Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN MAYO 2013

Likas na mga Sakuna—Katibayan ba na Malupit ang Diyos?

Likas na mga Sakuna—Katibayan ba na Malupit ang Diyos?

ANG SINASABI NG ILAN: “Ang Diyos ang namamahala sa daigdig, kung gayon, siya ang sanhi ng likas na mga sakuna; kaya malupit siya.”

ANG SINASABI NG BIBLIYA: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Sino ang “isa na balakyot”? Ipinakikilala siya ng Bibliya bilang si Satanas. (Mateo 13:19; Marcos 4:15) Mahirap bang paniwalaan iyan? Pag-isipan ito: Kung si Satanas ang may kapangyarihan sa daigdig, tiyak na iniimpluwensiyahan niya ang mga tao na maging makasarili, sakim, at makitid ang pananaw na gaya niya. Hindi ba ipinaliliwanag niyan kung bakit sinisira ng mga tao ang kanilang kapaligiran? Nagbababala ang maraming eksperto na ang gayong paninira sa kapaligiran ay maaaring may epekto sa likas na mga sakuna—puwede itong maging sanhi, magpalala ng mga ito, o gawing walang kalaban-laban ang lipunan ng tao.

Kung gayon, bakit hinahayaan ng Diyos na magkaroon ng gayon kalakas na impluwensiya si Satanas? Ang sagot ay nasa pasimula ng kasaysayan ng tao, nang magrebelde ang ating unang mga magulang sa Diyos bilang Tagapamahala. Ganiyan din ang ginawa ng karamihan sa mga tao. Dahil sa pagtanggi sa pamamahala ng Diyos, ang sanlibutan ay napasakamay ng kaaway ng Diyos, si Satanas. Kaya tinukoy ni Jesus si Satanas bilang “ang tagapamahala ng sanlibutan.” (Juan 14:30) Mamamahala ba si Satanas magpakailanman? Hinding-hindi!

Si Jehova * ay hindi manhid sa mga pagdurusang idinudulot ni Satanas. Sa katunayan, ang Diyos ay lubhang naaapektuhan nito. Halimbawa, tungkol sa paghihirap ng bansang Israel, sinabi ng Bibliya hinggil sa Diyos: “Sa lahat ng kanilang kapighatian ay napipighati siya.” (Isaias 63:9) Buti na lang, malapit nang tapusin ng Diyos ang malupit na pamamahala ni Satanas! Ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay inatasan niyang maging isang makatarungan at matuwid na Hari magpakailanman.

KUNG PAANO KA NASASANGKOT: Hindi pinrotektahan ng pamamahala ni Satanas ang mga tao mula sa likas na mga sakuna, pero gagawin ito ng pamamahala ni Jesus. Minsan nang pinrotektahan ni Jesus ang kaniyang mga alagad mula sa napakalakas na bagyo. Sinasabi sa Bibliya: “Sinaway [niya] ang hangin at sinabi sa dagat: ‘Tigil! Tumahimik ka!’ At tumigil ang hangin, at nagkaroon ng lubos na katahimikan.” Sinabi ng mga alagad: “Sino nga bang talaga ito, sapagkat maging ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kaniya?” (Marcos 4:37-41) Batay sa pangyayaring iyan, makapagtitiwala tayong poprotektahan ni Jesus ang masunuring mga tao kapag namahala na siya bilang Hari.—Daniel 7:13, 14.

^ par. 5 Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.