Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN (EDISYON PARA SA PAG-AARAL) OKTUBRE 2015

“Bigyan Mo Kami ng Higit Pang Pananampalataya”

“Bigyan Mo Kami ng Higit Pang Pananampalataya”

“Tulungan mo ako kung saan ako nangangailangan ng pananampalataya!”—MAR. 9:24.

AWIT: 81, 135

1. Gaano kahalaga ang pananampalataya? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

NAITANONG mo na ba minsan, ‘Gugustuhin kaya ni Jehova na iligtas ako sa malaking kapighatian at makatawid sa bagong sanlibutan?’ May mga kahilingan para maligtas tayo, at idiniin ni apostol Pablo ang isang napakahalagang kahilingan: “Kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan [ang Diyos] nang lubos.” (Heb. 11:6) Parang napakasimple lang nito, pero ang totoo, “ang pananampalataya ay hindi taglay ng lahat ng tao.” (2 Tes. 3:2) Tinutulungan tayo ng mga tekstong ito na maunawaan na napakahalagang patibayin ang ating pananampalataya.

2, 3. (a) Ano ang matututuhan natin kay Pedro tungkol sa kahalagahan ng pananampalataya? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin natin?

2 Ipinakita ni apostol Pedro ang kahalagahan ng pananampalataya nang sabihin niyang “ang subok na katangian” nito ay maaaring “masumpungang dahilan ukol sa kapurihan at kaluwalhatian at karangalan sa pagkakasiwalat kay Jesu-Kristo.” (Basahin ang 1 Pedro 1:7.) Dahil napakalapit na ng malaking kapighatian, hindi ba’t gusto nating matiyak na taglay natin ang uri ng pananampalatayang papupurihan ng ating maluwalhating Hari kapag isiniwalat na siya? Tiyak na gusto nating maging “ang uri na may pananampalataya upang maingatang buháy ang kaluluwa.” (Heb. 10:39) Kaya gaya ng lalaking nakiusap kay Jesus, puwede rin nating sabihin: “Tulungan mo ako kung saan ako nangangailangan ng  pananampalataya!” (Mar. 9:24) O gaya ng mga apostol, maaari din nating hilingin: “Bigyan mo kami ng higit pang pananampalataya.”—Luc. 17:5.

3 Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang sumusunod na mga tanong: Paano natin mapatitibay ang ating pananampalataya? Paano natin maipakikitang may pananampalataya tayo? Bakit tayo nakatitiyak na sasagutin ang kahilingan nating bigyan tayo ng higit pang pananampalataya?

NALULUGOD ANG DIYOS KAPAG PINATITIBAY NATIN ANG ATING PANANAMPALATAYA

4. Kaninong mga halimbawa ang maaaring magpakilos sa atin na patibayin ang ating pananampalataya?

4 “Ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo,” kaya may matututuhan tayo sa mga halimbawa sa Bibliya. (Roma 15:4) Kapag binabasa natin ang tungkol kina Abraham, Sara, Isaac, Jacob, Moises, Rahab, Gideon, Barak, at marami pang iba, mapakikilos tayo na suriin ang ating pananampalataya. (Heb. 11:32-35) Ang mga ulat tungkol sa kahanga-hangang pananampalataya ng ating mga kapatid ngayon ay maaari ding magpakilos sa atin na sikaping patibayin ang ating pananampalataya. *

5. Paano nagpakita si Elias ng matibay na pananampalataya kay Jehova? Napakikilos tayo nito na gawin ang ano?

5 Ang isang halimbawa sa Bibliya ay si propeta Elias. Makikita sa sumusunod na sitwasyon ang lubos na pagtitiwala niya kay Jehova. Nang ipaalam ni Elias kay Haring Ahab na magpapasapit si Jehova ng tagtuyot, buong-pagtitiwala niyang sinabi: “Buháy si Jehova . . . hindi magkakaroon . . . ng hamog ni ng ulan man, malibang ayon sa utos ng aking salita!” (1 Hari 17:1) Naniwala si Elias na paglalaanan siya ni Jehova at ang iba pa sa panahon ng tagtuyot. (1 Hari 17:4, 5, 13, 14) Nagtiwala siya na kayang buhaying muli ni Jehova ang isang bata. (1 Hari 17:21) Hindi siya nagduda na magpapadala si Jehova ng apoy na tutupok sa handog niya sa Bundok Carmel. (1 Hari 18:24, 37) Noong wawakasan na ni Jehova ang tagtuyot, kahit wala pang anumang tanda na uulan, sinabi ni Elias kay Ahab: “Umahon ka, kumain ka at uminom; sapagkat may hugong ng ingay ng ulan.” (1 Hari 18:41) Hindi ba tayo napakikilos ng mga ulat na ito na suriin kung ganiyan din katibay ang ating pananampalataya?

