Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

Ang Bantayan—Edisyon Para sa Pag-aaral  |  Disyembre 2015

Aalalayan Ka ni Jehova

Aalalayan Ka ni Jehova

“Aalalayan siya ni Jehova sa kama ng karamdaman.”—AWIT 41:3.

AWIT: 23, 138

1, 2. Kapag may sakit, ano ang naiisip ng ilan? Ano ang ginawa ng Diyos noong panahon ng Bibliya?

KUNG may malubha kang karamdaman, naiisip mo ba: ‘Gagaling pa kaya ako?’ O baka may sakit ang isang kapamilya o kaibigan at iniisip mo kung gagaling pa siya. Normal lang na mabahala sa ganiyang sitwasyon. Halimbawa, noong panahon ng mga propetang sina Elias at Eliseo, dalawang hari ang nag-alala sa kanilang kalusugan. Si Haring Ahazias, anak nina Ahab at Jezebel, ay nagtanong kung gagaling pa siya pagkatapos ng isang matinding aksidente. Nang magkaroon naman ng malubhang karamdaman si Haring Ben-hadad ng Sirya, naitanong niya: “Gagaling ba ako sa sakit na ito?”—2 Hari 1:2; 8:7, 8.

2 Kapag may sakit, gusto rin nating gumaling tayo at ang mga mahal natin sa buhay. Pero iniisip natin kung tutulungan tayo ng Diyos. Noong panahon ng nabanggit na mga hari, gumagawa ang Diyos ng ilang himala may kaugnayan sa kalusugan ng mga tao. Sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta, bumuhay pa nga si Jehova ng mga patay. (1 Hari 17:17-24; 2 Hari 4:17-20, 32-35) Dapat ba tayong umasa na gagawin din iyan ng Diyos sa panahon natin?

3-5. Anong kapangyarihan mayroon ang Diyos at si Jesus? Anong mga tanong ang bumabangon?

3 Ipinakikita ng Bibliya na may kapangyarihan ang Diyos na  apektuhan ang kalusugan ng isa. Halimbawa, bilang parusa, binigyan niya ng sakit ang Paraon noong panahon ni Abraham, at ang kapatid ni Moises na si Miriam. (Gen. 12:17; Bil. 12:9, 10; 2 Sam. 24:15) Binabalaan ng Diyos ang mga Israelita na kung hindi sila mananatiling tapat, pasasapitan niya sila ng bawat uri ng ‘sakit at salot.’ (Deut. 28:58-61) Sa kabilang panig naman, kayang alisin ni Jehova ang mga karamdaman o protektahan ang isa mula sa sakit. (Ex. 23:25; Deut. 7:15) May kapangyarihan din siyang magpagaling ng mga maysakit. Nang magkaroon si Job ng malubhang sakit at gusto na niyang mamatay, pinagaling siya ng Diyos!—Job 2:7; 3:11-13; 42:10, 16.

4 Oo, ang Diyos ay may kapangyarihang magpagaling. Ganiyan din si Jesus. Mababasa natin sa Bibliya na makahimala niyang pinagaling ang mga ketongin, epileptiko, bulag, at mga paralisado. (Basahin ang Mateo 4:23, 24; Juan 9:1-7) Nakapagpapatibay isipin na ang mga ginawang pagpapagaling ni Jesus noon ay patikim ng gagawin niya sa bagong sanlibutan. Doon, “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’”—Isa. 33:24.

5 Pero kung magkasakit tayo ngayon, dapat ba tayong umasa na makahimala tayong pagagalingin ng Diyos o ni Jesus? Ano ang tamang pananaw sa malulubhang sakit o karamdaman at pagpapagamot?

AALALAYAN KA NI JEHOVA SA PANAHON NG PAGKAKASAKIT

6. Ayon sa Bibliya, ano ang mangyayari sa “mga kaloob na pagpapagaling” na ibinigay sa ilang unang Kristiyano?

6 Ipinakikita ng Bibliya na noong unang siglo, binigyan ng Diyos ang ilang pinahirang Kristiyano ng kakayahang gumawa ng mga himala. (Gawa 3:2-7; 9:36-42) Kabilang sa “sari-saring kaloob” ng espiritu ang “mga kaloob na pagpapagaling.” (1 Cor. 12:4-11) Pero binabanggit ng Bibliya na ang gayong mga kaloob, pati na ang pagsasalita ng mga wika at panghuhula, ay aalisin. (1 Cor. 13:8) Kaya hindi na natin dapat asahan na gagawa ang Diyos ng mga himala para pagalingin tayo o ang mga mahal natin sa buhay.

