Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Ang Bantayan  |  Disyembre 2012

Nakasumpong Sila ng Nakahihigit na mga Bagay

Nakasumpong Sila ng Nakahihigit na mga Bagay

MILYUN-MILYONG Kristiyano ang nagdesisyong huwag magdiwang ng Pasko. Ano ang nadarama nila sa desisyong iyan? Nadarama ba nilang may kulang sa buhay nila? Nadarama ba ng kanilang mga anak na pinagkakaitan sila? Tingnan natin ang sinabi ng mga Saksi ni Jehova mula sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.

Eve

Pag-alaala kay Jesu-Kristo: “Bago ako naging Saksi ni Jehova, bihira akong magsimba. Kung magsimba man ako, tuwing Pasko lang o Easter. Pero kahit sa mga okasyong iyon, hindi ko iniisip si Jesu-Kristo. Ngayon, hindi na ako nagpapasko, pero dalawang beses sa isang linggo naman akong dumadalo sa mga pulong Kristiyano at nagtuturo pa nga sa iba hinggil sa sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jesus.”EVE, AUSTRALIA.

Reuben

Pagbibigayan: “Ang saya-saya ko kapag bigla na lang akong binibigyan ng regalo. Gustung-gusto kong sinosorpresa ako! Mahilig din akong gumawa ng mga kard at magdrowing para ibigay sa iba dahil natutuwa sila, at natutuwa rin ako.”REUBEN, NORTHERN IRELAND.

Emily

Pagtulong sa nangangailangan: “Masaya kami kapag naghahanda ng mga pagkain para sa mga maysakit. Kung minsan, dinadalhan namin sila ng mga bulaklak, cake, o isang maliit na regalo para matuwa sila. Nag-e-enjoy kaming gawin ito dahil nadadalaw namin sila anumang panahon.”EMILY, AUSTRALIA.

Wendy

Pagsasama-sama ng pamilya: “Kapag nagsasama-sama ang aming pamilya, mas nakikilala ng mga anak namin ang kanilang mga tiyuhin, tiyahin, lolo’t lola, at mga pinsan. Dahil hindi kami obligadong gawin ito sa ilang partikular na okasyon lamang, hindi kami tensiyonado, at alam ng mga kapamilya namin na mahal namin sila kaya namin sila dinadalaw.”WENDY, CAYMAN ISLANDS.

Sandra

Kapayapaan: “Tuwing Kapaskuhan, parang napakaraming dapat gawin kaya hindi na naiisip ng mga tao ang tungkol sa kapayapaan. Alam ko na ang mga pangako ng Bibliya sa mga tao, panatag na ako. Alam kong magkakaroon ng masayang kinabukasan ang aking mga anak.”SANDRA, SPAIN.