PAANO NATIN MAPATITIBAY ANG ATING PANANAMPALATAYA?

6. Ano ang puwede nating hingin kay Jehova para mapatibay ang ating pananampalataya?

6 Hindi natin mapatitibay ang ating pananampalataya nang walang tulong ni Jehova. Ang pananampalataya ay isang aspekto ng banal na espiritu ng Diyos. (Gal. 5:22) Kaya isang katalinuhan na manalangin para sa higit pang banal na espiritu gaya ng ipinayo ni Jesus, dahil tinitiyak niya na ang Ama ay “magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya.”—Luc. 11:13.

7. Ilarawan kung paano natin mapananatiling matibay ang ating pananampalataya.

7 Dapat nating panatilihing matibay ang ating pananampalataya. Ang pananampalataya ay maihahalintulad sa nagliliyab na mga gatong na kahoy. Sa umpisa, baka napakalakas ng apoy nito. Pero kung pababayaan, unti-unti itong hihina hanggang sa tuluyan nang mamatay. Pero kung regular mo itong gagatungan, patuloy itong magliliyab. Ganiyan din ang ating pananampalataya. Mapananatili natin itong buháy kung regular nating babasahin at patuloy na pag-aaralan ang Bibliya. Sa gayon, lalalim ang pag-ibig natin dito at sa Awtor nito, na magsisilbing pundasyon para lalo pang tumibay ang ating pananampalataya.

8. Ano ang makatutulong para mapanatili nating matibay ang ating pananampalataya?

 8 Ano pa ang puwede mong gawin para mapanatiling matibay ang iyong pananampalataya? Huwag makontento sa mga natutuhan mo hanggang noong mabautismuhan ka. (Heb. 6:1, 2) Pag-aralan ang natupad na mga hula sa Bibliya. Matutulungan ka nito na magkaroon ng higit pang pananampalataya. Magagamit mo rin ang Salita ng Diyos para masukat kung talagang matibay ang pananampalataya mo.—Basahin ang Santiago 1:25; 2:24, 26.

9, 10. Paano nakatutulong ang sumusunod para mapatibay ang ating pananampalataya: (a) mabubuting kasama? (b) pagpupulong? (c) ministeryo sa larangan?

9 Sinabi ni apostol Pablo sa mga kapuwa niya Kristiyano na maaari silang “magkaroon ng pagpapalitan ng pampatibay-loob sa gitna [nila], ng bawat isa sa pamamagitan ng pananampalataya ng iba.” (Roma 1:12) Kapag nakikisama tayo sa mga kapuwa natin mananamba, mapatitibay natin ang pananampalataya ng isa’t isa, lalo na kung ang mga kasama natin ay nakapagpakita na ng ‘subok na katangian’ ng kanilang pananampalataya. (Sant. 1:3) Ang masasamang kasama ay sumisira ng pananampalataya, pero pinatitibay iyon ng mabubuting kasama. (1 Cor. 15:33) Kaya pinapayuhan tayo na huwag pabayaan ang “ating pagtitipon” kundi patuloy na ‘magpatibayang-loob sa isa’t isa.’ (Basahin ang Hebreo 10:24, 25.) Ang mga pagpupulong ay naglalaan din ng mga turong nakapagpapatibay ng pananampalataya. Kaayon ito ng sinabi ni Pablo: “Ang pananampalataya ay kasunod ng bagay na narinig.” (Roma 10:17) Ginagawa ba nating regular na bahagi ng ating buhay ang pagdalo at pakikipagsamahan sa mga Kristiyanong pagpupulong?

