Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Gilead School—70 Taon Na!

Gilead School—70 Taon Na!

Noong Pebrero 1, 1943, pinasimulan sa hilagang bahagi ng New York ang unang klase ng isang naiibang paaralan. Ang paaralang iyan, na kilala ngayon bilang ang Watchtower Bible School of Gilead, ay nakapagsanay na ng mahigit 8,000 lalaki’t babae mula sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Itaas: Pasukan sa harapan ng Gilead School sa South Lansing, New York. Ibaba: Instruktor sa Gilead habang nagpapahayag sa mga estudyante ng ika-31 klase ng Gilead sa amphitheater

Si Jonathan, na kaga-graduate lang sa Gilead, ay nagsabi: “Dahil salig sa Salita ng Diyos ang edukasyong tinanggap namin, tutulong ito para maging mas mabisa kami kahit saang teritoryo o kultura.” Idinagdag ng asawa niyang si Marnie: “Mas nasasabik ako ngayong ipaunawa sa mga tao na wala nang hihigit pa sa buhay na nilayon ng Maylalang para sa atin. Kumbinsido ako na kapag tinulungan natin ang iba na makilala si Jehova, mapapabuti ang kanilang buhay.”

Ang Gilead School ay naglalaan ng limang-buwang kurso na walang tuition fee. Pangunahin itong nakapokus sa Bibliya at sa kahalagahan ng pag-eebanghelyo. Layunin ng kurso na patibayin at patatagin ng mga nagtapos ang bayan ng Diyos at tulungan ang mga nagtapos na malinang ang espirituwal na mga katangiang kailangan nila para maharap ang mga hamon. Tinatalakay rito ang mga simulain sa Bibliya na tutulong sa mga estudyante na mapatibay ang kaugnayan nila sa kanilang Diyos na si Jehova.

Itaas: 1958, Tinuturuan ni Albert Schroeder ang mga estudyante ng Gilead gamit ang isang modelo ng tabernakulo. Ibaba: 1968, Tinuturuan ni Ulysses Glass ang ika-46 na klase ng Gilead

Ang mga mag-asawang nag-aaral sa Gilead ay buong-panahon nang mga ministro. Pagka-graduate nila, posibleng pabalikin sila sa kanilang teritoryo o atasan sa ibang bansa. Ang ilan ay inaatasang magtrabaho sa isa sa mahigit 90 tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Karamihan ay inaatasang maglingkod sa mga lugar na malaki ang populasyon kung saan mas makatutulong sila sa gawaing pangangaral.

Noong una, ang Gilead School ay nasa Kingdom Farm sa South Lansing, New York. Pagdating ng 1961, inilipat ito sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Mula 1988 hanggang 1995, nasa Watchtower Farms sa Wallkill, New York naman ito. Noong 1995, inilipat ang paaralan sa kasalukuyang lokasyon nito sa Watchtower Educational Center sa Patterson, New York. Noong Marso 2013, nagtapos ang ika-134 na klase.

Itaas: 2003, Mga estudyante ng ika-116 na klase ng Gilead sa loob ng classroom. Ibaba: 2011, Mga estudyante habang nag-aaral sa library ng Gilead.

Sa loob ng 70 taon, ang mga nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead ay nakapagpakita ng kahanga-hangang halimbawa ng tapat na pagpapatotoo tungkol kay Jehova.