalita sa inyo ng salita ng Diyos, at habang dinidili-dili ninyo ang kinalalabasan ng kanilang paggawi ay tularan ninyo ang kanilang pananampalataya.” Paano nagpakita ng pananampalataya ang ‘mga nanguna’ sa gawain ng mga Saksi ni Jehova 70 taon na ang nakalipas?

Noong Setyembre 24, 1942, si Nathan Knorr ay nagpatawag ng miting ng mga direktor ng dalawang korporasyon na ginagamit ng Mga Saksi ni Jehova at nagpanukala siyang magtatag ng isang bagong paaralan—ang Gilead—para magsanay ng mga misyonero na mangunguna sa pangangaral sa bagong mga teritoryo. Pero parang hindi angkop na magtatag ng gayong paaralan nang panahong iyon. Kasagsagan ng Digmaang Pandaigdig II kaya mahirap o imposibleng magpadala ng mga misyonero sa maraming bansa. Bukod diyan, bagsak ang ekonomiya ng daigdig noong dekada ’30, at ang pondo ng organisasyon ay sapat lang para patakbuhin ang paaralan sa loob ng limang taon. Sa kabila nito, nagpakita ng pananampalataya ang mga brother na ito at sumang-ayon silang lahat sa panukala.

Ang mga nagsipagtapos sa mga unang klase ng Gilead ay nagpakita rin ng magandang halimbawa sa pananampalataya. Naging kontento sila at umiwas sa pag-ibig sa salapi. (Hebreo 13:5, 6) Marami ang nag-isip na baka hindi na sila makauwi sa kanilang pamilya dahil hindi naman kaya ng mga ito na magbigay sa kanila ng pamasahe. Sa katunayan, hindi nakita ng maraming misyonero ang kanilang mga pamilya sa loob ng 10 o 15 taon matapos pumunta sa kanilang mga atas. Pero nagtiwala sila na si Jesus ay patuloy na maglalaan sa kanila at sa kanilang pamilya gaya ng lagi niyang ginagawa.—Hebreo 13:8.

Unang klase ng Gilead, 1943

Matapos ilahad ang karanasan ng ilan na bago pa nag-aral sa Gilead ay naglingkod na sa ibang bansa kung saan malaki ang hamon, sinabi ni Brother Splane sa mga estudyante: “Mga kabataang lalaki’t babae, ipinagpapatuloy ninyo ang maipagmamalaking tradisyon ng mga nauna sa inyo nang 70 taon sa Gilead School. . . . Maging maligaya kayo sa paglilingkod kay Jehova saanman kayo atasan.”

May ipinakitang video sa dulo ng bahagi ni Brother Splane. Mga larawan ito ng 77 nagtapos sa Gilead na naglilingkod ngayon sa tanggapang pansangay ng Mga Saksi ni Jehova sa United States, kasama na ang dalawang nagtapos sa unang klase noong 1943. Habang ipinakikita ito, maririnig ang mga kantang ginamit ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang pagsamba sa nakalipas na 70 taon.

Matapos matanggap ang kanilang mga diploma, binasa ng isang estudyante ang liham ng pasasalamat ng klase. At saka tinapos ni Brother Sanderson ang programa sa pagdiriin na kahit 70 taon na ang nakalipas, ang sinabi ni Brother Knorr sa unang klase ng Gilead ay totoo pa rin hanggang ngayon: “Saanman kayo ipadala, tandaan na kayo ay . . . mamamahayag ng Kaharian; at ang pinakadakilang pribilehiyo na ibinigay sa sinuman sa lupa ay ang maging mamamahayag na umaawit ng papuri ngayon, bago dumating ang Armagedon. . . . Hangga’t may pribilehiyo kayong mangaral, mangaral kayo.”