10 Kapag nakikibahagi tayo sa ministeryo sa larangan, hindi lang pananampalataya ng iba ang napatitibay natin kundi pati ang sa atin. Gaya ng unang mga Kristiyano, natututo tayong lubos na manampalataya kay Jehova at magsalita nang may katapangan anuman ang sitwasyon.—Gawa 4:17-20; 13:46.

11. Bakit matibay ang pananampalataya nina Caleb at Josue? Paano tayo magiging gaya nila?

11 Habang nakikita natin kung paano tayo tinutulungan ni Jehova at kung paano niya sinasagot ang ating mga panalangin, lumalago ang pananampalataya natin. Ganiyan ang nangyari kina Caleb at Josue. Nagpakita sila ng pananampalataya kay Jehova nang tiktikan nila ang Lupang Pangako. Sa paglipas ng panahon, lalong lumago iyon habang nakikita nila kung paano sila ginagabayan ni Jehova. Kaya naman buong-pagtitiwalang nasabi ni Josue sa mga Israelita: “Walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo.” Idinagdag niya nang maglaon: “Matakot kayo kay Jehova at paglingkuran ninyo siya sa kawalang-pagkukulang at sa katotohanan . . . Kung para sa akin at sa aking sambahayan, maglilingkod kami kay Jehova.” (Jos. 23:14; 24:14, 15) Ganiyan din ang magiging paninindigan natin kapag natikman natin ang kabutihan ni Jehova.—Awit 34:8.

IPAKITA ANG ATING PANANAMPALATAYA

12. Ayon kay Santiago, paano natin ipakikitang buháy ang ating pananampalataya?

12 Paano natin ipakikitang buháy ang ating pananampalataya? Sinabi ng alagad na si Santiago: “Ipakikita ko sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking mga gawa.” (Sant. 2:18) Ipakikita ng mga gawa natin na buháy ang ating pananampalataya. Tingnan natin ang ilang halimbawa.

Nagpapakita ng matibay na pananampalataya ang mga nagsasakripisyo para sa ministeryo (Tingnan ang parapo 13)

13. Paano ipinakikita ng ating pangangaral na may pananampalataya tayo?

13 Ang pangangaral ay isang napakagandang paraan para maipakita ang ating pananampalataya. Bakit? Dahil kapag nangangaral tayo, ipinakikita nating nananampalataya tayo sa itinakdang panahon  ng Diyos para wakasan ang sistemang ito ng mga bagay, anupat naniniwalang “hindi iyon maaantala.” (Hab. 2:3) Para masukat ang ating pananampalataya, tingnan kung hanggang saan ang handa nating isakripisyo alang-alang sa ministeryo. Ginagawa ba natin ang lahat, marahil ay naghahanap ng paraan para mapalawak pa ang ating ministeryo? (2 Cor. 13:5) Oo, ang “pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaligtasan” ay mapuwersang paraan para ipakitang may pananampalataya tayo.—Basahin ang Roma 10:10.

14, 15. (a) Paano natin maipakikita sa araw-araw na buhay ang pananampalataya? (b) Maglahad ng karanasan na nagpapakita ng matibay na pananampalataya.

14 Maipakikita rin natin ang pananampalataya kapag binubuno natin ang mga hamon sa araw-araw. Sa harap man ng pagkakasakit, panghihina ng loob, depresyon, kahirapan, o iba pang problema, nagtitiwala tayo na paglalaanan tayo ni Jehova at ng kaniyang Anak ng “tulong sa tamang panahon.” (Heb. 4:16) Ipinakikita natin ang pagtitiwalang iyon kapag nananalangin tayo hindi lang para sa ating espirituwal na pangangailangan. Sinabi ni Jesus na puwede tayong humingi kay Jehova ng materyal na mga bagay, kasama na rito ang ‘tinapay ayon sa ating pangangailangan sa araw-araw.’ (Luc. 11:3) Pinatutunayan ng mga ulat sa Bibliya na kaya tayong paglaanan ni Jehova. Noong magkaroon ng matinding tagtuyot sa Israel, pinaglaanan ni Jehova ng pagkain at tubig si Elias. Sa utos ni Jehova, “ang mga uwak ay nagdadala sa kaniya ng tinapay at karne sa umaga at ng tinapay at karne sa gabi, at mula sa agusang libis siya umiinom.” (1 Hari 17:3-6) Nananampalataya tayo na kayang maniobrahin ni Jehova ang mga bagay-bagay para mapaglaanan din tayo.

