Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN AGOSTO 2011

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

BAKIT nagpasiyang maging Saksi ang isang dating maraming asawa at galít sa mga Saksi ni Jehova? Bakit nagbago ng paniniwala ang isang pastor ng Pentecostal Church? Ano ang nakatulong sa isang babaing may pangit na pinagdaanan noong bata pa na mapagtagumpayan ang pagkamuhi sa sarili at maging malapít sa Diyos? Paano naging isang ministro ng relihiyon ang isang mahilig sa musikang heavy metal? Basahin ang kanilang kuwento.

“Naging Mas Mabuti Akong Asawa.”—RIGOBERT HOUETO

  • ISINILANG: 1941

  • BANSANG PINAGMULAN: BENIN

  • DATING MARAMING ASAWA AT GALÍT SA MGA SAKSI NI JEHOVA

ANG AKING NAKARAAN:

Ako ay taga-Cotonou, isang malaking lunsod sa Benin. Pinalaki akong Katoliko pero hindi ako palasimba. Maraming Katoliko sa lugar namin ang hindi lang isa ang asawa, kasi legal noon ang poligamya. Apat ang naging asawa ko.

Nang sumiklab ang isang rebolusyon noong dekada ’70, inakala kong mapapabuti ang aming bansa. Sinuportahan ko nang husto ang rebolusyon at nakisali ako sa pulitika. Ayaw ng mga rebolusyonaryo sa mga Saksi ni Jehova dahil neutral ang mga ito. Isa ako sa mga umusig sa mga Saksi. Noong 1976, pinalayas sa Benin ang mga misyonerong Saksi. Kumbinsido akong hindi na sila makababalik pa.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:

Natapos ang rebolusyon noong 1990. Nagulat ako nang makakita na naman ako ng mga misyonerong Saksi. Naisip ko tuloy na baka sinusuportahan nga ng Diyos ang mga taong ito. Noong panahong iyon, lumipat ako ng pinagtatrabahuhan. Ang isa sa bago kong katrabaho ay Saksi. Ibinahagi niya agad sa akin ang kaniyang paniniwala. Ipinakita niya sa akin ang mga teksto sa Bibliya na naglalarawan kay Jehova bilang Diyos ng pag-ibig at katarungan. (Deuteronomio 32:4; 1 Juan 4:8) Nagustuhan ko ang mga katangiang iyon. Gusto ko pang matuto tungkol kay Jehova kaya tinanggap ko ang alok niyang mag-aral ng Bibliya.

Di-nagtagal, dumalo na ako sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Humanga ako sa tunay na pag-ibig nila sa isa’t isa. Hindi sila tumitingin sa lahi o katayuan sa buhay. Habang nakikisama ako sa mga Saksi, lalo kong napatutunayang sila ang tunay na mga tagasunod ni Jesus.Juan 13:35.

Naisip ko na kung gusto kong maglingkod kay Jehova, kailangan kong iwan ang Simbahang Katoliko. Hindi iyon madaling gawin dahil natatakot ako sa iisipin ng iba. Pagkalipas ng mahabang panahon at sa tulong ni Jehova, nagkaroon ako ng lakas ng loob na iwan ang simbahan.

 May isa pang malaking pagbabago na dapat kong gawin. Sa pag-aaral ko ng Bibliya, natutuhan kong ayaw ng Diyos sa poligamya. (Genesis 2:18-24; Mateo 19:4-6) Sa mata ng Diyos, ang una kong pinakisamahan ang tunay kong asawa. Kaya ipinarehistro ko ang aming kasal, at hiniwalayan ko ang iba kong mga asawa. Pero sinustentuhan ko pa rin sila. Nang maglaon, dalawa sa kanila ang naging Saksi ni Jehova.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG:

Bagaman Katoliko pa rin ang aking asawa, iginagalang naman niya ang desisyon kong maglingkod kay Jehova. Pareho naming napansin na naging mas mabuti akong asawa.

Inisip ko noon na mapasusulong ko ang komunidad namin sa pamamagitan ng pulitika, pero wala ring nangyari. Ngayon, malinaw na sa akin na ang Kaharian ng Diyos ang tanging solusyon sa mga problema ng tao. (Mateo 6:9, 10) Nagpapasalamat ako kay Jehova dahil ipinakita niya sa akin kung paano magiging tunay na maligaya ang aking buhay.

“Hindi Madaling Gawin ang mga Pagbabagong Ito.”—ALEX LEMOS SILVA

  • ISINILANG: 1977

  • BANSANG PINAGMULAN: BRAZIL

  • DATING PASTOR NG PENTECOSTAL CHURCH

ANG AKING NAKARAAN:

Lumaki ako sa lunsod ng Itu, sa São Paulo. Kilala ang lugar namin sa dami ng krimen.

