Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN NOBYEMBRE 2012

Ang Buhay Noong Panahon ng Bibliya—Ang Pastol

Ang Buhay Noong Panahon ng Bibliya—Ang Pastol

“Papastulan niyang gaya ng pastol ang kaniyang sariling kawan. Sa pamamagitan ng kaniyang bisig ay titipunin niya ang mga kordero; at sa kaniyang dibdib ay bubuhatin niya sila.”—ISAIAS 40:11.

ANG mga pastol ay maraming beses na binanggit sa Bibliya, mula Genesis hanggang Apocalipsis. (Genesis 4:2; Apocalipsis 12:5) Sina Abraham, Moises, at Haring David ay mga pastol. Binanggit ng salmistang si David ang mga pananagutan at ikinababahala ng isang mabuting pastol. At sa isang awit na ipinapalagay na kinatha ni Asap, tinukoy si David bilang isang pastol ng bayan ng Diyos noong sinaunang panahon.—Awit 78:70-72.

Noong panahon ni Jesus, mahalagang trabaho pa rin ang pagpapastol. Tinukoy ni Jesus ang kaniyang sarili bilang “ang mabuting pastol” at madalas niyang gamitin ang mga katangian ng mabuting pastol para magturo ng mahahalagang aral. (Juan 10:2-4, 11) Maging ang Makapangyarihan-sa-lahat, ang Diyos na Jehova, ay inihalintulad din sa isang “pastol.”—Isaias 40:10, 11; Awit 23:1-4.

Anong mga hayop ang inaalagaan ng mga pastol? Ano ang nasasangkot sa kanilang trabaho? At ano ang matututuhan natin sa kanila?

Mga Tupa at Kambing

Malamang na kabilang sa inaalagaan ng mga pastol sa sinaunang Israel ang mga tupang mula sa Sirya, na may matatabang buntot at makakapal na balahibo. Ang mga barako ng ganitong tupa ay may sungay. Ang maaamong hayop na ito ay madaling pasunurin at walang  kalaban-laban sa mababangis na hayop at kapaligiran.

Ang mga pastol ay nag-aalaga rin ng mga kambing. Karaniwan nang itim o kulay-kape ang mga ito. Kapag nanginginain ang mga kambing sa mga palumpong sa mababatong dalisdis, ang mahahaba at malalapad na tainga ng mga ito ay madaling napipingas dahil sa mga tinik at dawag.

Isang hamon sa pastol ang patuloy na pagtuturo sa kaniyang mga tupa at kambing na sumunod sa mga utos niya. Pero matiyaga pa ring inaalagaan ng mabuting pastol ang kaniyang kawan. Binibigyan pa nga niya ng pangalan ang mga ito para madaling mapasunod.—Juan 10:14, 16.

Mga Kapanahunan ng Pastol

Kapag tagsibol, maaaring araw-araw na pinalalabas ng pastol ang kaniyang kawan mula sa kural, na malapit sa kaniyang bahay, para manginain ng sariwang mga damo sa kalapít na nayon. Sa panahong ito, maraming isinisilang na tupa at kambing. Sa panahon ding ito ginugupitan ng balahibo ang mga tupa, na isang masayang okasyon!

Ang isang taganayon ay maaaring may alagang iilang tupa. Kaya inuupahan niya ang isang pastol para isama nito ang kaniyang maliit na kawan sa ibang kawan. Ang upahang mga pastol ay kilaláng walang masyadong malasakit sa mga hayop na pinaaalagaan lang sa kanila.—Juan 10:12, 13.

Pagkatapos ng anihan sa mga bukid na malapit sa nayon, hinahayaan ng pastol ang kaniyang tupa na manginain ng mga bagong supang at mga natirang butil sa pinaggapasan. Kapag tag-init na, inililipat ng mga pastol ang kanilang kawan sa mas malalamig na pastulan sa matataas na lugar. Sa mga panahong iyan, ang mga pastol ay sa labas na nagtatrabaho at natutulog, anupat nababantayan ang kawan sa panginginain ng mga ito sa matatarik na dalisdis at sa pagsapit ng gabi. Kung minsan, maaaring isilong ng pastol ang kaniyang kawan sa isang kuweba para protektahan mula sa mga chakal at hayina. Sa gabi, kapag nabulahaw ng ungal ng isang hayina ang kawan, kumakalma ang mga tupa kapag naririnig ng mga ito ang boses ng pastol.