7. Ano ang tinitiyak sa atin ng Awit 41:3?

7 Pero kapag nagkasakit tayo, puwede tayong umasa sa Diyos para sa kaaliwan, karunungan, at tulong, gaya ng ginawa ng mga mananamba niya noong panahon ng Bibliya. Isinulat ni Haring David: “Maligaya ang sinumang gumagawi nang may pakundangan sa maralita; sa araw ng kapahamakan ay paglalaanan siya ni Jehova ng pagtakas. Babantayan siya ni Jehova at iingatan siyang buháy.” (Awit 41:1, 2) Hindi ibig sabihin ni David na hindi na mamamatay ang isang nagpapakita ng pakundangan sa maralita. Kaya sa anong diwa iingatang buháy ni Jehova ang mapagpakundangan? Ipinaliwanag ni David: “Aalalayan siya ni Jehova sa kama ng karamdaman; ang buong higaan niya ay papalitan mo nga sa panahon ng kaniyang pagkakasakit.” (Awit 41:3) Oo, ang isa na nagpapakita ng pakundangan sa maralita ay makatitiyak na alam ng Diyos ang kaniyang sitwasyon at pinahahalagahan Niya ang kaniyang tapat na landasin. Makatutulong din sa kaniya ang kaniyang bigay-Diyos na katawan, na may kakayahang pagalingin ang sarili, para bumuti ang kaniyang kalusugan.

8. Ayon sa Awit 41:4, ano ang hinihiling ni David kay Jehova?

8 Dahil sa naranasan ni David, nanalangin siya: “O Jehova, pagpakitaan mo ako ng lingap. Pagalingin mo ang aking kaluluwa, sapagkat nagkasala ako laban sa iyo.” (Awit 41:4) Marahil isinulat niya ito noong tangkain ni Absalom na agawin ang trono. May sakit si David noon kaya nahirapan siya sa kaniyang sitwasyon. Alam niya na ang ugat ng mga problema niya ay ang kasalanan niya kay Bat-sheba. (2 Sam. 12:7-14) Pero tiwala si David na pinatawad na siya ng  Diyos at aalalayan Niya siya sa kaniyang pagkakasakit. Umaasa ba siya na makahimala siyang pagagalingin para humaba ang buhay niya?

9. (a) Ano ang ginawa ni Jehova para kay Haring Hezekias? (b) Ano ang maaaring inaasahan ni David mula kay Jehova?

9 Totoong may mga pagkakataon na pinagagaling ng Diyos ang mga maysakit. Halimbawa, maraming taon pagkaraan ng panahon ni David, “nagkasakit si Hezekias at nasa bingit na ng kamatayan.” Pinagaling siya ng Diyos at nabuhay pa nang 15 taon. (2 Hari 20:1-6) Sa kabilang banda, hindi hinihiling ni David na makahimala siyang pagalingin ng Diyos. Ipinakikita ng konteksto na hinihiling ni David kay Jehova na tulungan siya gaya ng pagtulong Niya sa nagpapakundangan sa maralita. Kasama roon ang pag-alalay sa kaniya “sa kama ng karamdaman.” Dahil pinatawad na si David, makahihiling siya ng kaaliwan at tulong mula sa Diyos. Hiniling din niya na ang kaniyang katawan, na may kakayahang pagalingin ang sarili, ay makatulong para bumuti ang kaniyang kalusugan. (Awit 103:3) Puwede rin nating gawin iyan.

10. Ano ang matututuhan natin sa karanasan nina Trofimo at Epafrodito?

10 Tulad ni David, hindi rin makahimalang pinagaling si Trofimo, isang kasamahan ni apostol Pablo, kahit pa binigyan ang apostol ng kapangyarihang magpagaling. (Basahin ang Gawa 14:8-10.) Ginamit ni Pablo ang kapangyarihang iyon nang ang “ama ni Publio ay nakahiga na napipighati dahil sa lagnat at disintirya.” Si Pablo ay “nanalangin, ipinatong ang kaniyang mga kamay sa kaniya at pinagaling siya.” (Gawa 28:8) Pero hindi iyon ginawa ni Pablo kay Trofimo, na kasama niya sa isang paglalakbay bilang misyonero. (Gawa 20:3-5, 22; 21:29) Nang magkasakit si Trofimo at hindi na kayang sumama kay Pablo, hindi siya pinagaling ng apostol; iniwan siya nito sa Mileto para magpagaling. (2 Tim. 4:20) At nang magkasakit naman si Epafrodito “anupat halos mamatay na,” walang ulat sa Bibliya na gumawa si Pablo ng himala para pagalingin ang malapít niyang kaibigan.—Fil. 2:25-27, 30.

