Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Ang Bantayan  |  Hulyo 2015

 TAMPOK NA PAKSA | PAANO MO HAHARAPIN ANG KABALISAHAN?

Pagkabalisa sa Pamilya

Pagkabalisa sa Pamilya

“Hindi pa natatagalan pagkamatay ng tatay ko, sinabi sa akin ng mister ko na may iba siyang babae,” ang sabi ni Janet. “Pagkatapos, bigla na lang niyang hinakot ang lahat ng damit niya at iniwan ako at ang aming dalawang anak.” Nakahanap ng trabaho si Janet, pero kulang pang pambayad sa bahay ang sahod niya. At hindi lang pinansiyal ang naging problema niya. “Parang hindi ko kakayanin ang lahat ng pananagutang kinakaharap kong mag-isa ngayon,” ang naaalaala niya. “Nakokonsensiya ako na hindi ko mapaglaanan ang pangangailangan ng mga anak ko na gaya ng ginagawa ng ibang magulang. At kahit ngayon, nag-aalala ako kung ano ang tingin ng iba sa akin at sa aking mga anak. Iniisip kaya nila kung ginawa ko ba ang lahat para maisalba ang aming pagsasama?”

Janet

Nakatulong kay Janet ang panalangin para makontrol ang kaniyang damdamin at magkaroon ng malapít na kaugnayan sa Diyos. “Pinakamahirap sa akin kung gabi, kapag ang lahat ay napakatahimik at hindi ko mapigilang mag-alala. Nakatulong sa akin ang pananalangin at pagbabasa ng Bibliya para makatulog. Paborito kong teksto ang Filipos 4:6, 7: ‘Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan.’ Maraming gabi ang ginugol ko sa pananalangin at naaliw ako ng kapayapaan mula kay Jehova.”

Ang nakapagpapatibay na pananalita ni Jesus tungkol sa panalangin, sa kaniyang Sermon sa Bundok, ay kapit sa lahat ng uri ng kabalisahan: “Nalalaman ng . . . inyong Ama kung anong mga bagay ang kinakailangan ninyo bago pa man ninyo hingin sa kaniya.” (Mateo 6:8) At kailangan nating humingi sa kaniya. Ang panalangin ang pangunahing paraan para ‘makalapit tayo sa Diyos.’ Ano ang resulta kung gagawin natin iyon? “Lalapit siya sa inyo.”—Santiago 4:8.

Oo, sa panalangin, hindi lang bumubuti ang ating pakiramdam dahil nasasabi natin ang ating kabalisahan.  Kumikilos din si Jehova, ang “Dumirinig ng panalangin,” alang-alang sa lahat ng humahanap sa kaniya sa pananampalataya. (Awit 65:2) Kaya tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na “lagi silang manalangin at huwag manghimagod.” (Lucas 18:1) Dapat na patuloy nating hilingin ang patnubay at tulong ng Diyos, na nagtitiwalang gagantimpalaan niya ang ating pananampalataya. Hindi natin dapat pagdudahan ang kaniyang pagnanais o kakayahang kumilos. Kung ‘mananalangin tayo nang walang lubay,’ ipinakikita natin na mayroon tayong tunay na pananampalataya.—1 Tesalonica 5:17.

ANG PAGKAKAROON NG TUNAY NA PANANAMPALATAYA

Ano ba talaga ang pananampalataya? Sangkot dito ang “pagkuha ng kaalaman” tungkol sa Diyos, o pagkilala sa kaniya bilang isang persona. (Juan 17:3) Magagawa natin iyan kung aalamin muna natin ang kaisipan ng Diyos sa pamamagitan ng Bibliya. Natutuhan natin na nakikita niya ang bawat isa sa atin at gusto niya tayong tulungan. Pero ang tunay na pananampalataya ay higit pa sa basta pag-alam ng ilang bagay tungkol sa Diyos. Nangangahulugan din ito ng matalik na pakikipagkaibigan sa kaniya. Gaya ng pakikipagkaibigan sa isang tao, hindi ito maaaring mabuo nang magdamag. Patuloy na ‘lumalago’ ang ating pananampalataya sa paglipas ng panahon habang natututo tayo nang higit tungkol sa kaniya, habang ating “ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa kaniya,” at habang nararanasan natin ang tulong niya. (2 Corinto 10:15; Juan 8:29) Iyan ang uri ng pananampalataya na nakatulong kay Janet na maharap ang mga kabalisahan.

“Talagang napatibay ang pananampalataya ko dahil sa pag-alalay sa akin ni Jehova,” ang sabi ni Janet. “Madalas naming maranasan ang kawalang-katarungan na waring imposibleng malutas. Sa tulong ng panalangin, laging gumagawa si Jehova ng daang malalabasan namin na hindi ko magagawa kung sa sarili ko lang. Kapag nagpapasalamat ako sa kaniya, ipinaaalaala nito sa akin na napakarami niyang ginawa para sa akin. Lagi niya kaming tinutulungan sa tamang panahon. At binigyan niya ako ng tunay na mga kaibigang Kristiyano. Lagi silang nariyan para tumulong sa akin at mabuting halimbawa sila sa aking mga anak.” *

“Alam ko kung bakit sinabi ni Jehova sa Malakias 2:16: ‘Kinapopootan ko ang pagdidiborsiyo.’ Para sa asawang pinagtaksilan, napakasakit nito. Mga taon na ang lumipas buhat nang iwan ako ng mister ko, pero kung minsan nakadarama pa rin ako ng lungkot at kawalang-halaga. Kapag gayon ang nadarama ko, sinisikap kong tumulong sa iba, na nakatutulong din sa akin.” Kaya sa pagsunod sa simulain ng Bibliya na iwasang ibukod ang sarili, nabawasan ni Janet ang kaniyang kabalisahan. *Kawikaan 18:1.

Ang Diyos ay “ama ng mga batang lalaking walang ama at [tagapagtanggol] ng mga babaing balo.”—Awit 68:5

“Sinabi ni Janet: “Malaking kaaliwan sa akin ang pagkaalam na ang Diyos ay ‘ama ng mga batang lalaking walang ama at [tagapagtanggol] ng mga babaing balo.’ Hinding-hindi niya tayo iiwan gaya ng ginawa sa akin ng asawa ko.” (Awit 68:5) Alam ni Janet na hindi tayo sinusubok ng Diyos sa “masasamang bagay.” Sa kabaligtaran, siya ay “saganang nagbibigay sa lahat” ng karunungan at “lakas na higit sa karaniwan” para maharap natin ang ating mga kabalisahan.—Santiago 1:5, 13; 2 Corinto 4:7.

Pero paano naman kung nababalisa tayo dahil nanganganib ang ating buhay?

^ par. 10 Para sa iba pang praktikal na paraan kung paano haharapin ang kabalisahan, tingnan ang seryeng itinatampok sa pabalat na “Kontrolado Mo Ba ang Iyong Buhay?” sa Gumising! ng Hulyo 2015 na available online sa www.jw.org/tl.

Higit Pang Impormasyon

ANG BANTAYAN

Magtitiwala Ka ba sa Diyos?

Kilalanin mo ang Diyos bilang isang mapagkakatiwalaang Kaibigan at maging masaya.