Tuwing gabi, binibilang ng pastol ang kaniyang tupa at sinusuri ang kalusugan ng mga ito. Sa umaga, kapag tinawag na niya ang kawan, sinusundan na siya ng mga ito sa pastulan. (Juan 10:3, 4) Sa tanghali, inaakay naman ng pastol ang kawan sa mga tipunang-tubig para makainom. Kapag tuyô ang mga tipunang-tubig, inaakay niya ang kawan sa balon at isinasalok ng maiinom.

Sa pagtatapos ng tag-init, maaaring ilipat ng pastol ang kaniyang kawan sa mga baybaying kapatagan at libis. Kapag nagsimula na ang  tag-ulan, iniuuwi na niya ang mga ito sa kanilang kural para doon magpalipas ng taglamig. Maaari kasing mamatay ang mga ito dahil sa malakas na ulan, bagyo ng graniso, at niyebe. Mula Nobyembre hanggang sa tagsibol, hindi hinahayaan ng mga pastol na manginain sa labas ang kanilang kawan.

Kagamitan sa Trabaho

Ang kasuutan ng pastol ay simple lang pero matibay. Bilang proteksiyon sa ulan at malamig na hangin sa gabi, ang pastol ay maaaring nagsusuot ng balabal na gawa sa balat ng tupa at ang bahaging may balahibo ang nakalapat sa panloob niyang tunika. Ang sandalyas ay proteksiyon naman ng mga paa niya mula sa matutulis na bato at tinik. Binabalot din niya ng hinabing telang lana ang kaniyang ulo.

Karaniwan nang kabilang sa mga kagamitan ng pastol ang sumusunod: Isang maliit na supot na katad na lalagyán ng pagkain, gaya ng tinapay, olibo, pinatuyong prutas, at keso (1); pamalo, na nagsisilbing sandata at karaniwan nang isang metro ang haba at may matutulis na bato sa isang dulo nito (2); kutsilyo (3); baston, na pantukod ng pastol kapag naglalakad at umaakyat (4); lalagyan ng tubig (5); isang katad na panalok ng tubig sa balon (6); panghilagpos ng bato, na ginagamit niya para pabalikin ang napapalayong tupa o kambing o para itaboy ang mababangis na hayop (7); at tambong pipa, na tinutugtog niya para aliwin ang kaniyang sarili at pakalmahin ang kawan (8).

Bilang kapalit ng pag-aalaga ng pastol, nakakakuha naman siya sa kaniyang kawan ng mga produktong gaya ng gatas at karne. Ang balahibo at balat ng mga ito ay ginagamit na pambayad at ginagawang mga kasuutan at sisidlan. Ang balahibo ng mga kambing ay iniikid para gawing tela. At ang mga tupa at kambing ay parehong inihahandog bilang hain.

Isang Huwaran

Ang isang mabuting pastol ay masipag, maaasahan, at matapang. Isinasapanganib pa nga nila ang kanilang buhay para protektahan ang kawan.—1 Samuel 17:34-36.

Kaya hindi nakapagtatakang ginamit ni Jesus at ng kaniyang mga alagad ang pastol bilang isang huwaran para sa mga tagapangasiwang Kristiyano. (Juan 21:15-17; Gawa 20:28) Tulad ng isang mabuting pastol noong panahon ng Bibliya, ang mga tagapangasiwa sa kongregasyon sa ngayon ay nagsisikap na ‘pastulan ang kawan ng Diyos na nasa kanilang pangangalaga nang hindi napipilitan, kundi maluwag sa kalooban; ni hindi dahil sa pag-ibig sa di-tapat na pakinabang, kundi may pananabik.’—1 Pedro 5:2.