MAGING MAKATUWIRAN SA MGA PAYONG PANGKALUSUGAN

11, 12. Bakit malaking tulong si Lucas kay Pablo? Ano ang masasabi natin sa kuwalipikasyon ni Lucas bilang manggagamot?

11 Nakasama rin ni Pablo sa paglalakbay “si Lucas ang minamahal na manggagamot,” na sumulat ng aklat ng Mga Gawa. (Col. 4:14; Gawa 16:10-12; 20:5, 6) Makatuwirang isipin na nagbigay si Lucas ng medikal na payo at tulong kay Pablo at sa iba pang kasamahan nito sa pagmimisyonero. Bakit? Dahil kahit si Pablo ay nagkakasakit din habang naglalakbay. (Gal. 4:13) Ang ginawa ni Lucas ay kaayon ng sinabi ni Jesus: “Yaong malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi yaong mga may sakit.”—Luc. 5:31.

12 Hindi sinasabi ng Bibliya kung saan o kailan nag-aral ng medisina si Lucas. Ipinapalagay na binanggit ni Pablo sa mga taga-Colosas ang pagiging manggagamot ni Lucas dahil kilala nila siya. Kapansin-pansin, may paaralan sa medisina sa kalapít na lunsod ng Laodicea. Doon man siya nag-aral o hindi, nakatitiyak tayo na si Lucas ay hindi isang karaniwang tao na basta-basta nagpapayo tungkol sa kalusugan; isa siyang doktor. Kitang-kita ito sa paggamit niya ng espesipikong medikal na mga termino sa kaniyang Ebanghelyo at sa aklat ng Mga Gawa, pati na sa mga ulat niya tungkol sa mga pagpapagaling ni Jesus.

13. Paano tayo magiging timbang hinggil sa mga rekomendasyon sa kalusugan?

13 Sa ngayon, walang sinuman sa atin ang may “mga kaloob na pagpapagaling.” Pero may ilang nagmamalasakit na kapatid na nagbibigay ng rekomendasyon sa kalusugan—kahit hindi naman ito hinihingi. Totoo, praktikal naman ang ipinapayo ng ilan, kagaya ng payo  ni Pablo kay Timoteo tungkol sa problema nito sa sikmura, na malamang ay dahil sa maruming tubig. * (Basahin ang 1 Timoteo 5:23.) Pero ibang usapan naman kung hihikayatin ng isa ang kaniyang kapananampalataya na gumamit ng ilang panlunas, herbal na gamot, o diyeta na maaaring hindi epektibo o puwede pa ngang makasamâ sa kalusugan. Minsan, para makapanghikayat, sinasabi ng ilan: ‘Ganiyan din ang sakit ng kamag-anak ko, ’tapos uminom siya ng . . . Magaling na siya ngayon.’ Kahit maganda ang motibo ng nagpapayo, makabubuting tandaan na posibleng may masasamang epekto ito kahit pa marami ang gumagamit ng gayong medikasyon at paraan ng panggagamot.—Basahin ang Kawikaan 27:12.

MAGING MAINGAT

14, 15. (a) Paano sinasamantala ng ibang tao ang mga maysakit? (b) Ano ang matututuhan natin sa Kawikaan 14:15?

14 Bilang mga Kristiyano, gusto nating maging malusog para masiyahan sa buhay at makapaglingkod sa Diyos nang lubusan. Pero hindi tayo sakdal kaya nagkakasakit pa rin tayo. Maraming paraan ng paggamot, at bawat indibiduwal ay may karapatang pumili kung ano ang tatanggapin niya. Nakalulungkot, maraming sakim na tao ang mapagsamantala at gusto nilang pagkakitaan ang mga maysakit. Nagbebenta ang ilan ng mga “gamot” o “panlunas” na suportado ng pilipit na impormasyon o huwad na mga testimonya. Para kumita nang malaki, ang ibang indibiduwal naman o kompanya ay nanghihikayat sa mga tao na gumamit ng mga produktong mamahalin. Nakaaakit ang mga “panlunas” na ito sa mga maysakit na desperadong gumaling o gusto pang humaba ang buhay. Pero huwag nating kalimutan ang payo ng Salita ng Diyos: “Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.”—Kaw. 14:15.

