Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN DISYEMBRE 2013

Sagot sa mga Tanong sa Bibliya

Sagot sa mga Tanong sa Bibliya

Ano ang layunin ng pagbabalik ni Kristo?

Bago umakyat si Jesu-Kristo sa langit noong 33 C.E., nangako siyang babalik siya. Itinulad niya ang kaniyang sarili sa isang maharlika na naglakbay sa loob ng mahabang panahon at nagbalik taglay ang kapangyarihang mamahala bilang hari. Ang layunin ng pagbabalik ni Jesus ay para maglaan ng mabuting gobyerno sa sangkatauhan.Basahin ang Lucas 19:11, 12.

Maglalaan si Jesus ng mabuting gobyerno sa sangkatauhan

Sa anong anyo babalik si Kristo? Siya ay binuhay-muli bilang isang di-nakikitang espiritung persona. (1 Pedro 3:18) Pagkatapos, umakyat siya sa langit at naupo sa kanan ng Diyos. (Awit 110:1) Nang maglaon, humarap si Jesus sa Diyos na Jehova, ang “Sinauna sa mga Araw,” na nagbigay kay Jesus ng kapangyarihang mamahala sa sangkatauhan. Kaya babalik si Jesus, hindi bilang isang tao, kundi bilang isang di-nakikitang Hari.Basahin ang Daniel 7:13, 14.

Ano ang gagawin ni Jesus sa pagbabalik niya?

Sa panahon ng di-nakikitang pagbabalik ni Jesus kasama ang kaniyang mga anghel, hahatulan niya ang sangkatauhan. Pupuksain niya ang masasama ngunit pagkakalooban naman niya ng buhay na walang hanggan ang mga tatanggap sa kaniya bilang Hari.Basahin ang Mateo 25:31-33, 46.

Kapag namahala na si Jesus bilang Hari, gagawin niyang paraiso ang lupang ito. Bubuhayin niyang muli ang mga patay at masisiyahan sila sa buhay sa Paraisong iyon sa lupa.Basahin ang Lucas 23:42, 43.