Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN SETYEMBRE 2014

 TALAMBUHAY

Masayang Buhay ng Paglilingkod sa Diyos

Masayang Buhay ng Paglilingkod sa Diyos

Mula pagkabata, problema ko na ang pagtatangi sa lahi at pagiging mahiyain, at takót akong mabigo. Inaasahan kong matutulungan ako ng Bibliya. Kaya para maunawaan ito, nagpunta ako sa Simbahang Katoliko sa amin. Pero wala ring nangyari, kaya nagpokus na lang ako sa sports.

Nahilig ako sa gymnastics at bodybuilding. Nang maglaon, nagbukas ako ng isang gym sa San Leandro, California, E.U.A., at nakatrabaho ko ang mga bodybuilder, pati na ang isa na nanalong Mr. America. Pero kahit may maskulado akong katawan, hindi pa rin ako masaya.

NASUMPUNGAN KO ANG AKING HINAHANAP

Alam ng isang kaibigan ko sa gym na gusto kong maunawaan ang Bibliya, kaya sinabi niya na may ipakikilala siya sa akin. Kinabukasan, dumating sa bahay ko ang isang Saksi ni Jehova. Ginamit niya ang Bibliya sa pagsagot sa mga tanong ko at inabot kami ng apat na oras. Pinabalik ko pa siya nang gabing iyon, at nag-usap kami tungkol sa Bibliya hanggang hatinggabi. Tuwang-tuwa ako sa natutuhan ko! Nagtanong ako kung puwede akong sumama sa kaniya kinabukasan para makita kung paano siya mangaral. Kayang-kaya niyang hanapin sa Bibliya ang sagot sa tanong ng mga tao. Nasabi ko tuloy na iyon ang gusto kong gawin!

Kaya iniwan ko ang aking negosyo at sumama sa pangangaral ng nakilala kong payunir, ang tawag sa buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova. Nabautismuhan ako noong Mayo 1948 sa isang kombensiyon sa Cow Palace Arena sa San Francisco, California. Nang taon ding iyon, nagpayunir ako.

Hiniling ko sa mga Saksi na dalawin ang nanay ko. Tinanggap din niya ang katotohanan at naging Saksi ni Jehova. Kahit sinalansang siya ng kaniyang pamilya, nanatili siyang tapat sa Diyos hanggang sa kaniyang kamatayan. Kami lang ni Nanay ang naging Saksi sa pamilya namin.

NAKILALA KO ANG AKING MAPAPANGASAWA

Noong 1950, lumipat ako sa Grand Junction, Colorado, kung saan nakilala ko si Billie. Isinilang siya noong 1928 at lumaki siya noong panahong mahirap ang buhay dahil sa Great Depression. Gabi-gabi siyang binabasahan ng Bibliya ng kaniyang nanay na si Minnie sa liwanag ng aandap-andap na gasera. Apat na taon pa lang, marunong nang bumasa si Billie, at marami siyang kabisadong kuwento sa Bibliya. Bago ang taóng 1949, natutuhan ng nanay niya sa mga Saksi na ang salita na isinasaling impiyerno ay hindi isang dako ng pagpapahirap, kundi karaniwang libingan ng tao. (Eclesiastes 9:5, 10) Naging Saksi si Minnie at ang kaniyang asawa.

Noong 1949, nakatapos si Billie ng kolehiyo sa Boston. Nang umuwi siya, seryoso niyang pinag-aralan ang Bibliya. Sa halip na magturo sa paaralan, inialay niya ang kaniyang buhay sa Diyos. Nabautismuhan siya noong 1950 sa internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Yankee Stadium  sa New York. Di-nagtagal, nagkakilala kami at nagpakasal. Magkasama kaming nagpayunir.

Una kaming nagpayunir sa Eugene, Oregon, at nagkaroon kami ng maraming kaibigan. Noong 1953, lumipat kami sa Grants Pass, Oregon, para tumulong sa isang maliit na kongregasyon. Nang taon ding iyon, naanyayahan kaming mag-aral sa ika-23 klase ng Gilead, isang paaralan ng mga Saksi sa pagmimisyonero. Malapit ito sa South Lansing, New York, mga 400 kilometro sa hilagang-kanluran ng New York City.

PAGMIMISYONERO SA BRAZIL

Noong Disyembre 1954, limang buwan pagkatapos ng aming graduation sa Gilead, bumiyahe kami ni Billie patungong Brazil sakay ng eroplanong may dalawang propeller. Isang oras pa lang kami sa ere, pumalya na ang isang makina. Pero ligtas kaming nakalapag sa Bermuda. Pagkatapos ng isa pang emergency landing sa Cuba at 36 na oras ng nakakapagod na biyahe, nakarating kami sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Rio de Janeiro, Brazil.

Unang Kingdom Hall sa Bauru noong 1955, sa isang inuupahang gusali na may karatulang ipininta ko

Pagkatapos ng maikling pananatili roon, kami ni Billie, kasama ang dalawa pang misyonero ay nagpunta sa Bauru, São Paulo, para simulan ang pagmimisyonero doon. Ang populasyon ng lunsod ay mahigit 50,000 at kami ang unang mga Saksi roon.

Nagbahay-bahay kami, pero agad kaming sinalansang ng paring Katoliko. Sinusundan niya kami at sinasabihan ang mga tao na huwag makinig sa amin. Pero ilang linggo lang, isang malaking pamilya ang nakipag-aral ng Bibliya sa amin, tumanggap sa katotohanan, at nang maglaon ay nagpabautismo. Di-nagtagal, nakipag-aral na rin ang iba pa.

