Accessibility setting

Pumili ng wika

Pumunta sa pangalawahing menu

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pumunta sa nilalaman

Mga Saksi ni Jehova

Tagalog

ANG BANTAYAN (EDISYON PARA SA PAG-AARAL) MAYO 2015

 TALAMBUHAY

Nakapagbata Ako Dahil sa Aking Unang Pag-ibig

Nakapagbata Ako Dahil sa Aking Unang Pag-ibig

KASISIMULA pa lang noon ng tag-araw ng 1970. Naospital ako sa Valley Forge General Hospital, Phoenixville, Pennsylvania, sa United States. Tuwing kalahating oras, minomonitor ng isang lalaking nurse ang blood pressure ko. Sundalo ako at sa edad na 20 ay nahawa ng malalang sakit. Halatang-halata ang pag-aalala ng nurse, na mas matanda sa akin nang ilang taon. Habang patuloy na bumababa ang blood pressure ko, tinanong ko siya, “Hindi ka pa nakakita ng namatay na pasyente, ’no?” Namutla siya, at sinabi, “Hindi pa.”

Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin noon. Pero bakit ba ako naospital? Hayaan ninyong ikuwento ko sa inyo ang aking buhay.

KUNG PAANO AKO NAMULAT SA DIGMAAN

Nagkasakit ako habang nagtatrabaho bilang technician sa operating room sa panahon ng digmaan sa Vietnam. Gustong-gusto kong tumulong sa mga maysakit at sugatán. Pangarap ko ring maging surgeon. Dumating ako sa Vietnam noong Hulyo 1969. Tulad ng lahat ng baguhan, sa loob ng isang linggo, hinayaan muna nila akong makapag-adjust sa oras ng Vietnam at sa matinding init.

Di-nagtagal, matapos akong magreport sa trabaho sa isang ospital sa Mekong Delta, sa Dong Tam, nagdatingan ang maraming helikopter na punong-puno ng sugatán. Napakamakabayan ko noon at gustong-gusto kong magtrabaho, kaya agad akong tumulong. Matapos asikasuhin ang mga sugatán, dinadala sila sa maliliit na container van na naka-aircon at nagsisilbing operating room. Habang nagsisiksikan doon ang surgeon, anesthetist, at dalawang nurse, sinisikap nilang isalba ang buhay ng mga biktima. Napansin ko na may malaki at itim na mga bag na hindi ibinababa sa mga helikopter. Sinabi sa akin na parte ng katawan ng mga sundalong nasabugan sa pakikipaglaban ang laman ng mga iyon. Sa ganitong paraan ako namulat sa digmaan.

ANG PAGHAHANAP KO SA DIYOS

Kabataan pa lang ako, may kaunti na akong alam sa katotohanan

Kabataan pa lang ako, may kaunti na akong alam sa katotohanang itinuturo ng mga Saksi ni Jehova. Nakipag-aral kasi ng Bibliya sa mga Saksi ang nanay ko, pero hindi siya nabautismuhan. Lagi akong nakikinig kapag nag-aaral sila ng Bibliya. Minsan, napadaan kami ng stepfather ko sa isang Kingdom Hall. Tinanong ko siya, “Ano po ’yon?” Sumagot  siya, “Huwag na huwag kang lalapit sa mga taong ’yan!” Mahal ko ang stepfather ko at may tiwala ako sa kaniya, kaya sinunod ko siya.

Pagbalik ko mula sa Vietnam, nadama kong kailangan ko ang Diyos sa buhay ko. Naging manhid ako dahil sa masasamang alaala. At parang walang nakakaintindi sa totoong nangyayari sa Vietnam. Natatandaan ko pa nga na may mga nagpoprotesta noon. Tinawag nilang mamamatay-sanggol ang mga sundalo ng Estados Unidos dahil sa report na kahit walang kamalay-malay na mga bata ay pinapatay sa digmaan.

Sinubukan kong dumalo sa mga pagtitipon ng iba’t ibang relihiyon. Mahal ko naman ang Diyos, pero hindi ako nasiyahan sa nakita ko sa mga simbahan. Kaya noong Pebrero 1971, araw ng Linggo, dumalo ako sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Delray Beach, Florida.

Patapos na ang pahayag pangmadla nang dumating ako, kaya nakinig na lang ako sa pag-aaral ng Bantayan. Hindi ko matandaan kung ano ang tinalakay, pero tandang-tanda ko ang mga bata na nagbubuklat ng kanilang Bibliya para hanapin ang mga teksto. Talagang humanga ako! Nakinig ako at nagmasid. Nang paalis na ako, isang brother na mga 80 anyos ang lumapit sa akin. Siya si Jim Gardner. Iniabot niya sa akin ang aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan, at sinabi, “Puwede ko bang ibigay ito sa iyo?” Iniskedyul naming mag-aral ng Bibliya ng Huwebes ng umaga.

