Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Ang Bantayan  |  Enero 2013

 MAGING MALAPÍT SA DIYOS

‘Isiniwalat Mo ang mga Ito sa mga Sanggol’

‘Isiniwalat Mo ang mga Ito sa mga Sanggol’

Gusto mo bang malaman ang katotohanan tungkol sa Diyos—kung sino siya, kung ano ang ayaw at gusto niya, at kung ano ang kaniyang kalooban? Sa kaniyang Salita, ang Bibliya, isiniwalat ng Diyos na Jehova ang buong katotohanan tungkol sa kaniya. Ibig bang sabihin, kapag binabasa ng isa ang Bibliya ay lubusan na niyang mauunawaan ang katotohanang iyan? Hindi. Kasi ang pagkaunawa sa espirituwal na katotohanan ay isang pribilehiyo—hindi lahat ay nakatatanggap nito. Tingnan natin ang sinabi ni Jesus tungkol diyan.—Basahin ang Mateo 11:25.

Ganito ang panimulang mga salita ng teksto: “Nang panahong iyon ay sinabi ni Jesus bilang tugon.” Batay rito, lumilitaw na ang sumunod na mga sinabi ni Jesus ay reaksiyon niya sa isang naunang pangyayari. Kasasaway lang noon ni Jesus sa mga nakatira sa tatlong lunsod sa Galilea dahil ayaw nilang maging alagad niya kahit nakita na nila ang kaniyang makapangyarihang mga gawa. (Mateo 11:20-24) Baka maitanong mo, ‘Nakita na nga nila ang mga himala ni Jesus, hindi pa rin sila naniwala at sumunod sa kaniya?’ Ang problema sa mga taong iyon, matigas ang puso nila.—Mateo 13:10-15.

Alam ni Jesus na para maunawaan ang espirituwal na katotohanan sa Bibliya, kailangan natin ang dalawang bagay: tulong ng Diyos at tamang saloobin. Ipinaliwanag ni Jesus: “Hayagan kitang pinupuri, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito mula sa marurunong at matatalino at isiniwalat ang mga ito sa mga sanggol.” Naintindihan mo ba kung bakit ang pagkaunawa sa espirituwal na katotohanan sa Bibliya ay maituturing na isang pribilehiyo? Kasi bilang ang “Panginoon ng langit at lupa,” si Jehova ay may karapatang magpasiya kung kanino niya isisiwalat o itatago ang katotohanan. Pero hindi naman nagtatangi ang Diyos. Kung gayon, ano ang basehan niya sa pagsisiwalat o pagtatago ng katotohanan sa Bibliya?

Sinasang-ayunan ni Jehova ang mapagpakumbaba, hindi ang mapagmataas. (Santiago 4:6) Itinatago niya ang katotohanan sa “marurunong at matatalino”—sa matatalino sa sanlibutan at mga may pinag-aralan na tumatanggi sa tulong ng Diyos dahil sa pagmamataas at sobrang tiwala sa sarili. (1 Corinto 1:19-21) Pero isinisiwalat ng Diyos ang katotohanan sa mga “sanggol”—sa mga lumalapit sa kaniya na may taimtim na puso at mapagpakumbabang gaya ng isang bata. (Mateo 18:1-4; 1 Corinto 1:26-28) Nakita mismo ng Anak ng Diyos na si Jesus ang magkaibang uring ito ng mga tao. Maraming mapagmataas at edukadong lider ng relihiyon ang hindi nakaunawa sa mensahe ni Jesus, pero naunawaan ito ng mapagpakumbabang mga mangingisda. (Mateo 4:18-22; 23:1-5; Gawa 4:13) May ilan din namang mayayaman at mga edukadong tao na nagpakita ng tunay na kapakumbabaan at naging mga tagasunod ni Jesus.—Lucas 19:1, 2, 8; Gawa 22:1-3.

Balikan natin ang tanong sa simula: Gusto mo bang malaman ang katotohanan tungkol sa Diyos? Kung oo, matutuwa kang malaman na ang pinapaboran ng Diyos ay hindi ang mga taong matalino ang tingin sa sarili, kundi ang mga taong maaaring minamata pa nga ng matatalinong iyon. Kung pag-aaralan mo ang Salita ng Diyos nang may tamang kaisipan at saloobin, maaari ka ring pagkalooban ni Jehova ng isang napakahalagang regalo—ang pagkaunawa sa katotohanan tungkol sa kaniya. Kung magkagayon, mas magiging makabuluhan ang buhay mo ngayon at magkakaroon ka ng pag-asang makamit ang “tunay na buhay”—ang walang-hanggang buhay sa ipinangako ng Diyos na matuwid na bagong sanlibutan na malapit nang dumating. *1 Timoteo 6:12, 19; 2 Pedro 3:13.

Pagbabasa ng Bibliya para sa Enero

Mateo 1-21

^ par. 7 Matutuwa ang mga Saksi ni Jehova na tulungan kang malaman ang katotohanan tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin. Nag-aalok sila ng walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya, gamit ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?