Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN SETYEMBRE 2015

 TAMPOK NA PAKSA

Mga Saksi ni Jehova—Sino Sila?

Mga Saksi ni Jehova—Sino Sila?

“Matagal ko nang kilala si Mike. Isa siyang Saksi ni Jehova. Pero palaisipan sa akin ang relihiyon niya. Sino si Jehova? Bakit hindi nagdiriwang ng mga kapistahan ang mga Saksi? Isang kulto kaya ang pinasok ni Mike?”—Becky, California, E.U.A.

“Nang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang mga kapitbahay ko, naisip ko: ‘Ano kaya ang ibig sabihin ng pangalang mga Saksi ni Jehova? Kakatwang pangalan naman ’yan para sa isang relihiyon!’”—Zenon, Ontario, Canada.

“Nang dumalaw ang mga Saksi ni Jehova, inisip naming mag-asawa na sinasamantala lang nila ang pagiging guilty namin kasi hindi na kami nagsisimba. At kung wala sa pangunahing mga relihiyon ang hinahanap namin, tiyak na wala rin ito sa kakatwang sekta na gaya ng mga Saksi ni Jehova.”—Kent, Washington, E.U.A.

“Hindi ko talaga sila kilala at hindi ko alam kung ano ang paniniwala nila.”—Cecilie, Esbjerg, Denmark.

Marahil ay nakikita mo silang nangangaral sa bahay-bahay o sa pampublikong lugar, namamahagi ng literaturang salig sa Bibliya, at nag-aalok ng libreng pag-aaral sa Bibliya. Baka nga natanggap mo ang magasing ito sa kanila. Pero baka naitatanong mo pa rin kung sino nga ba ang mga Saksi ni Jehova. Marahil ay naiisip mo rin ang gaya ng isa sa mga nabanggit sa itaas.

Kung naitatanong mo rin ang mga iyon, saan mo kaya makukuha ang sagot? Paano mo malalaman kung ano talaga ang paniniwala ng mga Saksi ni Jehova, kung saan galing ang perang ginagamit nila para sa kanilang gawain at mga lugar ng pagsamba, at kung bakit sila dumadalaw sa iyong tahanan at nakikipag-usap sa iyo sa pampublikong mga lugar?

“Marami akong nababasa sa Internet tungkol sa mga Saksi ni Jehova,” ang sabi ni Cecilie, na nabanggit kanina. “Marami akong naririnig na usap-usapan tungkol sa kanila at naniwala naman ako roon. Kaya naman hindi naging maganda ang tingin ko sa mga Saksi ni Jehova.” Pero nang maglaon, may nakausap siyang Saksi ni Jehova at nasiyahan sa sagot nito sa mga tanong niya.

Gusto mo ba ng makatotohanang sagot sa mga tanong mo tungkol sa mga Saksi ni Jehova? Hinihimok ka naming alamin ito sa makapagsasabi sa iyo ng totoong impormasyon—mismong mga Saksi ni Jehova, na naglalathala ng magasing ito. (Kawikaan 14:15) Umaasa kami na ang sumusunod na mga artikulo ay tutulong sa iyo para makilala mo kung sino kami, kung ano ang pinaniniwalaan namin, at maunawaan ang aming gawain.