15 Ang “matalino” ay lalong magiging maingat sa “salita,” o rekomendasyon, ng isa na kuwestiyunable ang kuwalipikasyon sa medisina. Maaaring isipin ng “matalino”: ‘Sabi niya, nakatulong daw sa iba ang bitamina, herbal na gamot, o diyetang ito, pero may sapat bang katibayan iyon? Iba-iba ang tao, kaya paano ako makatitiyak na makatutulong ito sa akin? Dapat ba akong magsaliksik pa o kumonsulta sa mga may kasanayan at kuwalipikado sa larangang ito?’—Deut. 17:6.

16. Anong mga tanong ang tutulong sa atin na magpakita ng “katinuan ng pag-iisip” hinggil sa mga rekomendasyon sa kalusugan?

16 Pinapayuhan tayo ng Salita ng Diyos na “mamuhay na taglay ang katinuan ng pag-iisip . . . sa gitna ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay.” (Tito 2:12) Napakahalagang magkaroon ng “katinuan ng pag-iisip” kapag ang paliwanag tungkol sa isang paraan ng pagda-diagnose o terapi ay parang kakaiba o misteryoso. Maipaliliwanag ba nang malinaw ng nagtataguyod o nagsasagawa ng panggagamot kung bakit iyon mabisa? Kaayon ba iyon ng mga pag-aaral, at tinatanggap ba iyon ng maraming may kasanayan sa medisina? (Kaw. 22:29) O baka naman nadadala lang tayo ng emosyon? Marahil inaangkin nila na ito ay nadiskubre o ginamit sa isang malayong lugar, na para bang hindi pa ito natutuklasan ng modernong pananaliksik. Makatuwiran ba ang gayong pag-aangkin? May ilang kagamitan sa pagda-diagnose o anyo ng panggagamot na sinasabing gumagamit ng ‘sekretong sangkap’ o ‘puwersa sa katawan.’ Lalo tayong dapat magpakaingat dito dahil nagbababala ang Diyos laban sa “paggamit ng mahiwagang kapangyarihan” at sa mga espiritista.—Isa. 1:13; Deut. 18:10-12.

 “MABUTING KALUSUGAN SA INYO!”

17. Ano ang gusto natin habang naglilingkod sa Diyos?

17 Nagpadala ang unang-siglong lupong tagapamahala ng isang importanteng liham sa mga kongregasyon. Matapos banggitin ang mga bagay na dapat iwasan ng mga Kristiyano, nagwakas ang liham: “Kung pakaiingatan ninyo ang inyong sarili sa mga bagay na ito, kayo ay uunlad. Mabuting kalusugan sa inyo!” (Gawa 15:29) Ang huling pangungusap, na isang uri ng pangwakas na pagbati, ay puwede ring isaling “maging malakas.” At talaga namang gusto nating magkaroon ng “mabuting kalusugan” at maging malakas habang naglilingkod sa ating dakilang Diyos.

Gusto nating maging malusog at malakas habang naglilingkod sa Diyos (Tingnan ang parapo 17)

18, 19. Ano ang pinananabikan natin sa bagong sanlibutan?

18 Hangga’t umiiral ang kasalukuyang sistema ng mga bagay at hindi tayo sakdal, magkakasakit pa rin tayo. Hindi tayo umaasa na makahimala tayong pagagalingin ngayon. Pero sinasabi ng Apocalipsis 22:1, 2 na darating ang panahon na lubusan tayong pagagalingin. Nakita ni apostol Juan sa pangitain ang “isang ilog ng tubig ng buhay” at “mga punungkahoy ng buhay” na ang mga dahon ay “para sa pagpapagaling sa mga bansa.” Hindi ito tumutukoy sa anumang herbal na gamot ngayon o sa hinaharap. Sa halip, tumutukoy ito sa paglalaan ni Jehova sa pamamagitan ni Jesus para bigyan ng buhay na walang hanggan ang mga masunurin—isang bagay na talagang pinananabikan natin.—Isa. 35:5, 6.

19 Habang hinihintay ang maluwalhating kinabukasang iyon, alam natin na interesado si Jehova sa bawat isa sa atin kahit may sakit tayo. Gaya ni David, makapagtitiwala tayo na aalalayan tayo ng Diyos sa ating pagkakasakit. Kaya masasabi rin natin ang sinabi ni David: “Kung tungkol sa akin, dahil sa aking katapatan ay itinaguyod mo ako, at ilalagay mo ako sa harap ng iyong mukha hanggang sa panahong walang takda.”—Awit 41:12.

^ par. 13 Sinasabi ng aklat na The Origins and Ancient History of Wine: “Ipinakita ng mga eksperimento na ang mga buháy na typhoid at iba pang mapanganib na mga mikroorganismo ay mabilis na namamatay kapag inihalo sa alak.”