Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN MARSO 2013

 TALAMBUHAY

“Nakita Ko, Pero Hindi Ko Maintindihan”

“Nakita Ko, Pero Hindi Ko Maintindihan”

Dalawang taon ako noong 1975 nang magduda si Inay na may kakaiba sa akin. Habang karga niya ako, naibagsak ng kaibigan niya ang isang mabigat na bagay na lumikha ng malakas na ingay. Napansin ni Inay na hindi man lang ako nagulat. Tatlong taon na ako pero hindi pa rin ako nagsasalita. Hanggang sa nalaman ng pamilya namin mula sa mga espesyalista na ako’y bingi!

Napakabata ko pa nang magdiborsiyo ang mga magulang ko, kaya si Inay lang ang nagpalaki sa aming magkakapatid—ako, ang aking dalawang kuya, at si Ate. Noong panahong iyon, ang pagtuturo sa mga batang bingi sa France ay iba kaysa sa ngayon. Kung minsan ay parang parusa pa nga. Pero mula pagkabata, sa tingin ko’y mas mapalad ako kaysa sa ibang mga bingi. Ikukuwento ko kung bakit.

Noong mga limang taon ako

Naniniwala ang maraming edukador noon na ang mga batang bingi ay dapat turuang magsalita at mag-lip reading. Sa katunayan, sa France, kung saan ako lumaki, bawal na bawal sa paaralan ang pagsenyas. Nakatali pa nga sa likod ang mga kamay ng ilang batang bingi habang nagkaklase.

Noong maliit pa ako, linggu-linggo, ilang oras akong tinuturuan ng isang speech therapist. Hinahawakan niya ang aking panga o ulo at paulit-ulit na ipinabibigkas sa akin ang mga tunog na hindi ko naman naririnig. Hindi ko makausap ang ibang mga bata. Hirap na hirap ako noon.

Sa edad na anim, ipinasok ako sa isang paaralan para sa mga bingi. Noon lang ako may nakasalamuhang mga batang bingi. Bawal din doon ang pagsenyas. Kapag sumesenyas kami sa klase, pinapalo ang mga buto ng aming kamay o kaya’y sinasabunutan kami. Pero patagô pa rin kaming nagsesenyasan, gamit ang inimbento naming mga code. Sa wakas, may nakakausap na akong ibang mga bata. Doon nagsimula ang apat na masasayang taon ko.

Pero pagtuntong ko ng sampu, inilipat ako sa isang paaralan ng mga batang nakaririnig. Lungkot na lungkot ako! Pakiramdam ko’y namatay nang lahat ang mga batang bingi at ako na lang ang natitira sa mundo. Bilang pagsunod sa payo ng mga doktor, na nag-aalalang baka masayang ang speech therapy ko, hindi nag-aral ng pagsenyas ang pamilya namin at pinagbawalan akong makihalubilo sa ibang batang bingi. Minsan, dinala ako sa isang espesyalista. May aklat ng sign language sa mesa niya. Nang makita ko ang mga larawan sa pabalat ng aklat, itinuro ko iyon at isinenyas kong gusto ko iyon. Biglang itinago ng doktor ang aklat. *

 NATUTO AKO NG MGA KATOTOHANAN SA BIBLIYA

Sinikap ni Inay na palakihin kaming magkakapatid ayon sa mga simulaing Kristiyano. Isinasama niya kami sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova sa Mérignac Congregation, malapit sa Bordeaux. Dahil bata pa, halos wala akong maintindihan sa mga pulong. Pero naghahalinhinan ang mga miyembro ng kongregasyong iyon sa pagtabi sa akin para isulat ang mga sinasabi sa pulong. Naantig ako sa kanilang pag-ibig at pagmamalasakit. Sa bahay, si Inay ang nagtuturo sa akin ng Bibliya, pero hindi ko lubusang maintindihan ang itinuturo sa akin. Para akong si propeta Daniel, na matapos marinig ang isang hula mula sa anghel, ay nagsabi: “Narinig ko, ngunit hindi ko maunawaan.” (Daniel 12:8) Sa kaso ko naman, masasabi kong “Nakita ko, pero hindi ko maintindihan.”

Gayunman, unti-unti kong natutuhan ang ilang katotohanan sa Bibliya. Pinahalagahan ko ang mga iyon at sinikap na ikapit sa aking buhay. Natuto rin ako mula sa paggawi ng iba. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya na maging matiisin tayo. (Santiago 5:7, 8) Hindi ko talaga naiintindihan iyon. Pero dahil sa nakita ko sa aking mga kapananampalataya, naintindihan ko kung ano ang pagiging matiisin. Talagang napakalaking tulong sa akin ang kongregasyong Kristiyano.

MALUNGKOT AT MASAYANG PANGYAYARI

Tinulungan ako ni Stéphane na maintindihan ang Bibliya

Isang araw, noong tin-edyer ako, nakita ko ang ilang kabataang bingi na nag-uusap nang pasenyas. Palihim akong nakipagkaibigan sa kanila at natuto ako ng French Sign Language (FSL). Patuloy akong dumalo sa mga pulong ng mga Saksi. Kinaibigan ako ni Stéphane na isang kabataang Saksi. Dahil sa pagsisikap niyang kausapin ako, naging malapít ako sa kaniya. Pero ibinilanggo si Stéphane dahil tumanggi siyang pumasok sa militar. Talagang nalungkot ako! Nawalan ako ng ganang dumalo sa mga pulong.