Ang pamilyang nabautismuhan ay may kamag-anak na presidente ng isang kilaláng samahan. Humingi ako ng pahintulot na magamit ang pasilidad ng samahang iyon para sa aming asamblea. Nang ipagpilitan ng pari na kanselahin ang kontrata, kinausap ng presidente ang mga miyembro ng samahan at sinabi: “Kung kakanselahin ninyo ‘yan, magbibitiw ako!” Natuloy doon ang asamblea namin.

Noong 1956, naanyayahan kaming dumalo sa pandistritong kombensiyon sa Santos, São Paulo. Halos 40 Saksi sa aming kongregasyon ang nagpunta roon sakay ng tren. Pagbalik sa Bauru, nakatanggap ako ng liham na nag-aatas sa akin na maglingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa para dumalaw sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Halos 25 taon kaming naglakbay at naglingkod sa kalakhang bahagi ng Brazil.

Sa loob lang ng isang taon, nagkaroon sa Bauru ng isang grupo ng masisigasig na mamamahayag ng Kaharian

ANG PAGLILINGKOD NAMIN

Nang panahong iyon, mahirap maglakbay. Pero halos nalibot namin ang buong bansa sakay ng bus, tren, kariton, at bisikleta. Naranasan din naming maglakad. Ang unang lunsod na dinalaw namin ay ang Jaú, São Paulo. Kinompronta kami ng pari doon.

“Hindi kayo puwedeng mangaral sa ‘mga tupa ko!’ ” ang sabi niya.

“Hindi mo sila tupa,” ang sagot namin. “Tupa sila ng Diyos.”

Nag-iskedyul kami na maipalabas ang The New World Society in Action, isang pelikula tungkol sa ating pangangaral sa buong daigdig. Pero nagtawag ng mga mang-uumog ang pari para guluhin kami. Sinabi namin agad ito sa mga pulis. Pagdating ng pari at ng mga mang-uumog sa sinehan, hinarang sila ng mga pulis at tinutukan ng baril. Ang daming nakapanood ng pelikula, at nagustuhan nila ito.

Karaniwan noon ang ganitong pagkapoot at pagsalansang saanman kami mangaral. Halimbawa, sa  Brusque, malapit sa Blumenau, Santa Catarina, may nakilala kaming dalawang payunir na dumanas ng matinding pagsalansang. Pero pinagpala ang pagtitiis at pagtitiyaga nila. Makalipas ang mahigit 50 taon, lampas 60 na ang kongregasyon sa lugar na iyon, at mayroon nang magandang Assembly Hall sa kalapit nitong lunsod ng Itajaí!

Ang pinakamasayang bahagi ng aming gawaing paglalakbay ay ang mga paghahanda ng malalaking kombensiyon kasama ng mga kapuwa Saksi. Noong dekada ’70, nagkapribilehiyo akong maglingkod bilang tagapangasiwa ng kombensiyon sa malaking Morumbi Stadium. Nanawagan sa mga 100 kongregasyon sa kalapit na mga lugar na magpadala ng tigsasampung tao para maglinis ng istadyum noong gabi bago ang kombensiyon.

Habang papalabas ng istadyum ang mga manlalaro ng soccer noong gabing iyon, narinig namin silang nangangantiyaw, “Tingnan n’yo sila o, may mga dalang walis at panlampaso. Akala nila malilinis nila ang istadyum!” Pero nang maghatinggabi na, malinis na ang buong istadyum! Sinabi ng manedyer ng istadyum, “Isang linggo ‘yang gagawin ng mga tauhan ko. Pero kayong mga Saksi, ilang oras lang!”

PAGBALIK SA ESTADOS UNIDOS

Namatay ang tatay ko noong 1980, at nagbalik kami sa Estados Unidos para alagaan ang nanay ko sa Fremont, California. Naglilinis kami ng mga opisina sa gabi para patuloy na makapagpayunir at makatulong sa mga Portuges sa lugar na iyon. Nang maglaon ay lumipat kami sa kalapit na San Joaquin Valley para makapangaral sa mga nagsasalita ng Portuges mula Sacramento hanggang Bakersfield. Mayroon na ngayong mga 10 kongregasyong nagsasalita ng Portuges sa California.

Namatay ang nanay ko noong 1995. Pagkaraan, lumipat kami sa Florida at inalagaan naman ang tatay ni Billie hanggang mamatay ito. Namatay ang nanay niya noong 1975. Noong taóng 2000, lumipat kami sa mataas na disyertong rehiyon sa timog-kanluran ng Colorado. Dito kami nagpayunir at nangaral sa mga katutubong Amerikano sa teritoryo ng mga Navajo at Ute. Nakalulungkot, namatay si Billie noong Pebrero 2014.

Mabuti na lang at nakilala ko ang isang Saksi ni Jehova na nagpakita sa akin ng sagot ng Bibliya sa mga tanong ko mahigit 65 taon na ang nakalilipas! Natutuwa ako’t sinuri ko kung talagang itinuturo ng Bibliya ang mga sinabi niya. Ito ang umakay sa akin sa masayang buhay ng paglilingkod sa Diyos.

Higit Pang Impormasyon

Kusang-loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Brazil

Basahin ang nakapagpapatibay na mga karanasan ng mga Kristiyanong lumipat sa ibang lugar para mas makapaglingkod sa Diyos.