Kinagabihan ng Linggong iyon, kailangan kong pumasok sa trabaho. Nakadestino ako sa emergency room ng isang pribadong ospital sa Boca Raton, Florida. Mula 11:00 n.g. hanggang 7:00 n.u. ang pasok ko. Walang masyadong trabaho noon, kaya nakapagbasa ako ng aklat na Katotohanan. Isang senior nurse ang lumapit sa akin, inagaw niya ang aklat ko, at pagkakita sa pabalat, sumigaw siya, “Ano, magsa-Saksi ka?” Kinuha ko agad sa kaniya ang aklat ko at sinabi, “Kalahati pa lang ang nababasa ko, pero parang ganoon nga!” Umalis siya at natapos ko ang buong aklat noong gabing iyon.

Si Jim Gardner ang nagturo sa akin ng Bibliya, isang pinahirang kapatid na nakakakilala kay Charles Taze Russell

Noong mag-aaral na kami ng Bibliya ni Brother Gardner, tinanong ko siya, “Ano po ang pag-aaral natin?” Sumagot siya, “Ang aklat na ibinigay ko sa ’yo.” Sinabi ko, “Natapos ko na pong basahin ’yon.” Mabait na sinabi ni Brother Gardner, “Sige, pag-usapan lang natin itong unang kabanata.” Nagulat ako, ang dami ko palang hindi naintindihan. Marami siyang ipinabasang teksto sa akin sa sarili kong Bibliya na King James Version. Unti-unti ko nang nakikilala ang tunay na Diyos, si Jehova. Noong umagang iyon, tatlong kabanata ng aklat na Katotohanan ang natalakay namin ni Brother Gardner, na tinatawag kong Jim. Mula noon, tuwing Huwebes ng umaga, tatlong kabanata ang pinag-aaralan namin. Talagang nasiyahan ako sa mga pag-aaral na iyon. Isa ngang pribilehiyo na maturuan ng isang pinahirang kapatid na personal na nakakakilala kay Charles T. Russell!

 Pagkaraan ng ilang linggo, inaprobahan akong maging mamamahayag ng mabuting balita. Tinulungan ako ni Jim sa maraming bagay, pati na sa pangangaral sa bahay-bahay. (Gawa 20:20) Sinasamahan niya ako sa pangangaral, kaya unti-unti akong nasiyahan sa gawaing ito. Hanggang ngayon, ang ministeryo ang pinakamagandang pribilehiyo para sa akin. Napakasaya ngang maging kamanggagawa ng Diyos!—1 Cor. 3:9.

ANG AKING UNANG PAG-IBIG KAY JEHOVA

Ikukuwento ko naman sa inyo ang isang personal na bagay—ang aking unang pag-ibig kay Jehova. (Apoc. 2:4) Natulungan ako ng pag-ibig na iyan na makayanan ang sakit na dulot ng alaala ng digmaan at ang maraming iba pang pagsubok.—Isa. 65:17.

Natulungan ako ng pag-ibig ko kay Jehova na makayanan ang sakit na dulot ng alaala ng digmaan at ang maraming iba pang pagsubok

Nabautismuhan ako noong Hulyo 1971 sa “Divine Name” na Pandistritong Asamblea sa Yankee Stadium

Hindi ko malilimutan ang isang espesyal na araw noong tagsibol ng 1971. Bago nito, pinalayas ako ng mga magulang ko sa condominium na pinatirhan nila sa akin. Ayaw ng stepfather ko na may Saksi ni Jehova sa loob ng kaniyang pag-aari! Halos wala akong kapera-pera noong panahong iyon. Tuwing ikalawang linggo ang pasuweldo sa akin ng pinagtatrabahuhan kong ospital. Nagastos ko na rin noon ang suweldo ko sa pagbili ng mga damit para maging presentableng kinatawan ni Jehova sa ministeryo. May kaunti akong ipon, pero nasa bangko sa Michigan, kung saan ako lumaki. Kaya tumira ako nang ilang araw sa kotse ko. Sa restroom ng mga gasolinahan ako nag-aahit at naglilinis ng katawan.

