Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN MAYO 2010

Ano ang Kingdom Hall?

Ano ang Kingdom Hall?

 Tanong ng mga Mambabasa . . .

Ano ang Kingdom Hall?

▪ Ang Kingdom Hall ay isang dako ng pagsamba ng mga Saksi ni Jehova. May sampu-sampung libong Kingdom Hall sa buong daigdig. Linggu-linggo, mahigit 105,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ang nagtitipon dito.

Dito isinasagawa ang mga programa para sa pag-aaral sa Bibliya at mga pahayag. Karaniwan nang may stage para sa pagtuturo at pangangasiwa sa mga pulong. May mga upuan din para sa 100 hanggang 300 katao. Ang ilang Kingdom Hall ay mayroon ding iba pang silid, isang opisina, at maliit na aklatan ng mga literaturang salig-Bibliya at mga reperensiyang magagamit para sa pagsasaliksik ng mga miyembro ng kongregasyon.

Walang makikitang anumang altar, imahen, o krus sa Kingdom Hall na karaniwan sa mga simbahan. Bakit? Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na ang paggamit ng mga iyon ay salungat sa utos ng Bibliya na “tumakas . . . mula sa idolatriya.” (1 Corinto 10:14; Juan 4:24) Marangya at magarbo ang maraming simbahan at templo. Pero simple at praktikal ang disenyo ng mga Kingdom Hall. Mas binibigyang-pansin ang pagtuturo hinggil sa Bibliya na ginaganap dito kaysa sa gusali mismo.

Bakit tinatawag itong Kingdom Hall? Ang mga pagtitipong ginaganap dito ay tungkol sa mga turo ng Bibliya at ang pangunahing mensahe nito hinggil sa “kaharian ng Diyos,” ang tema ng pangangaral ni Jesus. (Lucas 4:43) Kaya ang pangalang Kingdom Hall na nabuo noong dekada ng 1930 ay angkop sa layunin ng gusaling ito—ang pagtataguyod ng tunay na pagsamba at pagiging sentro ng pangangaral ng ‘mabuting balita ng kaharian.’ (Mateo 24:14) Hindi ginagamit ang mga ito sa sosyal na mga pagtitipon o negosyo. Ang gastos sa pagtatayo, ilaw at tubig, at suporta sa gawaing pangangaral ay tinutustusan ng boluntaryong mga donasyon. Walang sinuman ang pinipilit na magbigay ng pera sa kanilang mga pagtitipon. Sa halip, may kahon sa isang lugar para sa mga nais mag-abuloy.

Iisa ang layunin ng mga Kingdom Hall sa buong daigdig bagaman iba-iba ang laki at istilo ng mga ito. Ang disenyo ay depende sa makukuhang mga materyales, klima, at pinansiyal na kakayahan ng mga Saksi ni Jehova sa isang lugar. Ang ilang Kingdom Hall ay gawa sa laryo, kahoy, at bato. Ang iba naman ay walang dingding o kawayan ang dingding, at pawid ang bubong.

Malugod na tinatanggap ang lahat sa mga pagtitipon sa Kingdom Hall. (Hebreo 10:25) Sa katunayan, linggu-linggo ay may isang pagtitipon na bukás sa publiko na tumatalakay sa isang paksa sa Bibliya na kawili-wili sa mga miyembro ng kongregasyon at sa mga bisita. Bakit hindi mo subukang bumisita sa Kingdom Hall sa inyong lugar?

[Larawan sa pahina 31]

Malawi, Aprika

[Mga Larawan sa pahina 31]

Inglatera, Gran Britanya