Napakarahas ko at napakaimoral. Sangkot din ako sa bentahan ng droga. Nang maglaon, naisip kong tiyak na sa bilangguan o sementeryo ang bagsak ko nito. Kaya iniwan ko ang gayong buhay at umanib sa Pentecostal Church, kung saan ako naging pastor.

Naisip kong matutulungan ko ang mga tao sa aking pagiging pastor. Nagbobrodkast pa nga ako sa aming lugar ng isang programa tungkol sa relihiyon, kaya naging kilala ako sa amin. Pero unti-unti kong nakita na wala talagang pakialam ang simbahan sa mga miyembro nito. At mas masahol pa rito, hindi nila pinararangalan ang Diyos. Napansin kong ang gusto lang ng simbahan ay magkapera. Ipinasiya kong magbitiw sa simbahan.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:

Nang magsimula akong makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, kitang-kita ko agad ang pagkakaiba nito sa ibang mga relihiyon. Dalawang bagay ang talagang hinangaan ko. Una, hindi lang basta sinasabi ng mga Saksi ni Jehova ang tungkol sa pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa; ipinakikita rin nila ito. Ikalawa, hindi sila nakikisali sa pulitika o digmaan. (Isaias 2:4) Dahil dito, nakumbinsi akong natagpuan ko na ang tunay na relihiyon—ang masikip na daan na umaakay tungo sa buhay na walang hanggan.Mateo 7:13, 14.

Naisip kong para mapasaya ang Diyos, kailangan kong gumawa ng ilang pagbabago. Kailangan kong bigyan ng higit na atensiyon ang aking pamilya. Kailangan ko ring maging mas mapagpakumbaba. Hindi madaling   gawin ang mga pagbabagong ito, pero sa tulong ni Jehova, nagawa ko naman. Humanga ang aking asawa. Nauna siyang mag-aral ng Bibliya, pero naging mas mabilis na ang pagsulong niya kaysa noon. Di-nagtagal, nagpasiya kaming mag-asawa na maging mga Saksi ni Jehova. Magkasabay kaming nabautismuhan.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG:

Maligaya kaming mag-asawa sa pagtulong sa aming tatlong anak para maging malalapít na kaibigan ni Jehova. Masaya ang aming pamilya. Nagpapasalamat ako kay Jehova na inakay niya ako sa katotohanang nasa kaniyang Salita, ang Bibliya. Talagang binabago nito ang buhay ng mga tao! Isa na ako roon.

“Pakiramdam Ko’y Malinis at Buo na ang Pagkatao Ko.”—VICTORIA TONG

  • ISINILANG: 1957

  • BANSANG PINAGMULAN: AUSTRALIA

  • MAY PANGIT NA PINAGDAANAN NOONG BATA PA

ANG AKING NAKARAAN:

Lumaki ako sa Newcastle, New South Wales. Ako ang panganay sa aming pitong magkakapatid. Marahas ang mga magulang ko, at alkoholiko pa si Itay. Binubugbog ako ni Inay at pinagsasalitaan nang masakit. Lagi niyang sinasabi sa akin na salbahe ako at masusunog ako sa impiyerno. Talagang natakot ako sa sinabi niya.

Dahil sa pambubugbog ni Inay, madalas akong absent sa paaralan. Noong 11 anyos ako, kinuha ako mula sa aking mga magulang at pinatira sa isang institusyon ng gobyerno at pagkatapos ay sa isang kumbento. Nang 14 anyos na ako, tumakas ako sa kumbento. Ayokong umuwi kaya nagpalabuy-laboy ako sa mga lansangan ng Kings Cross sa Sydney.

Nasangkot ako sa droga, alkohol, pornograpya, at prostitusyon. Isang pangyayari ang talagang ikinatakot ko. Nakatira ako noon sa apartment ng may-ari ng isang nightclub. Isang gabi, may dalawang lalaking dumating. Pinapasok niya ako sa kuwarto, pero naririnig ko ang pinag-uusapan nila. Ibinibenta ako ng may-ari ng club sa dalawang lalaking ito. Isasakay nila ako sa isang cargo ship at pagtatrabahuhin sa isang bar sa Japan. Nagpanik ako at tumalon mula sa balkonahe para humingi ng tulong.