Isang araw, pagkatapos ng trabaho sa ospital, dumeretso ako sa Kingdom Hall para sa pagtitipon sa paglilingkod sa larangan. Maaga pa noon at habang nag-iisang nakaupo sa likod ng Kingdom Hall,  nagbalik sa akin ang mga alaala ng Vietnam—ang pagdanak ng dugo at ang amoy ng sunóg na laman ng tao. Dinig na dinig ko at kitang-kita ang mga kabataang lalaki na nagmamakaawang nagtatanong, “Mamamatay na ba ako? Mamamatay na ba ako?” Alam kong mamatay sila, pero sinikap kong palakasin ang loob nila at huwag ipahalata ang totoong sitwasyon. Habang nakaupo roon, hindi ko na nakayanan ang emosyon ko.

Ginagawa ko ang buong makakaya ko, lalong-lalo na kapag napapaharap sa mga pagsubok at problema, para hindi mawala ang aking unang pag-ibig kay Jehova

Nanalangin ako habang umaagos ang aking mga luha. (Awit 56:8) Unti-unti kong naisip ang pagkabuhay-muli. Natauhan ako: Sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli, papawiin ng Diyos na Jehova ang lahat ng pinsalang idinulot ng nasaksihan kong mga pagpatay at ang kirot na naranasan ko at ng iba pa. Bubuhaying muli ng Diyos ang mga kabataang lalaking iyon, at magkakaroon sila ng pagkakataong matutuhan ang katotohanan tungkol sa kaniya. (Gawa 24:15) Noong mga sandaling iyon, nag-umapaw sa puso ko ang pag-ibig kay Jehova at nasaling nito ang kaibuturan ng aking pagkatao. Espesyal pa rin sa akin ang araw na iyon. Mula noon, ginawa ko ang buong makakaya ko, lalong-lalo na kapag napapaharap sa mga pagsubok at problema, para hindi mawala ang aking unang pag-ibig kay Jehova.

NAPAKABUTI SA AKIN NI JEHOVA

Sa panahon ng digmaan, ang mga tao ay nakagagawa ng di-magagandang bagay at isa ako sa kanila. Pero nakatulong sa akin ang pagbubulay-bulay sa dalawang teksto na paborito ko. Ang una, ang Apocalipsis 12:10, 11, na nagsasabing ang Diyablo ay madaraig sa pamamagitan ng ating pagpapatotoo at ng dugo ng Kordero. Ang ikalawa ay ang Galacia 2:20. Batay sa tekstong iyan, alam kong si Kristo Jesus ay namatay “para sa akin.” Tinitingnan ako ni Jehova sa pamamagitan ng dugo ni Jesus, at pinatatawad Niya ang mga nagawa kong kasalanan. Dahil sa katotohanang iyan, nagkaroon ako ng malinis na budhi at napakilos na gawin ang lahat ng magagawa ko para tulungan ang iba na malaman ang katotohanan tungkol sa ating maawaing Diyos, si Jehova!—Heb. 9:14.

Kapag naiisip ko ang aking naging buhay, lubos akong nagpapasalamat na lagi akong inaalalayan ni Jehova. Halimbawa, nang malaman ni Jim na nakatira ako sa kotse ko, ipinakilala niya ako sa isang sister na may boarding house. Naniniwala akong ginamit ni Jehova si Jim at ang sister na iyon para may matirhan ako. Napakabait ni Jehova! Inaalagaan niya ang kaniyang tapat na mga mananamba.

MASIGASIG PERO NATUTONG MAGING MATAKTIKA

Noong Mayo 1971, kinailangan kong pumunta sa Michigan para asikasuhin ang ilang bagay. Bago ako umalis sa Delray Beach Congregation sa Florida, pinunô ko ng literatura ang trunk ng kotse ko, at pagkatapos ay naglakbay ako pahilaga sa Interstate 75. Wala pa ko sa kalahati ng lalakbayin ko, ubos na ang laman ng trunk. Masigasig kong ipinangaral ang mabuting balita ng Kaharian. Huminto ako sa mga bilangguan at kahit sa restroom ng mga lalaki sa mga lugar ng pahingahan, namigay ako ng mga tract. Hanggang ngayon, iniisip ko kung may nagbunga sa mga binhing iyon na itinanim ko.—1 Cor. 3:6, 7.

Aaminin ko, noong bago ako sa katotohanan, hindi ako mataktikang makipag-usap, lalo na sa mga kapamilya ko. Dahil nag-aalab ang pag-ibig ko kay Jehova, prangkahan akong nangaral sa kanila. Mahal na mahal ko ang aking mga kapatid, sina John at Ron, kaya ipinagpilitan ko sa kanila ang katotohanan. Nang bandang huli, humingi ako ng pasensiya sa ginawa ko. Patuloy akong nananalangin na sana’y tanggapin nila ang katotohanan. Mula noon, tinuruan ako ni Jehova, at naging mas mataktika ako sa pangangaral at pagtuturo.—Col. 4:6.

