Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Ang Bantayan  |  Mayo 2013

Magtitiwala Ka ba sa Diyos?

Magtitiwala Ka ba sa Diyos?

HALIMBAWANG may kaibigan kang labis mong hinahangaan, pero may ginawa siyang hindi mo maunawaan. Pinupuna ng iba ang ginawa niya at hinuhusgahan ang kaniyang mga motibo, anupat sinasabing malupit siya. Maniniwala ka ba agad sa kanila, o pakikinggan mo muna ang sasabihin ng iyong kaibigan? Paano kung wala siya, hihintayin mo ba muna ang paliwanag niya?

Bago ka sumagot, baka marami ka pang gustong alamin. Halimbawa, ‘Gaano ko ba talaga kakilala ang kaibigan kong ito, at bakit ko ba siya hinahangaan?’ Tama naman iyan. Pero pag-isipan ito: Hindi ba’t puwede rin nating ikapit iyan kapag may nagsasabing malupit ang Diyos?

Baka nahihirapan kang unawain ang ilang ginawa ng Diyos, o palaisipan sa iyo kung bakit hinayaan niyang mangyari ang ilang bagay. Marami ang magsasabi sa iyo na malupit ang Diyos at hihimok sa iyo na husgahan ang kaniyang motibo gaya ng ginagawa nila. Kikilalanin mo ba muna siyang mabuti bago ka humusga? Tanungin ang sarili, ‘Naging anong klaseng kaibigan ba sa akin ang Diyos?’

Kung punô ng problema ang buhay mo, baka masabi mong hindi naman naging kaibigan sa iyo ang Diyos. Pero mag-isip ka muna sandali. Ang Diyos ba ang nagbigay sa iyo ng problema—o pagpapala? Tulad ng ating natalakay, si Satanas ang “tagapamahala ng sanlibutang ito,” hindi si Jehova. (Juan 12:31) Kaya si Satanas ang nasa likod ng karamihan ng pagdurusa at kawalang-katarungan sa daigdig. At hindi ka ba sasang-ayon na ang ating pagiging di-sakdal at ang di-inaasahang mga pangyayari ang dahilan ng karamihan sa ating mga problema?

Ang Diyos ba ang nagbigay sa iyo ng problema—o pagpapala?

Pero ano naman ang ginawa ng Diyos? Isaalang-alang ang sinasabi ng Bibliya: na ang Diyos “ang Maylikha ng langit at lupa”; na kasama sa kaniyang mga gawa ang ating katawan, na “kamangha-mangha ang pagkakagawa”; at na si Jehova “ang Diyos na sa kaniyang kamay ay naroon ang iyong hininga.” (Awit 124:8; 139:14; Daniel 5:23) Ano ang ibig sabihin ng lahat ng iyan?

Ibig sabihin, utang natin sa Maylalang ang ating hininga, ang mismong buhay natin. (Gawa 17:28) Nangangahulugan ito na ang regalong buhay, ang kagandahan ng daigdig, ang kasiyahang dulot ng pag-ibig at pagkakaibigan, ang kaligayahang dulot ng ating panlasa, pandama, pandinig, at pang-amoy—lahat ng ito ay regalo ng Diyos. (Santiago 1:17) Hindi ba’t sasang-ayon ka na ang mga pagpapalang iyan ay patunay na isa siyang Kaibigan na karapat-dapat sa ating paggalang at pagtitiwala?

Baka nga mahirap para sa iyo na magtiwala sa Diyos. Hindi mo pa nga siya siguro lubusang kilala para pagtiwalaan. Natural lang naman iyon. Sa maiikling artikulong ito, hindi natin matatalakay ang lahat ng dahilan kung bakit may mga nagsasabing malupit ang Diyos. Pero hindi ba’t sulit naman kung kikilalanin nating mabuti ang Diyos? * Nakatitiyak kami na kapag ginawa mo iyan, malalaman mo ang katotohanan tungkol sa kaniya. Malupit ba siya? Hinding-hindi! Sa halip, “ang Diyos ay pag-ibig.”—1 Juan 4:8.

^ par. 8 Halimbawa, alamin ang higit pang impormasyon kung bakit hinahayaan ng Diyos ang kasamaan sa kabanata 11 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.