Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN DISYEMBRE 2013

 TALAMBUHAY

Ginawa Kong Karera ang Paglilingkod kay Jehova

Ginawa Kong Karera ang Paglilingkod kay Jehova

Nang magtapos ako sa haiskul noong Enero 1937, nag-enrol ako sa Iowa State University malapit sa tinitirhan namin sa gitnang-silangan ng Estados Unidos. Wala na akong panahon sa ibang bagay dahil nag-aaral ako at nagtatrabaho para may pambayad ako ng matrikula. Mula sa pagkabata, hilig ko nang pag-aralan ang tungkol sa pagtatayo ng matataas na gusali at mga tulay.

Maaga noong taóng 1942, matapos sumali ang Estados Unidos sa Digmaang Pandaigdig II, ako ay nasa ikalimang taon sa kolehiyo. Ilang buwan na lang ay magtatapos na ako bilang architectural engineer. Nangungupahan ako kasama ang dalawang iba pa. Iminungkahi ng isa sa kanila na kausapin ko ang dumadalaw sa mga kasama namin sa ibaba. Nakilala ko roon si John O. (Johnny) Brehmer, isa sa mga Saksi ni Jehova. Hangang-hanga ako dahil nahahanap niya sa Bibliya ang mga sagot sa halos anumang tanong. Dahil dito, regular akong nakipag-aral ng Bibliya kay Johnny at nang maglaon ay sumama ako sa kaniya sa pangangaral basta puwede ako.

Ang tatay ni Johnny na si Otto ay naging Saksi habang nagtatrabaho bilang presidente ng isang bangko sa Walnut, Iowa. Nagbitiw si Otto sa kaniyang tungkulin at pumasok sa buong-panahong ministeryo. Nang maglaon, ang magandang halimbawa niya at ng kaniyang pamilya ay nagpatibay sa akin na gumawa ng isang napakahalagang desisyon.

PANAHON PARA MAGDESISYON

Isang araw, sinabi sa akin ng dekano ng unibersidad na bumababa ang mga grade ko at na hindi ako makapagtatapos dahil lang sa dati kong matataas na grade. Naalaala kong nanalangin ako nang marubdob sa Diyos na Jehova, na humihingi sa kaniya ng patnubay. Di-nagtagal pagkatapos noon, ipinatawag ako para makipag-usap sa aking propesor sa inhinyeriya. Sinabi niya sa akin na nakatanggap siya ng isang telegrama na nagsasabing kailangan ng isang inhinyero. Sinagot niya ito at sinabi na tinatanggap ko ang alok kahit hindi pa niya ako tinatanong. Pinasalamatan ko ang propesor pero ipinaliwanag kong determinado akong gawing karera ang paglilingkod kay Jehova. Noong Hunyo 17, 1942, nabautismuhan ako at agad na naatasang maglingkod bilang payunir, ang tawag ng mga Saksi ni Jehova sa buong-panahong mga ministro.

Noong mga huling buwan ng 1942, tinawag ako para magsundalo at humarap sa isang lupong nangangalap ng mga sundalo. Ipinaliwanag ko na hindi ipinahihintulot ng aking budhi na sumali sa digmaan. Humingi ako ng mga affidavit mula sa mga propesor ko sa kolehiyo na nagpapatunay na may mabuti akong pagkatao at natatanging kasanayan bilang structural engineer. Pero sa kabila ng positibong mga testimonyang iyon, pinagmulta pa rin ako ng $10,000 (U.S.) at nasentensiyahang mabilanggo nang limang taon sa Leavenworth, Kansas, E.U.A.

ANG BUHAY KO SA LOOB NG BILANGGUAN

Bilangguan sa Leavenworth, E.U.A. ngayon. Mga 230 sa amin ang nasentensiyahang mabilanggo rito

Mahigit 230 kabataang Saksi ang nasentensiyahang magtrabaho sa bilangguang pang-agrikultura, isang pasilidad ng pederal na bilangguan sa Leavenworth. Nagtatrabaho kami sa isang sakahan na pinangangasiwaan  ng maraming guwardiya. Alam ng ilan sa kanila ang tungkol sa aming Kristiyanong neutralidad at pabor sila sa aming paniniwala.