 ANG IBA KO PANG PAG-IBIG

Laging nasa puso ko si Jehova, gayundin ang iba ko pang mahal. Ang ikalawa kong pag-ibig ay ang aking asawa, si Susan. Gusto kong magkaroon ng katuwang sa gawaing pangkaharian. Si Susan ay matatag na sister at may-gulang sa espirituwal. Naalaala ko nang minsang dalawin ko siya, nakaupo siya sa beranda ng bahay ng mga magulang niya sa Cranston, Rhode Island. Nagbabasa siya noon ng Bantayan, at kahit pangalawahing artikulo lang ang binabasa niya, tinitingnan pa rin niya sa Bibliya ang mga teksto. Humanga ako sa kaniya at nasabi ko, ‘Palaisip talaga siya sa espirituwal!’ Nagpakasal kami noong Disyembre 1971, at nagpapasalamat ako na mula noon, nanatili siya sa tabi ko at sinuportahan ako. Pero ito talaga ang napahalagahan ko—mas mahal niya si Jehova kaysa sa akin.

Ako, si Susan, at ang dalawa naming anak, sina Paul at Jesse

Dalawang lalaki ang naging anak namin ni Susan, sina Jesse at Paul. Lumaki sila na kilala si Jehova. (1 Sam. 3:19) Dahil dinibdib nila ang katotohanan, nagbigay sila ng karangalan sa amin ni Susan. Patuloy silang naglilingkod kay Jehova dahil hindi nila nalilimutan ang kanilang unang pag-ibig sa kaniya. Pareho silang mahigit 20 taon nang nasa buong-panahong paglilingkod. Ipinagmamalaki ko rin ang aking dalawang magagandang manugang, sina Stephanie at Racquel, na itinuring ko nang tunay na mga anak. Pareho silang may-gulang sa  espirituwal at umiibig kay Jehova nang buong puso at kaluluwa.—Efe. 6:6.

Bilang pamilya, nangaral kami sa teritoryong bihirang magawa

Pagkatapos ng bautismo ko, naglingkod ako nang 16 na taon sa Rhode Island at nagkaroon ng matatalik na kaibigan doon. Marami akong magandang alaala sa mahuhusay na elder na nakasama ko. Nagpapasalamat din ako sa di-mabilang na naglalakbay na tagapangasiwa na naging magandang impluwensiya sa akin. Napakalaking pribilehiyo ngang makapaglingkod kasama ng mga brother na patuloy na nag-iingat ng kanilang unang pag-ibig kay Jehova! Noong 1987, lumipat kami sa North Carolina para maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Doon, nagkaroon kami ng iba pang mga kaibigan. *

Nangunguna sa pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan bilang naglalakbay na tagapangasiwa

Noong Agosto 2002, tinanggap namin ni Susan ang imbitasyong maging bahagi ng pamilyang Bethel sa Patterson, United States. Nagtrabaho ako sa Service Department, at si Susan naman ay sa laundry. Gustong-gusto niya ang trabaho niya! Pagkatapos, noong Agosto 2005, nagkapribilehiyo akong maglingkod bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala. Naisip ko kung kaya ko ba talaga ang atas na iyon. Naisip naman ng asawa ko ang mga pananagutan, trabaho, at paglalakbay na kaakibat nito. Kahit hindi komportableng sumakay ng eroplano si Susan, maraming beses naming ginawa iyon! Sinabi ni Susan na ang maibiging payo ng asawa ng ibang miyembro ng Lupong Tagapamahala ay nakatulong sa kaniya para maging determinadong suportahan ako hangga’t posible. At ganoon nga ang ginawa niya, kaya lalo ko siyang minahal.

Sa opisina ko, maraming makikitang larawan ng mga taong mahalaga sa akin! Ipinaaalaala nito sa akin kung gaano kasaya ang buhay ko. Marami na akong natanggap na napakagagandang gantimpala dahil ginagawa ko ang lahat para maingatan ang aking unang pag-ibig kay Jehova!

Napakasayang makasama ang aking pamilya

^ par. 31 Para sa iba pang detalye ng buong-panahong paglilingkod ni Brother Morris, tingnan ang Bantayan, Marso 15, 2006, pahina 26.