Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN BLG. 1 2017

 BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY

Takót Akong Mamatay!

Takót Akong Mamatay!
  • ISINILANG: 1964

  • BANSANG PINAGMULAN: ENGLAND

  • DATING NALIGAW NG LANDAS AT DALAGANG INA

ANG AKING NAKARAAN

Ipinanganak ako sa Paddington, isang mataong lugar sa London, England. Nakatira ako kasama ng aking nanay at tatlong ate. Lasenggo si Tatay kaya halos hindi namin siya nakakasama.

Noong bata ako, tinuruan ako ni Nanay na magdasal tuwing gabi. May maliit akong Bibliya na ang laman lang ay aklat ng Mga Awit, at nilalagyan ko iyon ng tono para makanta ko. Naaalala ko, may nabasa ako sa isang sekular na aklat na tumatak sa isipan ko: “Balang-araw, wala nang bukas.” Dahil doon, hindi ako makatulog sa gabi sa kaiisip sa hinaharap. Naisip ko: ‘Tiyak na hindi lang ganito ang buhay. Bakit ako nandito?’ Takót akong mamatay!

Nahilig ako sa okultismo. Sinubukan kong makipag-usap sa mga patay, pumupunta ako sa sementeryo kasama ng mga kaeskuwela ko, at nanonood kami ng mga horror movie. Nakakatakot iyon, pero may thrill.

Sa edad na 10, nagsimulang maligaw ang landas ko. Natuto akong manigarilyo at naadik ako dito. Di-nagtagal, marijuana na ang hinihithit ko. Sa edad na 11, natuto na akong uminom ng alak. Hindi ko gusto ang lasa nito, pero ang sarap kapag nalalasing ako. Mahilig din akong makinig sa musika at sumayaw. Nagpupunta ako sa mga party at nightclub. Madalas, tumatakas ako sa gabi at uuwi bago mag-umaga. Pagód na pagód ako, kaya kinabukasan, nagbubulakbol na lang ako. Kapag pumasok naman ako sa school, madalas na umiinom ako ng alak sa pagitan ng mga klase.

Sobrang baba ng mga grade ko noong huling taon ko sa school. Nang malaman ng nanay ko na nagbubulakbol ako, nadismaya siya at nagalit. Nag-away kami, kaya lumayas ako. Nakitira muna ako sa boyfriend kong si Tony, na isang Rastafarian. Sangkot siya sa maliliit na krimen at sa pagtutulak ng droga at kilala siyang basagulero. Di-nagtagal, nabuntis ako at nagkaanak ng isang lalaki, sa edad lang na 16.

 KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO

Una kong nakilala ang mga Saksi ni Jehova noong nakatira ako sa isang hostel na para sa mga dalagang ina kasama ng kanilang anak. Binigyan ako ng lokal na awtoridad ng isang kuwarto roon. Dalawang babaeng Saksi ang regular na dumadalaw sa ibang dalagang ina roon. Minsan, sumali ako sa pag-uusap nila. Gusto ko kasing patunayan na mali sila. Pero mahinahon at malinaw nilang sinagot mula sa Bibliya ang lahat ng tanong ko. Humanga ako sa kabaitan nila kaya pumayag akong makipag-aral ng Bibliya.

May natutuhan ako sa Bibliya na bumago sa buhay ko. Bata pa lang ako, takót na akong mamatay. Pero alam ko na ngayon ang turo ni Jesus tungkol sa pagkabuhay-muli! (Juan 5:28, 29) Natutuhan ko rin na personal na nagmamalasakit sa akin ang Diyos. (1 Pedro 5:7) Naantig ako sa sinasabi ng Jeremias 29:11: “‘Sapagkat nalalaman kong lubos ang mga kaisipan na iniisip ko tungkol sa inyo,’ ang sabi ni Jehova, ‘mga kaisipang ukol sa kapayapaan, at hindi ukol sa kapahamakan, upang bigyan kayo ng kinabukasan at pag-asa.’” Naniniwala na akong puwede akong mabuhay nang walang hanggan sa isang Paraisong lupa.—Awit 37:29.