Ang ilang guwardiya ay nakipagtulungan para patuloy naming maidaos ang mga pagpupulong tungkol sa Bibliya. Tinulungan din nila kaming maipasok sa bilangguan ang mga literatura sa Bibliya. Kumuha pa nga ang warden ng suskripsiyon ng magasing Consolation (ngayon ay Gumising!).

ANG PAGLAYA KO AT PAGLILINGKOD BILANG MISYONERO

Pagkatapos maglingkod nang tatlong taon sa aking sentensiyang limang taon, napalaya ako noong Pebrero 16, 1946, ilang buwan matapos ang Digmaang Pandaigdig II. Agad akong pumasok-muli sa buong-panahong ministeryo bilang isang payunir. Naatasan akong bumalik sa lunsod ng Leavenworth, Kansas. Natakot ako sa atas na iyon dahil matindi ang diskriminasyon doon sa mga Saksi ni Jehova. Mahirap makakuha ng trabaho para suportahan ang aking sarili, at lalo pa nga ang paghahanap ng tirahan.

Naalaala ko nang minsang nangangaral ako, sinigawan ako ng isang guwardiya, “Lumayas ka sa pag-aari ko!” Nang makita ko ang hawak niyang baseball bat, ninerbiyos ako at agad na umalis. Sa isang bahay naman, sinabi ng isang babae, “Sandali lang,” at isinara niya ang pinto. Naghintay ako hanggang sa biglang bumukas ang bintana sa itaas at bumuhos sa akin ang maruming tubig na pinaghugasan ng pinggan. Pero pinagpala pa rin ang ministeryo ko. Nang maglaon, nalaman ko na ang ilan sa mga kumuha sa akin ng literatura sa Bibliya ay naging mga Saksi.

Noong 1943, isang bagong paaralan para sa mga misyonero ang itinatag sa gawing hilaga ng New York. Inanyayahan akong mag-aral doon, at nagtapos sa ikasampung klase noong Pebrero 8, 1948. Ang paaralang ito ay tinatawag ngayon bilang Watchtower Bible School of Gilead. Sa pagtatapos ng aming klase, tumanggap ako ng atas sa Gold Coast, na tinatawag ngayong Ghana.

Nang dumating ako sa Gold Coast, inatasan akong mangaral sa mga opisyal ng gobyerno at mga Europeo. Tuwing dulo ng sanlinggo, gumagawa akong kasama ng isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova at tumutulong sa mga miyembro nito sa pagbabahay-bahay. Dinalaw ko rin ang mga Saksi sa liblib na mga lugar at sinanay sila sa ministeryo. Naglingkod din ako bilang naglalakbay na tagapangasiwa sa kalapit na Ivory Coast, kilala ngayon bilang Côte d’Ivoire.

Natuto akong mamuhay gaya ng mga katutubong Aprikano—natutulog sa kubong yari sa putik, kumakain nang nakakamay, at dumudumi sa “labas” gaya ng mga Israelita noon sa ilang. (Deuteronomio 23:12-14) Dahil dito, nagkaroon kami ng mga kasama kong misyonero ng positibong reputasyon. Ang mga misis ng ilang lokal na opisyal ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa amin. Kaya kapag ginugulo  kami ng mga sumasalansang at gusto nilang ipawalang-bisa ang aming visa, ginigipit naman ng mga misis ng mga opisyal ang kanilang mister para baligtarin ang desisyon!

Gaya ng maraming misyonero sa Aprika, nagkasakit din ako ng malarya. Dumanas ako ng pasumpung-sumpong na panggiginaw, lagnat, at diliryo. May mga panahon na kailangan kong hawakan ang panga ko para hindi ito manginig. Sa kabila nito, patuloy pa rin akong nakasumpong ng kagalakan at kasiyahan sa aking ministeryo.

