Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN OKTUBRE 2013

 MAGING MALAPÍT SA DIYOS

“Si Jehova ay Lubusang Nagpatawad sa Inyo”

“Si Jehova ay Lubusang Nagpatawad sa Inyo”

“Siya na hindi marunong magpatawad sa iba ay sumisira sa tulay na kailangan din niyang tawirin.” Idiniriin ng mga salitang iyan ng mananalaysay na Britano noong ika-17 siglo na si Edward Herbert ang isang dahilan kung bakit dapat tayong maging mapagpatawad sa iba: Balang-araw, baka kailanganin nating humingi ng tawad sa iba. (Mateo 7:12) Pero may mas mahalaga pang dahilan para maging mapagpatawad tayo. Pansinin ang sinabi ni apostol Pablo sa Colosas 3:13.—Basahin.

Dahil lahat tayo ay di-sakdal, baka may nasasabi o nagagawa tayo kung minsan na nakaiinis o nakasasakit sa iba, at maaaring ganoon din naman sila sa atin. (Roma 3:23) Paano natin mapananatili ang pakikipagpayapaan sa ating mga kapuwa na di-sakdal? Sa patnubay ng Diyos, pinapayuhan tayo ni Pablo na maging mapagparaya at mapagpatawad. Mahalaga pa rin ang payong ito sa ngayon gaya noong isulat niya ito halos dalawang libong taon na ang nakalilipas. Suriin nating mabuti ang mga salita ni Pablo.

“Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa.” Ang pananalitang ‘patuloy na pagtiisan’ ay galing sa isang salitang Griego na naglalarawan ng pagiging mapagparaya o matiisin. Sinasabi ng isang reperensiyang akda na ipinakikita ng mga Kristiyano ang katangiang ito sa pagiging “handang magtiis ng mga pagkakamali o pangit na mga ugali na nakaiinis sa kanila.” Ang mga salitang “isa’t isa” ay nagpapakitang pareho silang magpaparaya. Ibig sabihin, kapag naalaala nating may mga ugali tayong maaaring makainis sa iba, hindi natin hahayaan ang mga bagay na hindi natin nagugustuhan sa kanila na sumira sa pakikipagpayapaan natin sa kanila. Pero paano kung magkasala ang iba sa atin?

‘Patuloy na lubusang patawarin ang isa’t isa.’ Ayon sa isang iskolar, ang salitang Griego na isinaling “lubusang patawarin” “ay hindi ang karaniwang salita para sa pagpapatawad . . . kundi isang salita na nagdiriin ng saganang pagpapatawad.” Sinasabi ng isa pang akda na ang salitang ito ay maaaring mangahulugang “pagbibigay ng isang bagay na nakasisiya, isang pabor, isang pakinabang.” Tayo ay nagpapakita ng kabaitan kung handa tayong magpatawad kahit “may dahilan [tayo] sa pagrereklamo laban sa iba.” Pero bakit tayo dapat handang magbigay ng gayong pabor? Dahil balang-araw, baka tayo naman ang mangailangan ng pabor, o pagpapatawad.

“Kung paanong si Jehova ay lubusang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo.” Ito ang pangunahing dahilan kung bakit dapat tayong lubusang magpatawad sa iba: Lubusan tayong pinatatawad ng Diyos na Jehova. (Mikas 7:18) Pag-isipan sandali ang napakalaking pabor na ipinakikita ni Jehova sa nagsisising mga makasalanan. Di-gaya natin, si Jehova ay hindi nagkakasala. Pero siya ay handang magpatawad at lubusang nagpapatawad sa nagsisising mga makasalanan kahit alam niyang hinding-hindi niya kakailanganin ang pagpapatawad ng mga makasalanang iyon. Oo, si Jehova ang pinakamabuting halimbawa sa pagpapatawad sa nagsisising mga makasalanan!

Si Jehova ang pinakamabuting halimbawa sa pagpapatawad sa nagsisising mga makasalanan!

Ang awa ni Jehova ay naglalapít sa atin sa kaniya at nagpapakilos sa atin na naising tularan siya. (Efeso 4:32–5:1) Makabubuting tanungin ang sarili, ‘Yamang sagana akong pinatatawad ni Jehova, bakit ko ipagkakait ang kapatawaran sa kapuwa ko na di-sakdal at tunay na nagsisisi sa kasalanang nagawa niya sa akin?’Lucas 17:3, 4.