Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Ang Bantayan  |  Oktubre 2013

 BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY

“Marami ang Galít sa Akin”

“Marami ang Galít sa Akin”
  • ISINILANG: 1978

  • BANSANG PINAGMULAN: CHILE

  • MASYADONG MARAHAS

ANG AKING NAKARAAN:

Lumaki ako sa Santiago, ang kabisera ng Chile, sa isang lugar kung saan karaniwan lang ang droga, gang, at krimen. Nang ako ay limang taóng gulang, pinatay ang tatay ko. Pagkatapos, nakisama si Nanay sa isang malupit na lalaki. Palagi niya kaming binubugbog. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin makalimutan ang mapapait na alaalang iyon.

Dahil sa masasamang impluwensiya, lumaki akong masyadong marahas. Nakinig ako ng musikang heavy-metal, labis-labis kung uminom, at paminsan-minsang nagdroga. Madalas akong mapaaway sa kalye sa mga nagbebenta ng droga, na ilang beses na nagtangkang iligpit ako. Minsan, isang kalabang gang ang umupa ng isang kilaláng hit man para patayin ako, pero isang saksak lang ang tumama sa akin at nakatakas ako. Sa isa pang pagkakataon, tinutukan ako ng baril sa ulo ng isang grupo ng mga nagbebenta ng droga at sinubukan akong ibitin.

Noong 1996, umibig ako sa isang babae na nagngangalang Carolina, at ikinasal kami noong 1998. Nang isilang ang aming panganay na anak na lalaki, natakot ako na dahil sa aking marahas na ugali, baka maging gaya ako ng aking amain at pagmalupitan ang aking pamilya. Kaya humingi ako ng tulong sa isang rehabilitation center sa aming lugar. Tumanggap ako ng medikal na tulong at terapi, pero wala ring nangyari. Madali pa ring uminit ang ulo ko kahit sa maliliit na bagay at nagwawala ako. Sa kagustuhan kong maihinto ang pananakit ko sa aking pamilya, nagtangka akong magpakamatay. Mabuti na lang, hindi ako nagtagumpay.

Maraming taon na akong ateista, pero gusto ko pa ring maniwala sa Diyos. Kaya may panahong sumama ako sa isang ebanghelikong relihiyon. Ang asawa ko naman noon ay nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Galít ako sa mga Saksi, at maraming beses ko silang binulyawan. Pero lagi silang kalmado, na kabaligtaran sa inaasahan ko.

Isang araw, ipinabasa sa akin ni Carolina ang Awit 83:18 sa Bibliya ko mismo. Maliwanag na ipinakikita ng tekstong iyon na ang pangalan ng Diyos ay Jehova. Nagulat ako na itinuturo lang ng aking relihiyon ang tungkol sa isang diyos, pero hindi ang tungkol kay Jehova. Maaga noong taóng 2000, nagsimula rin akong makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi.

 KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:

Habang sumusulong ako sa pag-aaral, nakaaliw sa akin na malaman na si Jehova ay isang mahabagin at mapagpatawad na Diyos. Halimbawa, sa Exodo 34:6, 7, inilalarawan ng Bibliya si Jehova bilang “isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan, nag-iingat ng maibiging-kabaitan sa libu-libo, nagpapaumanhin sa kamalian at pagsalansang at kasalanan.”

Nakaaliw sa akin na malaman na si Jehova ay isang mahabagin at mapagpatawad na Diyos

Pero hindi pa rin madaling ikapit ang mga natututuhan ko. Kumbinsido ako na hinding-hindi ko makokontrol ang pagiging marahas ko. Sa tuwing nabibigo ako, maibigin akong pinatitibay ni Carolina. Ipinaaalaala niya sa akin na nakikita ni Jehova ang aking mga pagsisikap. Ang kaniyang pag-alalay ay nagpalakas sa akin na patuloy na palugdan si Jehova, kahit na madalas kong madama na wala na akong pag-asa.

Isang araw, ipinabasa sa akin ni Alejandro, ang nagtuturo sa akin ng Bibliya, ang Galacia 5:22, 23. Binabanggit ng mga tekstong iyon ang mga aspekto ng bunga ng banal na espiritu ng Diyos na “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili.” Ipinaliwanag ni Alejandro na ang paglinang ko ng mga katangiang iyon ay hindi nakadepende sa sarili kong lakas kundi sa banal na espiritu ng Diyos. Lubusang binago ng katotohanang iyan ang aking pangmalas!

Nang maglaon, dumalo ako sa isang malaking kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Ang kaayusan, kalinisan, at pagsasamahang nakita ko roon ay nakakumbinsi sa akin na natagpuan ko na ang tunay na relihiyon. (Juan 13:34, 35) Ako ay nabautismuhan noong Pebrero 2001.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG:

Binago ako ni Jehova mula sa isang marahas na tao tungo sa isa na mapagpayapa. Para akong hinango mula sa putikang kinasasadlakan ko. Marami ang galít sa akin, at hindi ko sila masisisi. Pero ngayon, masaya akong naglilingkod kay Jehova nang may kapayapaan kasama ng aking asawa at dalawang anak na lalaki.

Hindi makapaniwala ang aking mga kapamilya at dating mga kaibigan sa laki ng ipinagbago ko. Bilang resulta, ang ilan sa kanila ay naging interesadong matuto ng katotohanan sa Bibliya. Nagkapribilehiyo rin akong makatulong sa iba na makilala si Jehova. Isa ngang kagalakang makita na binabago rin ng katotohanan sa Bibliya ang kanilang buhay!