May nakita akong lalaki na bumibisita sa Sydney. Ipinaliwanag ko sa kaniya ang aking kalagayan sa pag-asang bibigyan niya ako ng pera. Pero inanyayahan niya ako sa tinutuluyan niya para makapaligo ako at makakain. Mula noon, nakisama na ako sa kaniya. Pagkalipas ng isang taon, nagpakasal kami.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:

Nang magsimula akong makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, iba-iba ang naramdaman ko. Nagalit ako nang malaman kong si Satanas pala ang sanhi ng kasamaan; ang buong akala ko’y ang Diyos ang dahilan ng ating pagdurusa. Laking ginhawa ko ng malaman kong hindi pala sinusunog ng Diyos ang mga tao sa impiyerno, isang turo na napakatagal kong kinatakutan.

Hanga ako sa mga Saksi dahil ibinabatay nila sa Bibliya ang kanilang mga desisyon. Namumuhay  sila ayon sa kanilang paniniwala. Makitid ang utak ko noon. Pero sa kabila ng mga sinabi o ginawa ko, minahal at iginalang pa rin ako ng mga Saksi.

Gayunman, ang talagang nagpahirap sa akin ay ang pagkadama na wala akong kuwentang tao. Namumuhi ako sa aking sarili, at nadarama ko pa rin ito kahit matagal na akong nabautismuhan bilang Saksi ni Jehova. Alam kong mahal ko si Jehova, pero iniisip kong hindi niya kailanman mamahalin ang isang tulad ko.

Nabago ang isip ko mga 15 taon pagkabautismo sa akin. Sa isang pahayag sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, binasa ng tagapagsalita ang Santiago 1:23, 24. Itinulad ng mga talatang ito ang Salita ng Diyos sa isang salamin kung saan puwede nating makita ang ating sarili ayon sa tingin ni Jehova sa atin. Naisip ko tuloy, ‘Iba nga kaya ang nakikita ni Jehova kaysa sa nakikita ko sa aking sarili?’ Noong una, iniisip ko pa rin na hindi ako mamahalin ni Jehova.

Pagkalipas ng ilang araw, may nabasa akong teksto na bumago sa aking buhay. Iyon ay ang Isaias 1:18, kung saan sinabi ni Jehova: “Halikayo ngayon at ituwid natin ang mga bagay-bagay sa pagitan natin. . . . Bagaman ang mga kasalanan ninyo ay maging gaya ng iskarlata, ang mga ito ay mapapuputing gaya ng niyebe.” Pakiramdam ko’y sinasabi sa akin mismo ni Jehova: “Halika Vicky, ayusin natin ang mga bagay-bagay sa pagitan nating dalawa. Kilala kita, alam ko ang iyong mga kasalanan, nababasa ko ang iyong puso—at mahal kita.”

Hindi ako nakatulog nang gabing iyon. Duda pa rin ako kung mamahalin ako ni Jehova, pero naisip ko ang haing pantubos ni Jesus. Bigla akong natauhan na matagal na pala akong pinagtitiisan ni Jehova, at sa maraming paraan ay ipinakikita niyang mahal niya ako. Pero parang sinasabi ko sa kaniya: “Gaanuman kalaki ang pag-ibig mo, kulang pa rin iyan para mahalin ako. Hindi kayang takpan ng sakripisyo ng iyong Anak ang aking mga kasalanan.” Parang isinasauli ko kay Jehova ang pantubos. Pero sa wakas, dahil sa pagbubulay-bulay sa regalong ito ng pantubos, nadarama ko nang mahal ako ni Jehova.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG:

Pakiramdam ko’y malinis at buo na ang pagkatao ko. Gumanda ang pagsasama naming mag-asawa, at masaya ako dahil nagagamit ko ang aking karanasan para tulungan ang iba. Nadarama kong mas nagiging malapít na ako kay Jehova.

“Ito na ang Sagot sa Panalangin Ko.”—SERGEY BOTANKIN

  • ISINILANG: 1974

  • BANSANG PINAGMULAN: RUSSIA

  • DATING MAHILIG SA MUSIKANG HEAVY METAL

ANG AKING NAKARAAN:

Isinilang ako sa Votkinsk. Dito rin ipinanganak ang sikat na kompositor na si Pyotr Ilich Tchaikovsky. Mahirap lang ang pamilya namin. Maraming magagandang katangian si Itay, pero alkoholiko siya kaya lagi kaming tensiyonado sa bahay.