Talagang nadama ko ang pagmamahal ng mga Saksi ni Jehova. Noong una akong dumalo sa pulong nila, damang-dama ko ang pagtanggap nila—palakaibigan silang lahat! (Juan 13:34, 35) Ibang-iba iyan sa pakikitungo sa akin sa simbahan sa lugar namin. Tinanggap ako ng mga Saksi kahit ganoon ang kalagayan ko. Nagmalasakit sila sa akin at nagbigay ng praktikal na mga tulong. Nadama kong bahagi ako ng isang malaki at mapagmahal na pamilya.

Sa pag-aaral ko ng Bibliya, nakita kong kailangan kong iayon ang buhay ko sa matataas na pamantayan ng Diyos pagdating sa moral. Nahirapan akong ihinto ang paninigarilyo. May ilang musika na masama ang epekto sa akin—lalo kong hinahanap-hanap ang paghithit ng marijuana. Kaya iniwasan ko ang mga ito. Determinado akong magbago kaya hindi na ako pumunta sa mga party at nightclub kung saan natutukso akong maglasing. Nakisama rin ako sa mabubuting kaibigan na tutulong sa akin na magbagong-buhay.—Kawikaan 13:20.

Nakipag-aral din ng Bibliya si Tony sa mga Saksi ni Jehova. Dahil nasasagot nila mula sa Bibliya ang mga tanong niya, nakumbinsi rin siya na ito ang katotohanan. Gumawa siya ng mga pagbabago sa buhay: iniwasan na niya ang masasamang kasama, hindi na nakisangkot sa mga krimen, at huminto na sa paghithit ng marijuana. Para lubos na mapasaya si Jehova, nagpasiya kaming talikuran ang imoral na pamumuhay at bigyan ng magandang buhay ang aming anak. Nagpakasal kami noong 1982.

“Nakakatulog na ako at hindi na nag-aalala tungkol sa kinabukasan o sa kamatayan”

Naalala ko pa noon, naghahanap ako sa magasing Bantayan at Gumising! * ng mga kuwento tungkol sa mga taong pareho ng sitwasyon ko, pero nakagawa ng mga pagbabago. Napatibay ako ng mga halimbawa nila! Lalo akong naging determinado na huwag sumuko. Lagi akong nananalangin kay Jehova na patuloy akong alalayan. Nabautismuhan kami ni Tony bilang Saksi ni Jehova noong Hulyo 1982.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG

Dahil naging kaibigan ko ang Diyos na Jehova, buhay pa rin ako ngayon. Naranasan din namin ni Tony ang pag-alalay ni Jehova sa mahihirap na panahon. Natuto kaming magtiwala sa kaniya, at damang-dama namin na lagi niyang tinutulungan at pinalalakas ang aming pamilya.—Awit 55:22.

Masaya ako dahil natulungan namin ang aming anak na lalaki at babae na makilala rin si Jehova. Masaya rin ako dahil nakikita kong natututo ang mga apo ko tungkol sa Diyos.

Nakakatulog na ako at hindi na nag-aalala tungkol sa kinabukasan o sa kamatayan. Sa ngayon, kami ni Tony ay dumadalaw sa iba’t ibang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova linggo-linggo para patibayin sila. Sinasamahan namin sila sa pagtuturo sa iba. Itinuturo namin sa mga tao na kung mananampalataya sila kay Jesus, maaari silang mabuhay nang walang hanggan.

^ par. 17 Inilalathala rin ng mga Saksi ni Jehova.

Higit Pang Impormasyon

Bakit Magandang Mag-aral ng Bibliya?

Sinasagot ng Bibliya ang mahahalagang tanong ng milyon-milyong tao sa daigdig. Gusto mo bang maging isa sa kanila?