Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Ang Bantayan  |  Enero 2014

 BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY

“Hindi Ako Nakalimutan ni Jehova”

“Hindi Ako Nakalimutan ni Jehova”
  • ISINILANG: 1922

  • BANSANG PINAGMULAN: ESPANYA

  • DATING KATEKISTA

ANG AKING NAKARAAN:

Isinilang ako sa maunlad na bayan ng Bilbao, sa hilagang Espanya. Pangalawa ako sa apat na magkakapatid. Ang aming pamilya ay debotong Katoliko, at nagsisimba ako araw-araw. Sa edad na 23, naging guro ako—isang propesyon na gustung-gusto ko at itinaguyod sa loob ng 40 taon. Kabilang sa iba pang asignatura, nagtuturo ako ng relihiyong Katoliko, at naglilingkod bilang katekista sa gabi—na nagtuturo sa mga batang babae para sa kanilang unang komunyon.

Pagkaraan ng 12 taon ng maligayang pag-aasawa, nabiyuda ako at naiwan sa akin ang pagpapalaki sa apat na anak na babae. Ako ay 33 anyos lang noon! Sinikap kong maghanap ng kaaliwan sa aking paniniwalang Katoliko, pero may mga tanong na hindi mawala-wala sa isip ko. Naitanong ko: ‘Bakit namamatay pa rin ang mga tao kung tinubos na tayo ni Kristo? Bakit natin idinadalangin na dumating ang Kaharian ng Diyos kung ang mabubuting tao ay mapupunta naman sa langit?’ At higit sa lahat, naisip ko: ‘Kung hinahatulan tayo ng Diyos pagkamatay natin, bakit kailangan pa nating umalis sa langit, purgatoryo, o impiyerno para sa huling paghuhukom?’

Itinanong ko iyan sa ilang pari na nakilala ko. Ang isa sa kanila ay sumagot: “Hindi ko alam. Itanong mo sa obispo. Mahalaga ba ito? Naniniwala ka sa Diyos, ’di ba? Sapat na iyon!” Pero patuloy akong naghanap ng mga sagot. Nang maglaon, dumalo ako sa mga lektyur ng mga Jesuita, Pentecostal, at Gnostiko. Pero walang isa man sa kanila ang nakapagbigay ng kasiya-siyang sagot sa aking mga tanong.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:

Nang ako ay mga edad 60, isang pitong-taóng-gulang na mag-aarál ang nag-anyaya sa akin na dumalo sa pulong ng mga Saksi ni Jehova. Naibigan ko ang aking nakita at narinig, pero abala ako kaya hindi ko na sila muling nakausap. Pagkalipas ng dalawang taon, isang mag-asawang Saksi na sina Juan at Maite ang kumatok sa aking pinto. Sa loob ng tatlong buwan, naging masinsinan ang aming talakayan sa aking mga tanong, na nauwi sa pag-aaral sa Bibliya.

Sabik na sabik ako sa bawat pag-aaral! Sinuri kong mabuti ang lahat, gamit ang tatlong salin ng Bibliya upang matiyak na  totoo ang itinuturo ng mga Saksi ni Jehova. Napagtanto ko na maraming dekada na akong litung-lito tungkol sa relihiyon. Nabagabag ako sa napakalaking pagkakaiba sa pagitan ng dati kong mga paniniwala at ng natututuhan ko mula sa Bibliya. Pakiramdam ko, kailangan kong lubusang baguhin ang aking mga paniniwala, na gaya ng pagbunot sa isang punong malalim ang pagkakaugat.

Alam kong nakasumpong ako ng isang kayamanan

Pagkatapos, ang aking pangalawang asawa ay nagkasakit nang malubha at namatay. Halos kasabay nito, nagretiro ako sa trabaho at pansamantalang umalis sa Bilbao. Lumipat din sina Juan at Maite. Nakalulungkot, nahinto ang pag-aaral ko ng Bibliya. Pero sa puso ko, alam kong nakasumpong ako ng isang kayamanan. Hindi ko ito kailanman nakalimutan.

Makalipas ang mga 20 taon, nang ako ay 82 anyos, bumalik sina Juan at Maite sa Bilbao at dinalaw ako. Tuwang-tuwa akong makita silang muli! Natanto ko na hindi ako nakalimutan ni Jehova, at muli akong nag-aral ng Bibliya. Napakatiyaga nina Juan at Maite sa akin, kasi madalas na iyon at iyon din ang mga itinatanong ko sa kanila. Kailangan kong marinig nang paulit-ulit ang pangangatuwiran ng Bibliya upang makalimutan ko ang dati kong mga paniniwala. Gusto ko ring matuto nang husto para maipaliwanag ko ang katotohanan sa Bibliya sa aking mga kaibigan at pamilya.

Ang pinakamaligayang araw sa buhay ko ay nang mabautismuhan ako sa edad na 87. Ang bautismo ay ginanap sa isang asamblea ng mga Saksi ni Jehova. Isang Kristiyanong elder ang nagbigay ng salig-Bibliyang pahayag para sa amin na mababautismuhan. Napaiyak ako sa pahayag. Pinakinggan ko ito na para bang kinakausap ako mismo ni Jehova. Nang mabautismuhan ako, maraming Saksi ang lumapit sa akin at kinamayan ako—kahit noon lang ako nakilala ng marami sa kanila!

KUNG PAANO AKO NAKINABANG:

Alam kong si Jesu-Kristo “ang daan.” (Juan 14:6) Subalit dahil sa pag-aaral ko ng Bibliya, nakilala ko si Jehova, ang isa na sa kaniya tayo inaakay ni Jesus. Ngayon, makapananalangin ako sa Diyos bilang aking mahal na Ama at Kaibigan. Ang pagbabasa ng aklat na Maging Malapít kay Jehova * ay nagdulot ng malaking pagbabago sa aking buhay. Binasa ko ito sa loob lang ng isang gabi! Lubha akong naantig na malamang talagang maawain si Jehova.

Kung babalikan ko ang matagal ko nang paghahanap sa katotohanan, naaalaala ko ang sinabi ni Jesus: “Patuloy na humingi, at ibibigay ito sa inyo; patuloy na maghanap, at kayo ay makasusumpong; patuloy na kumatok, at bubuksan ito sa inyo.” (Mateo 7:7) Ngayong nasumpungan ko na ang mga sagot na pinananabikan kong malaman, isang malaking kagalakan para sa akin na ibahagi ito sa iba.

Sa edad na 90, marami pa akong dapat matutuhan tungkol kay Jehova. Ang bawat pulong na dinadaluhan ko sa Kingdom Hall ay isang espesyal na okasyon—dahil sa mahalagang kaalaman na natatanggap ko at sa pakikisama sa aking mahal na mga kapatid. Nananabik akong maging guro muli sa ipinangakong lupang Paraiso. (Apocalipsis 21:3, 4) Inaasam kong makita na bubuhaying muli ang aking namatay na mga mahal sa buhay at magkaroon ako ng pagkakataong turuan sila ng katotohanan sa Bibliya. (Gawa 24:15) Gayon na lang ang pananabik kong sabihin sa kanila ang napakahalagang regalo na ibinigay sa akin ni Jehova sa aking katandaan!

^ par. 15 Inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.