Hindi ako matalinong estudyante. At sa paglipas ng mga taon, nagkaroon ako ng inferiority complex. Gusto kong laging nag-iisa at wala akong tiwala sa iba. Stress na stress ako  kapag nasa paaralan. Halimbawa, kapag may report ako, madalas na hindi ko maipaliwanag kahit ang simpleng mga bagay na kaya ko namang ipaliwanag sa ibang mga pagkakataon. Noong nasa haiskul ako, ganito ang nasa report card ko: “Limitado ang bokabularyo, hindi kayang sabihin ang nasa isip.” Talagang nasaktan ako sa mga salitang iyon at lalo kong nadamang wala akong halaga. Naisip ko tuloy kung may saysay pa ang buhay ko.

Tin-edyer pa lang ako ay umiinom na ako ng alak. Sa simula, ang sarap ng pakiramdam pero kapag napasobra na, nakokonsiyensiya ako. Tila walang kabuluhan ang buhay ko. Lalo akong nadepres. Kaya kung minsan, nagkukulong ako sa bahay nang ilang araw. Naisip ko ring magpakamatay.

Pagtuntong ko ng 20 anyos, nagbago ang buhay ko dahil sa musikang heavy metal. Sumisigla ako kapag nakaririnig nito at naghanap ako ng iba pang mahilig sa musikang ito. Nagpahaba ako ng buhok, nagpabutas ng tainga, at nagbihis na gaya ng mga hinahangaan kong miyembro ng banda ng heavy metal. Unti-unti akong naging iresponsable at agresibo. Madalas akong makipagtalo sa aking pamilya.

Akala ko’y mapasasaya ako ng musikang heavy metal, pero hindi ganoon ang nangyari. Naging ibang tao na ako! At nang makabalita ako ng masasamang bagay tungkol sa mga hinahangaan ko, pakiramdam ko’y tinraidor ako.

Naisip ko uling magpakamatay—at ngayon, seryoso ako. Ang nakapigil lang sa akin ay si Inay, alam ko kasing labis siyang masasaktan. Mahal na mahal niya ako, at napakarami na niyang nagawa para sa akin. Napakahirap ng sitwasyon ko, gusto kong magpakamatay pero hindi ko magawa.

Kaya ibinaling ko na lang ang isip ko sa pagbabasa ng classic Russian literature. Nabasa ko ang tungkol sa isang bayaning naglingkod sa simbahan. Parang biglang may gustung-gusto akong gawin para sa Diyos at sa ibang tao. Ibinuhos ko ang niloloob ko sa Diyos sa panalangin, isang bagay na noon ko lang ginawa. Hiniling ko sa Diyos na ituro sa akin kung paano magiging makabuluhan ang aking buhay. Habang nananalangin ako, gumagaan ang pakiramdam ko. Ang mas nakatutuwa ay ang sumunod na nangyari. Pagkalipas lang ng dalawang oras, isang Saksi ni Jehova ang kumatok sa pinto namin at inalok ako ng isang pag-aaral sa Bibliya. Ito na ang sagot sa panalangin ko. Iyon ang simula ng isang bago at masayang buhay ko.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:

Bagaman napakahirap, itinapon ko ang lahat ng bagay na may kinalaman sa musikang heavy metal. Pero hindi agad nabura sa isip ko ang musikang ito. Kapag napapadaan ako sa mga lugar na nagpapatugtog nito, bigla kong naaalaala ang aking nakaraan. Ayoko nang mahaluan ng pangit na mga alaala ang magagandang bagay na tumitimo na ngayon sa aking puso’t isipan. Kaya iniwasan ko ang mga lugar na iyon. At kapag naiisip ko ang nakaraan, taimtim akong nananalangin. Sa paggawa nito, nakadarama ako ng “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.”Filipos 4:7.

Habang nag-aaral ako ng Bibliya, natutuhan kong obligasyon ng mga Kristiyano na sabihin sa iba ang kanilang pananampalataya. (Mateo 28:19, 20) Iniisip kong hindi ko talaga iyon kayang gawin. Pero ang mga bagong bagay na natututuhan ko ay nagdudulot sa akin ng malaking kagalakan at kapayapaan ng kalooban. Kailangan din itong malaman ng iba. Kahit takót, sinimulan kong ipakipag-usap sa iba ang aking natututuhan. Nagulat ako sa resulta. Nagkaroon ako ng kumpiyansa sa sarili! At lalong tumagos sa puso ko ang aking mga bagong paniniwala.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG:

May asawa na ako ngayon, at masaya kami. Marami na rin akong natulungang matuto tungkol sa Bibliya, kasama na ang kapatid ko at ang nanay ko. Dahil sa paglilingkod sa Diyos at pagtulong sa iba na matuto tungkol sa kaniya, nagkaroon ng kabuluhan ang buhay ko.