Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Ang Bantayan  |  Oktubre 2012

 Tanong ng mga Mambabasa

Nakadepende ba sa Pag-aasawa ang Kaligayahan ng Isang Tao?

Nakadepende ba sa Pag-aasawa ang Kaligayahan ng Isang Tao?

Itinuturo ba ng Bibliya na dapat kang mag-asawa para maging maligaya? Sa unang tingin, parang ganoon nga. Bakit?

Ayon sa Genesis, nakita ng Diyos na “hindi mabuti” para sa unang lalaking si Adan na manatiling nag-iisa. Kaya nilalang ng Diyos si Eva para maging “kapupunan” ni Adan. (Genesis 2:18) Mula sa ulat na iyan, maaaring isipin natin na hindi kumpleto ang isang tao kung wala siyang asawa. Bukod diyan, may mga ulat sa Bibliya na naglalarawan sa pag-aasawa bilang pinagmumulan ng mga pagpapala at kagalakan. Isang halimbawa niyan ang ulat tungkol kay Ruth.

Pero itinuturo nga ba ng mga ulat na iyan na ang mga Kristiyano sa ngayon ay hindi magiging maligaya at kumpleto kung wala silang asawa at anak? Hindi naman. Si Jesu-Kristo ay nanatiling walang asawa hanggang kamatayan. Pero hindi siya nakadama na siya ay di-kumpleto. Si Jesus, ang pinakamarunong na taong nabuhay kailanman, ay katulad na katulad din ng “maligayang Diyos,” si Jehova. (1 Timoteo 1:11; Juan 14:9) Sinabi ni Jesus kung paano magiging maligaya sa daigdig na ito. (Mateo 5:1-12) Hindi kasama riyan ang pag-aasawa.

Kung gayon, nagkakasalungatan ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paksang ito? Hindi. Kailangan nating isaalang-alang ang pag-aasawa ayon sa layunin dito ni Jehova. Bagaman nilayon niyang pagmulan ng kagalakan, matalik na ugnayan, at kaaliwan ang pag-aasawa, may mahalagang papel din itong ginagampanan kung minsan para matupad ang ilang aspekto ng kaniyang kalooban. Halimbawa, nilayon ng Diyos na sina Adan at Eva ay ‘magpalaanakin, magpakarami, at punuin ang lupa.’ (Genesis 1:28) Hindi iyan magagawa nina Adan at Eva kung wala ang isa’t isa.

Sa katulad na paraan, may mahalagang papel ding ginampanan ang pag-aasawa at buhay-pamilya para matupad ang layunin ni Jehova sa bansang Israel. Gusto niyang dumami ang populasyon ng bansa para hindi ito madaig ng mga kaaway. Nilayon din niya na sa tribo ng Juda magmula ang Mesiyas, na magliligtas sa tapat na sangkatauhan mula sa mga epekto ng kasalanan at kamatayan. (Genesis 49:10) Kaya para sa tapat na mga babaing Israelita, ang pag-aasawa at pagkakaroon ng anak ay isang espesyal na pribilehiyo, at ang pagiging walang asawa at anak ay magdudulot sa kanila ng pighati at kahihiyan.

Kumusta naman sa ngayon? Ang mga Kristiyano ba sa siksikan nang planetang ito ay obligadong mag-asawa at mag-anak bilang pagsunod sa utos noon ng Diyos na ‘punuin ang lupa’? Hindi. (Mateo 19:10-12) Dahil natupad na rin ang mga hula tungkol sa Mesiyas, hindi na kailangang protektahan ng Diyos ang angkan o bansang pagmumulan ng Tagapagligtas na iyan. Kung gayon, ano ang dapat na maging pangmalas ng mga Kristiyano sa pag-aasawa at pagiging walang asawa?

Ang totoo, parehong regalo ang mga iyan mula sa Diyos. Gaya ng alam mo, may regalo na bagay na bagay sa isang tao pero hindi naman bagay sa iba. Ang pag-aasawa ay isang sagradong kaayusan na pinagmumulan ng pag-ibig, pagsasamahan, at isang matibay na pundasyon ng pamilya. Pero binabanggit din sa Bibliya na ang mga nag-aasawa sa di-perpektong daigdig na ito ay daranas ng mga problema o “kapighatian sa kanilang laman.” Ang pagiging walang asawa naman ay hindi itinuturing ni Jehova na sanhi ng pighati at kahihiyan. Sa halip, sinasabi sa kaniyang Salita na iyan ay may ilang partikular na bentaha kumpara sa pag-aasawa.1 Corinto 7:28, 32-35.

Kaya ang Bibliya ay naghaharap ng timbang na pangmalas hinggil sa pag-aasawa at pagiging walang asawa. Bilang Tagapagpasimula ng pag-aasawa at pamilya, gusto ni Jehova na maging maligaya ang lahat ng kaniyang lingkod, may asawa man o wala.