Nagpapakita tayo ng pananampalataya kapag binubuno natin ang mga hamon sa araw-araw (Tingnan ang parapo 14)

15 Nagtitiwala tayo na kung ikakapit natin ang mga simulain sa Bibliya, mapaglalaanan natin ang ating pamilya. Napatunayan ito ni Rebecca, isang sister sa Asia na may asawa. Ikinapit nila ang Mateo 6:33 at Kawikaan 10:4. Inuna nila ang kapakanan ng Kaharian at masipag na nagtrabaho. Sinabi ni Rebecca na nadama ng mister niya na maaaring manganib ang espirituwalidad nila dahil sa trabaho nito, kaya nagbitiw ito. Pero apat ang anak nila. Ikinuwento ni Rebecca: “Nagsimula kaming gumawa ng matatamis na pagkain at ibinenta ang mga ito. Sa loob ng maraming  taon, iyon ang pinagkakakitaan namin. Nadama naming hindi kami pinabayaan ni Jehova. Kahit minsan, hindi kami nagutom.” Nagkaroon ka na rin ba ng ganiyang karanasan na nagpatibay ng iyong pananampalataya?

16. Ano ang mangyayari kung nagtitiwala tayo sa Diyos?

16 Hindi tayo dapat magduda na mapapabuti tayo kung susundin natin ang tagubilin ng Diyos. Sinipi ni Pablo ang mga sinabi ni Habakuk nang isulat niya: “Ang matuwid ay mabubuhay dahil sa pananampalataya.” (Gal. 3:11; Hab. 2:4) Kaya napakahalagang manampalataya tayo sa Isa na talagang kayang tumulong. Ipinaaalaala sa atin ni Pablo na ang Diyos ang “isa na makagagawa ng ibayo pang higit sa lahat ng mga bagay na ating mahihingi o maiisip, ayon sa kaniyang kapangyarihan na kumikilos sa atin.” (Efe. 3:20) Ginagawa ng mga lingkod ni Jehova ang lahat para gawin ang kalooban ng Diyos. Pero alam nilang may limitasyon sila, kaya nagtitiwala silang pagpapalain ni Jehova ang mga pagsisikap nila. Hindi ba tayo natutuwa na tinutulungan tayo ng ating Diyos?

SINAGOT ANG KANILANG HILING

17. (a) Paano sinagot ang kahilingan ng mga apostol? (b) Kung hihiling tayo ng higit pang pananampalataya, bakit tayo makaaasa na sasagutin iyon?

17 Mula sa mga tinalakay natin, maaaring madama rin natin ang nadama ng mga apostol nang hilingin nila sa Panginoon: “Bigyan mo kami ng higit pang pananampalataya.” (Luc. 17:5) Sinagot ito partikular na noong Pentecostes 33 C.E. nang ibuhos sa kanila ang banal na espiritu at bigyan sila ng mas malalim na kaunawaan sa layunin ng Diyos. Napatibay nito ang kanilang pananampalataya. Bilang resulta, sinimulan nila ang pinakamalawak na pangangaral noong panahong iyon. (Col. 1:23) Kung hihiling tayo ng higit pang pananampalataya, makaaasa rin ba tayo na sasagutin iyon? Tinitiyak sa atin ng Bibliya na oo, kung hihiling tayo ‘ayon sa kalooban ng Diyos.’—1 Juan 5:14.

18. Paano pinagpapala ni Jehova ang mga naglilinang ng pananampalataya?

18 Maliwanag, nalulugod si Jehova sa mga lubusang nagtitiwala sa kaniya. Sasagutin ni Jehova ang kahilingan natin para sa higit pang pananampalataya. Tiyak na lalago iyon nang labis-labis hanggang sa “maibilang [tayong] karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”—2 Tes. 1:3, 5.

^ par. 4 Para sa mga halimbawa, tingnan ang talambuhay nina Lillian Gobitas Klose (Hulyo 22, 1993, Gumising!), Feliks Borys (Pebrero 22, 1994, Gumising!), at Josephine Elias (Setyembre 2009 Gumising!).