Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN (EDISYON PARA SA PAG-AARAL) OKTUBRE 2015

Nakabuti sa Akin ang Paglapit sa Diyos

Nakabuti sa Akin ang Paglapit sa Diyos

SIYAM na taon ako nang tumigil ang paglaki ko. Nakatira kami noon sa Côte d’Ivoire, 34 na taon na ang nakararaan. Ngayon, tatlong talampakan lang ang taas ko. Nang maging malinaw ang kondisyon ko, hinimok ako ng aking mga magulang na magpakaabala para hindi ko laging maisip ang hitsura ko. Nagtinda ako ng prutas sa harap ng bahay namin. Dahil lagi kong inaayos ang mga paninda ko, maraming bumibili sa akin.

Nakatulong naman sa akin ang pagiging abala, pero hindi nito nabago ang lahat. Dahil maliit pa rin ako, hamon sa akin kahit ang simpleng mga bagay gaya ng mataas na pasamano sa mga tindahan. Parang lahat ng bagay ay dinisenyo para sa mas matatangkad. Naaawa ako sa sarili ko, pero nagbago iyan noong 14 anyos ako.

Isang araw, dalawang babaeng Saksi ni Jehova ang bumili ng prutas, pagkatapos ay sinimulan nila akong turuan sa Bibliya. Di-nagtagal, naunawaan kong mas importanteng makilala ko si Jehova at malaman ang layunin niya kaysa sa pisikal na kondisyon ko. Nakabuti iyon sa akin. Naging paborito kong teksto ang Awit 73:28. Sinasabi sa unang bahagi nito: “Ang paglapit sa Diyos ay mabuti para sa akin.”

Mula sa Côte d’Ivoire, biglang lumipat sa Burkina Faso ang pamilya namin at malaki ang ipinagbago ng buhay ko. Sa dating tinitirhan namin, pamilyar na sa akin at sa tindahan ko ang mga tao. Pero sa nilipatan namin, hindi ako kilala at para sa marami ay kakatwa ako. Pinagtitinginan ako ng mga tao. Kaya ilang linggo akong nagkulong sa bahay. Pero naalala kong nakabuti sa akin ang paglapit kay Jehova. Sumulat ako sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova at isang taong tamang-tama para sa akin ang dumalaw—si Nani, isang misyonera na naka-scooter.

Mabuhangin ang mga daan sa amin kaya laging madulas at kapag tag-ulan naman ay maputik. Maraming beses na tumumba roon ang scooter ni Nani kapag pumupunta siya para turuan ako ng Bibliya, pero hindi siya natinag. Minsan, niyaya niya akong dumalo. Naisip kong kapag sumama ako, kailangang tiisin ko kahit pagtinginan ako ng mga tao. Kung aangkas din ako sa scooter, mas bibigat iyon at lalong magiging mahirap imaneho. Pero pumayag ako. Naisip ko ang ikalawang bahagi  ng paborito kong teksto: “Ang Soberanong Panginoong Jehova ang ginawa kong aking kanlungan.”

Kung minsan, nahuhulog kami ni Nani sa putikan, pero okey lang basta makadalo. Ibang-iba talaga ang mga ngiting punô ng pag-ibig sa loob ng Kingdom Hall kumpara sa mga tinging tinatanggap ko sa labas nito! Makalipas ang siyam na buwan, nabautismuhan ako.

Ang ikatlong bahagi ng paborito kong teksto ay “Upang ipahayag ang lahat ng iyong mga gawa.” Alam kong magiging pinakamalaking hamon sa akin ang ministeryo. Tandang-tanda ko pa noong una akong magbahay-bahay. Pinagtitinginan ako at sinusundan ng mga tao, bata’t matanda. Ginagaya rin nila ang paglalakad ko. Nasasaktan ako, pero paulit-ulit kong sinasabi sa sarili ko na kailangan din nila ang Paraiso gaya ko, kaya tiniis ko iyon.

Para hindi ako gaanong mahirapan, bumili ako ng biskletang tatlo ang gulong, at kamay ang pampedal. Kapag paahon ang daan, itinutulak iyon ng kapartner ko, kapag pababa naman, sumasakay siya roon. Sa umpisa, nahirapan ako sa ministeryo, pero ito ang nagpasaya sa akin nang husto. Kaya noong 1998, nag-regular pioneer ako.

Marami akong naging Bible study, at apat sa kanila ang nabautismuhan. Tinanggap din ng isang kapatid kong babae ang katotohanan! Ang mga balita tungkol sa pagsulong ng iba ay nakapagpapalakas sa akin kapag kailangan ko iyon. Isang araw habang minamalarya, nakatanggap ako ng sulat mula sa Côte d’Ivoire. May nasimulan kasi akong Bible study. Estudyante siya sa isang unibersidad sa Burkina Faso. Ipinasa ko siya sa isang brother. Pagkatapos, lumipat siya sa Côte d’Ivoire. Tuwang-tuwa ako nang malaman kong isa na pala siyang di-bautisadong mamamahayag!

Saan ako kumukuha ng panggastos? Isang organisasyong tumutulong sa mga may kapansanan ang nag-alok sa akin na turuan akong manahi. Napansin ng isang instruktor kung paano ako magtrabaho at sinabi niya: “Tuturuan ka naming gumawa ng sabon.” Tinuruan nila ako. Gumagawa ako ng sabong panlaba at pambahay. Nagugustuhan ng mga tao ang sabon ko at inirerekomenda sa iba. Ako mismo ang nagde-deliver ng mga iyon gamit ang aking scooter na tatlo ang gulong.

Nakalulungkot, noong 2004, kinailangan kong huminto sa pagpapayunir dahil sa tumitinding kirot na dulot ng dispormadong gulugod ko. Pero regular pa rin ako sa ministeryo.

Sinasabi ng mga tao na kilala ako dahil nakakahawa ang ngiti ko. Talagang napakarami kong dahilan para maging masaya dahil nakabuti sa akin ang paglapit sa Diyos.—Ayon sa salaysay ni Sarah Maiga.