Sa unang apat na taon ko sa Aprika, nakipagsulatan ako kay Eva Hallquist na nakilala ko bago ako umalis sa Estados Unidos. Nalaman kong magtatapos siya sa ika-21 klase ng Paaralang Gilead noong Hulyo 19, 1953, sa isang internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Yankee Stadium, New York. Nakiusap ako sa isang kapitan na magtrabaho sa kaniyang barko kapalit ng aking pamasahe patungong Estados Unidos.

Matapos ang 22 araw nang maalong paglalakbay sa dagat, dumating ako at nakipagkita kay Eva sa punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn. Doon sa bubungan kung saan makikita ang napakagandang tanawin ng daungan at matataas na gusali ng New York, inalok ko ng kasal si Eva. Nang maglaon, pumunta si Eva sa Gold Coast para maglingkod doon na kasama ko.

PAG-AASIKASO NG MGA RESPONSIBILIDAD SA PAMILYA

Pagkatapos maglingkod ng ilang taon sa Aprika kasama si Eva, nakatanggap ako ng sulat mula kay Nanay na nagsasabing si Tatay ay may kanser. Pagkatapos makapagpaalam para magbakasyon mula sa aming atas, nagbalik kami ni Eva sa Estados Unidos. Mabilis na humina ang kalusugan ni Tatay at di-nagtagal ay namatay siya.

Halos apat na taon pagkatapos naming makabalik sa Ghana, nalaman naming humina ang kalusugan ni Nanay. Iminungkahi ng ilang kaibigan na umuwi kami at alagaan siya. Iyon ang pinakamahirap na desisyong ginawa namin. Pagkaraan ng 15 taon ng paglilingkod bilang misyonero, 11 rito ay kasama ko si Eva, bumalik kami sa Estados Unidos.

Pakikipagkita sa isang lokal na pinuno sa Gold Coast, na tinatawag ngayong Ghana

Sa loob ng ilang taon, nagpalitan kami sa pag-aalaga kay Nanay, tinutulungan siyang dumalo sa mga pulong kung kaya niya. Noong Enero 17, 1976, namatay siya sa edad na 86. Ngunit mas matinding dagok ang dumating pagkalipas ng siyam na taon. Nasuri na may kanser si Eva. Ginawa namin ang lahat ng paraan para labanan ang sakit na iyon, pero namatay siya noong Hunyo 4, 1985, sa edad na 70.

HIGIT PANG MGA PAGBABAGO SA ISANG KASIYA-SIYANG KARERA

Noong 1988, naanyayahan ako sa pag-aalay ng bagong pinalawak na tanggapang pansangay sa Ghana. Isa ngang di-malilimutang okasyon! Mga 40 taon na ang nakalilipas pagdating ko sa Ghana nang magtapos ako sa Gilead, iilang daan lang ang Saksi roon. Pero noong 1988, mayroon nang mahigit 34,000, at ngayon ay halos 114,000 na!

Dalawang taon matapos dumalaw sa Ghana, pinakasalan ko ang matalik na kaibigan ni Eva na si Betty Miller noong Agosto 6, 1990. Patuloy naming ginawang karera ang paglilingkod kay Jehova. Pinananabikan namin ang araw na makikita naming muli ang aming mga lolo’t lola, magulang, at si Eva sa pagkabuhay-muli sa Paraisong lupa.Gawa 24:15.

Napapaluha ako kapag naaalaala ko ang kamangha-manghang pribilehiyo na magamit ni Jehova sa loob ng mahigit 70 taon ng paglilingkod sa kaniya. Madalas ko siyang pasalamatan sa pagpatnubay niya sa akin na gawing karera ang paglilingkod. Bagaman mga 90 anyos na ako, patuloy pa rin akong binibigyan ni Jehova, ang pinakadakilang architectural engineer sa uniberso, ng lakas at tibay ng loob upang itaguyod ang aking karera na paglingkuran siya.