Makalipas ang 11 buwan, pinalaya si Stéphane. Laking gulat ko nang kausapin niya ako sa sign language. Hindi ako makapaniwala! Paano nangyari iyon? Natuto pala si Stéphane ng FSL sa bilangguan. Tuwang-tuwa ako habang pinagmamasdan ang mga galaw ng kamay at ekspresyon ng mukha ni Stéphane. Naisip kong malaki ang maitutulong nito sa akin.

NAINTINDIHAN KO NA ANG MGA KATOTOHANAN SA BIBLIYA

Tinuruan ako ni Stéphane tungkol sa Bibliya. Noon ko lang napag-ugnay-ugnay ang mga katotohanang dati ko nang natutuhan. Noong bata pa ako, gustung-gusto ko ang magagandang larawan sa ating mga publikasyon sa Bibliya. Pinagkukumpara ko ang mga karakter at sinusuri ang bawat detalye para matandaan ang mga kuwento. Alam ko ang tungkol kay Abraham, sa kaniyang “binhi,” at sa “malaking pulutong,” pero naintindihan ko lang ang mga ito nang ipaliwanag sa akin sa sign language. (Genesis 22:15-18; Apocalipsis 7:9) Ngayon, alam ko na ang aking wika, ang wika ng aking puso.

Dahil naiintindihan ko na ang mga pinag-uusapan sa pulong, naantig ako at lalong nasabik matuto. Sa tulong ni Stéphane, patuloy na dumami ang mga naiintindihan ko sa Bibliya, at noong 1992, inialay ko ang aking buhay sa Diyos na Jehova at nagpabautismo. Pero mahiyain pa rin ako at takót makihalubilo sa iba dahil sa aking mga pinagdaanan noong bata pa ako.

PINAGLABANAN KO ANG PAGKAMAHIYAIN

Nang maglaon, ang aming maliit na grupo ng sign language ay isinama sa isang kongregasyon sa Pessac, malapit sa Bordeaux. Malaki ang naitulong niyan sa akin, at patuloy akong sumulong sa espirituwal. Bagaman limitado ang kakayahan ko sa komunikasyon, tinitiyak ng mga kaibigan kong nakaririnig na naiintindihan ko ang mga bagay-bagay. Sinikap ng mag-asawang Gilles at Elodie na  makipag-usap sa akin. Madalas nila akong anyayahang kumain o magkape pagkatapos ng pulong, at naging matalik kaming magkakaibigan. Napakasarap makasama ang mga taong umiibig sa Diyos!

Ang aking asawang si Vanessa ay isang tunay na suporta sa akin

Sa kongregasyong ito ko nakilala ang magandang si Vanessa. Nagustuhan ko ang kaniyang pagiging mapagmalasakit at makatuwiran. Hindi niya kailanman itinuring na hadlang ang aking kapansanan, kundi isang magandang pagkakataon para matuto siyang makipag-usap sa bingi. Nabihag niya ang puso ko, at nagpakasal kami noong 2005. Bagaman hindi ako mahusay sa komunikasyon, natulungan ako ni Vanessa na mapaglabanan ang aking pagkamahiyain at magkaroon ng lakas ng loob na masabi ang niloloob ko. Napakahalaga sa akin ng kaniyang suporta habang inaasikaso ko ang aking mga responsibilidad.

ISA PANG REGALO MULA KAY JEHOVA

Noong taóng magpakasal kami, inanyayahan ako ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Louviers, France para sa isang-buwang pagsasanay sa pagsasalin ng wika. Nitong nakalipas na mga taon, ang sangay ay puspusang nagsisikap na makagawa ng mga DVD sa FSL. Dahil sa dami ng magiging trabaho, kailangan nila ang karagdagang mga tao.

Habang nagpapahayag tungkol sa Bibliya sa French Sign Language

Nadama namin ni Vanessa na ang paglilingkod sa sangay ay isang napakalaking pribilehiyo at isang regalo mula kay Jehova, pero inaamin kong nag-alala kami. Paano na kaya ang grupo namin sa sign language? Ang bahay namin? Makakakuha kaya si Vanessa ng trabaho sa lugar na iyon? Sa kahanga-hangang paraan, naglaan si Jehova ng solusyon sa bawat problemang iyan. Damang-dama ko ang pag-ibig ni Jehova sa amin at sa mga bingi.

SUPORTADO NG NAGKAKAISANG BAYAN

Nang makasama ako sa pagsasalin, lalo kong naunawaan ang lahat ng ginagawang pagsisikap para matulungan ang mga bingi na makilala ang Diyos. At nakatutuwang makita na marami sa mga kasama ko ang nagsisikap makipag-usap sa akin. Nakaaantig ang pagsisikap nilang matuto ng ilang senyas para makipag-usap sa akin. Hinding-hindi ko nadamang ako’y nag-iisa. Ang lahat ng ito ay katibayan ng pambihirang pagkakaisa ng bayan ni Jehova.—Awit 133:1.

Habang nagtatrabaho sa Translation Department sa tanggapang pansangay

Nagpapasalamat ako kay Jehova dahil sa pamamagitan ng kongregasyong Kristiyano, tinitiyak niyang laging may tumutulong sa akin. Pinahahalagahan ko rin ang maliit kong naitulong para makilala ng mga tulad kong bingi ang ating maibiging Maylalang at maging malapít sila sa kaniya. Pinananabikan ko ang araw na aalisin na ang lahat ng hadlang sa komunikasyon at na ang lahat ay magsasalita ng “dalisay na wika”—ang katotohanan tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang mga layunin—bilang bahagi ng nagkakaisang pamilya ng tao.—Zefanias 3:9.

^ par. 9 Noon lang 1991 opisyal na pinahintulutan ng gobyerno ng France ang paggamit ng sign language sa pagtuturo sa mga batang bingi.